Mabilis na tumagilid ng higa si Thessa at tumalikod sa may pintuan nang marinig niyang bumukas ito. Kung ang Mama man niya ang dumating, mabuti. Kung si June man ang dumating, mas mabuti.
Naramdaman niyang tumigil sa likuran niya ang presensya ng taong pumasok. Sa isip niya, baka iniisip ng taong ito kung natutulog ba siya o hindi kaya umayos siya ng pagkakahiga at tiningnan kung sino ito.
Agad niya itong nginitian nang makilala ito.
Si June.
"Dumating ka na pala. Pasensya na, hindi ko kasi napansing bumukas ang pinto." kunwari niya. Sinadya niya talaga 'yon para makapagsimula nang conversation sa binata. Masyado kasi itong ilap sa kanya.
Ewan ba niya pero parang hinahanap niya ang pangungulit nito sa kanya. Ang pagiging caring nito sa kanya. Ang pagiging sobrang ma-effort nito.
Hindi agad ito sumagot. Ilang sandali din silang nagtitigan lang doon. Nanatili pa rin siyang nakangiti rito samantalang ito naman ay parang umurong na ang dila at hindi na nakasagot pa.
Ngayon lang siya napatitig ng ganito katagal sa mukha ng binata. Ngayon niya lang napansin na may itsura din pala ito. Parang may naramdaman siyang kakaiba sa dibdib niya bigla.
Bakit niya nararamdaman ito ngayon?
Alam niya ang pakiramdam na 'to. Nararamdaman niya lang ito kapag nakikita niya ang crush niyang si Aaron. Pero nitong mga nakaraang araw ay hindi na niya ito nararamdaman kapag kasama ang binata.
Bakit ngayon nandito na naman ang pakiramdam na ito? At mas malakas pa ang kabog ng dibdib niya kesa dati. Anong ibig sabihin nito?
Attracted na ba siya sa binatang nakatayo sa harapan niya?
May gusto na ba siya kay June?
Hindi na niya kinaya pa ang titigan nilang dalawa kaya siya na ang naunang umiwas. Parang nilulunod siya sa mga titig nito. Pasimple niyang hinawakan ang dibdib. Ang lakas bigla ng kabog nito.
Parang noon lang din ito nabalik sa sarili. "A-Ang ganda mo pa rin kapag nakangiti."
Muli siyang napalingon dito sa sinabi nito.
Parang nabigla din ito sa nasabi at agad napatalikod. "W-Wala 'yon. Kalimutan mo nalang ang sinabi ko."
Hindi niya napigilang mapangiti habang tinitingnan itong inilalagay ang dalang pagkain sa mesa. Kitang-kita niya kasi ang pamumula ng mga tenga nito. Ang cute lang tignan!
Simula nang maging magkaklase sila nito at sabihin nito ang nararamdaman nito sa kanya, palagi na niya itong binabalewala. Nakatuon lang kasi ang pansin niya noon kay Aaron.
At sa totoo lang, ngayon lang niya ito nginitian kaya siguro nagulat ito at nabigla.
"B-Baka nagugutom ka na. Gusto mo bang kumain? Anong gusto mong k-kainin?" Mas lalong lumawak ang ngiti niya nang marinig na nauutal ito. Pinigilan niya ang sariling mapahagikhik.
"Mamaya na siguro. Hindi pa naman ako nagugutom." sagot niya.
"Ah sige, tatawagan ko nalang muna ang pinsan ko kung nasaan na sila." Aalis na muli sana ito nang pigilan niya.
"Wait, June!"
Natigil ito sa may pintuan at bahagya siyang nilingon.
"Uhm..." Gusto niyang manatili muna ito doon. "Ang tahimik kasi rito. Wala akong kausap."
Hindi ito umimik.
"Pwede bang dito ka muna?" muli ay sabi niya. Tahimik siyang nagdarasal na sana ay pumayag ito.
Nakita niyang napabuntong-hininga ito. "Pasensya na Thess. Kung mananatili ako rito, mas mahihirapan akong gawin ang matagal mo nang gusto... ang layuan kita."
