Habang nakasakay sa jeep ay iba ang pakiramdam ni Hazel. Alam niyang may hindi tama sa paligid. Parang nilalamig siya kahit napakainit ng panahon at siksikan sa jeep. Parang namamanhid ang mga paa niya. Nagtatayuan ang mga balahibo niya sa katawan.
Sa ilang taon niyang pamumuhay sa mundo at sa dami na rin ng mga na-experience niya, alam na alam na niya ang pakiramdam na ito.
May espiritong umaaligid sa kanya.
Kanina pa niya ito napansin pagkaalis niya mula sa bahay nina Thessa pero binalewala lang niya dahil mahina lang ang nararamdaman niya. Pero ngayon palakas na ito ng palakas. Palapit na ito ng palapit sa kanya.
Bumaba siya pagkarating sa apartment na inaarkelahan niya. Nginitian agad siya ng landlady na naroon at nagdidilig ng mga halaman nang makita siya. Close kasi sila nito. Mabait kasi ito at maunawain.
Kahit masama ang pakiramdam niya ay nginitian pa rin niya ito pabalik.
Dumiretso siya sa kanyang apartment at kinuha ang susi sa dalang shoulder bag. Medyo nahirapan pa siya sa pagpasok ng susi sa keyhole. Parang umiikot kasi ang paningin niya. Nanunuyo ang lalamunan niya.
Isa lang ang ibig sabihin nito.
Malapit na malapit lang sa kanya ang masamang espirito.
Medyo nakahinga siya ng maluwag nang tuluyang mapasok ang susi sa keyhole at mabuksan ang pinto. Parang gusto niya munang humiga sa kama ngayon at magpahinga. Mamaya na siguro niya ipagpapatuloy ang paghahanap sa tirahan ni Alvin Lapeciros 'pag maayos-ayos na ang pakiramdam niya.
Pero ganun nalang ang sindak niya nang pagbukas niya ng pinto ay nakita sa loob ang nakaputing babae. Nakayuko ito at tuwid na tuwid ang pagkakatayo. Punong-puno ng dugo ang damit nito at hawak sa kanang kamay ang palakol na noon ay nakabaon sa ulo nito.
Napaawang ang bibig niya at dahan-dahang napaatras.
Mabilis na sinarado niyang muli ang pinto at ini-lock. Hindi siya pwedeng pumasok. Hindi muna siya pwedeng magpahinga. Kailangan niyang makalayo doon.
Nagmamadaling umalis siya doon at pumara ng tricycle.
Takang-taka naman ang landlady kung saan na naman siya pupunta gayung kararating lang niya pero hindi nalang ito nagsalita.
"Saan po tayo maam?" tanong ng tricycle driver.
Nag-isip siya ng lugar na pupuntahan.
"S-Sa mall po, Kuya." iyon ang unang pumasok sa isip niya. Bahala na basta makalayo lang siya doon.
--^^
Patingin-tingin si Hazel sa mga naka-display na mga damit sa mall. Panay naman ang sunod ng isang saleslady sa kanya. Medyo naiilang siya dito pero hinayaan nalang niya. Mas mabuti nang nandito ito para medyo humupa ang kabang nararamdaman niya.
Lumipat siya sa kabilang stack ng mga damit. Bahagyang hinawi niya ang mga naka-hanger na mga damit dito ngunit ganun nalang ang gulat niya nang may makitang isang pares ng marurumi at maputik na paa dito.
Agad na nilingon niya ang saleslady pero wala na ito sa tabi niya. Lumipat pala ito sa ibang customer.
Mabilis na umalis siya doon at dumiretso sa escalator pababa. Mahigpit na napahawak siya sa dalang shoulder bag. Nanginginig ang mga kamay niya. Parang gusto niyang uminom ng tubig pero parang ayaw niya rin. Kanina pa masama ang pakiramdam niya.
Pagkababa niya ay hindi sinasadyang may nakabangga siya. Isang ama na karga-karga ang anak nito. Dahil sa nangyari ay hindi sinasadyang nabitawan niya ang kanyang shoulder bag kaya nagkalat ang mga laman nito sa sahig. Nahulog naman ang kinakaing ice cream ng bata kaya umiyak ito. Napagalitan pa tuloy siya ng ama nito. Panay naman ang paghingi niya ng sorry habang nanginginig ang mga kamay na pinagpupulot ang mga nagkalat na gamit. Dahil sa taranta ay hindi na niya napansin pa kung saan napunta ang iba.