Parang may kung anong tumusok sa dibdib ni Thessa nang sabihin iyon ng binata. Nasasaktan siya. Bakit kung kailan parang gusto na niya ay saka pa nito ayaw?
Gusto niyang bawiin ang lahat ng mga sinabi niya rito noon. Gusto niyang sabihin na wag na siyang layuan nito pero nahihiya siya. Feeling niya kasi hindi na siya mapapatawad nito kaya pinili nalang niyang tumagilid ng higa at tumalikod dito.
"Ayos lang. Sige na, tawagan mo nalang sila kung nasaan na sila. Balitaan mo nalang ako mamaya." sabi nalang niya.
Wala siyang narinig na tugon mula rito. Akala niya ay umalis na ito pero bigla itong nagsalita.
"Uhm... Thess."
"Bakit?" tanong niya na hindi ito nililingon. Hindi niya pinahahalatang nalungkot siya.
Katahimikan.
"May sasabihin ka pa?" tanong niya ulit nang hindi ito tumugon.
"Wala." at narinig nalang niya ang pagsarado ng pinto.
Mabilis niyang pinahiran ang tumulong luha sa kanyang mata. Sobrang guilty ang nararamdaman niya.
Ngayon siya nagsisisi kung bakit niya binalewala noon si June. Ngayon siya nagsisisi kung bakit tanging kay Aaron niya lang itinuon ang pansin niya.
Kung bakit naging bulag siya sa lahat ng effort ng binata.
Kung bakit ang sama-sama niya.
Ngayon tuloy, nasasaktan siya.
Ngayon tuloy, umiiyak siya.
Ngayon tuloy, nagagalit siya sa sarili niya.
Dahil kung kailan pa siya nagising, kung kailan pa niya na-realize ang lahat, kung kailan pa niya nakita ang katotohanan ay saka naman ito tumigil. Saka naman ito sumuko.
Mabilis niyang pinahid ang tumulong luha sa mga mata niya at pumihit paharap sa pinto.
Nakita niyang gumalaw ang doorknob at dahan-dahang bumukas ang pinto.
Unang pumasok agad sa isip niya ay si June. Baka bumalik na ito. Pero ang bilis naman yata?
Halos masuka siya nang may maamoy na sobrang baho. Amoy ng imburnal!
Unti-unting lumaki ang pagkakabukas ng pinto hanggang sa tuluyan na ngang makita ni Thessa ang nasa labas ng kwarto. At ganun nalang ang sindak niya nang makita sa labas ang babaeng nakaputi! Napuno ng dugo ang damit nito at puro putik ang mga paa. Hawak nito sa kaliwang kamay ang palakol na noon ay nakabaon lang sa ulo nito.
Hindi agad nakakilos si Thessa. Parang naubos ang lahat ng dugo niya sa katawan sa sobrang pamumutla.
Ayaw niyang tingnan ang nakakatakot na itsura ng babae pero hindi niya maipikit ang mga mata. Hindi niya maipihit ang mukha upang iwasang tingnan ito.
Ayaw niya ng ganito! Hindi na naman niya makontrol ang sarili!
Kitang-kita niyang may itinuro ang babae sa bandang kanan nito. Maya-maya pa ay bigla nalang itong naglaho.
Parang noon lang nakagalaw si Thessa. Hinihingal siya. Nagririgudon ang dibdib niya sa sobrang kaba.
Bakit nagpakita sa kanya ang babae?
Akala ba niya dala na nina Hazel at Aaron ang figurine?
Anong ibig sabihin nito?
Biglang sumagi sa isip niya si June. Ewan ba niya pero masama ang kutob niya.
Kailangan niyang makita si June!
Itutuloy...
====================
Her Special Gift
BINABASA MO ANG
Regalo Para Kay Thessa
HorrorSa ika-labimpitong kaarawan ni Thessa ay nakatanggap siya ng isang napaka-espesyal na regalo mula sa long time crush niya. Ang hindi niya lang alam at hindi inaasahan ay may nakatagong nakagigimbal na sikreto ang regalong iyon. Sa pagdating ng bagay...