Agad siyang tumayo at malalaki ang mga hakbang na naglakad. Nagmamadali siya. Mabilis ang lakad niya. Pinagpapawisan siya ng malamig dahil kahit hindi man siya lumingon ay alam niyang may nakasunod sa kanya.
Diretso lang siya sa paglalakad. Mahigpit ang hawak sa dalang shoulder bag. Hindi niya alam kung saan siya pupunta.
Mas lalo siyang nanlamig. Alam niya na malapit na malapit na sa kanya ang sumusunod sa kanya.
Isang kamay ang naramdaman niyang humawak sa balikat niya. Dahil sa gulat at nerbiyos ay malakas siyang napatili.
"Ako 'to Hazel! Wag kang matakot." natigilan siya sa pamilyar na boses at agad napalingon dito.
"Thessa?" Napatingin siya sa kasama nitong lalaki. "Aaron? A-Anong ginagawa niyo rito?"
Takang-taka siya kung anong ginagawa ng dalawa dito lalong-lalo na si Thessa. Ang buong akala niya ay magmumukmok nalang ito palagi sa kwarto nito. Hindi niya inaasahang makikita ito sa mall.
Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Thessa ng mahigpit. Hindi agad siya nakagalaw.
"Sobrang nag-alala ako sa 'yo Hazel. Akala ko kung ano nang mangyayari sa 'yo." Umiyak ito sa balikat niya. Damang-dama niya ang pag-aalala nito sa kanya.
Hindi pa rin siya nakagalaw. Nagtatanong ang mga mata na napatingin siya kay Aaron pero mukhang pati ito ay wala ring alam sa nangyayari.
"Kinabahan ako bigla kanina nung umalis ka." patuloy ni Thessa na panay pa rin ang iyak sa balikat niya. "Nakita kong sinundan ka nung babaeng nakaputi kanina pag-alis mo ng bahay kaya sinundan din kita. Pinuntahan namin ni Aaron ang antique shop pero kakaalis mo lang daw kaya dumiretso kami sa apartment mo. Naabutan ka naming sumakay ng tricycle kaya sinundan ka namin hanggang dito sa mall. Ayoko nang may madamay pang iba Hazel. Ayoko nang may madamay pang kaibigan. Simula nang tinulungan mo ako sa misteryong ito ay tinuring na kitang kaibigan."
Parang nawala ang kabang nararamdaman niya kani-kanina lang dahil sa mga sinabi ni Thessa. Nag-alala pala ito sa kanya.
Napayakap na rin siya dito.
"Salamat Thessa. Maraming salamat dahil tinuring mo akong kaibigan." bukal sa pusong sabi niya.
Kumalas na ito sa pagkakayakap sa kanya at nginitian siya. Pinahiran naman niya ang luha nito at nginitian din ito.
"May bago akong nalaman." sabi niya rito. "Si Alvin Lapeciros, siya ang nagbenta ng figurine sa antique shop. Kailangan nating malaman kung saan siya nakatira. Baka alam niya kung paano patigilin ang kasamaan nito."
Tumango si Thessa pero biglang napahawak ito sa dibdib.
"Bakit?" tanong niya.
"Ayos ka lang Thess?" tanong naman ni Aaron.
"K-Kinabahan kasi ako bigla." sagot nito.
Hindi sinasadyang napadako ang tingin ni Hazel sa isang fastfood restaurant sa likuran ni Thessa. Nakita niyang nakatayo doon ang babaeng nakaputi at biglang nawala. Binasa niya ang pangalan ng restaurant. Chowking.
Napatingin siya sa logo nito at ganun nalang ang panlalaki ng mga mata niya sa napagtanto.
"CK!"
Itutuloy...
====================
Her Special Gift
BINABASA MO ANG
Regalo Para Kay Thessa
HorrorSa ika-labimpitong kaarawan ni Thessa ay nakatanggap siya ng isang napaka-espesyal na regalo mula sa long time crush niya. Ang hindi niya lang alam at hindi inaasahan ay may nakatagong nakagigimbal na sikreto ang regalong iyon. Sa pagdating ng bagay...