Chapter 22

993 35 8
                                    

Nakabibingi ang katahimikan. Wala siyang ibang naririnig kundi ang mahinang agos ng tubig.

Unti-unting nagising si Thessa mula sa napakalalim na tulog. Unang bumungad sa kanya ang madilim na paligid.

Malamig.

Tahimik.

May nakikita siyang mga hamog sa paligid.

Naramdaman niyang gumagalaw ang hinihigaan niya. Dahan-dahan siyang bumangon at napagtantong nakasakay pala siya sa isang bangka. Dinadala siya ng agos ng tubig patungo sa madilim na dulo ng ilog.

Walang ideya si Thessa kung nasaan siya at kung paano siya napunta sa lugar na iyon. Ang huli niyang naaalala ay nung malapit na siyang saksakin ni June. Kasunod nun, hindi na niya alam kung ano nang nangyari.

Maaari kayang... patay na siya? Nandito na kaya siya sa sinasabi nilang 'kabilang daymensyon'?

Sandaling napukaw ang atensyon niya sa mga animo'y usok na nakatayo sa dalampasigan. Noong una ay hindi niya alam kung ano ang mga ito ngunit nang luminaw ang mga ito sa kanyang paningin ay ganoon na lamang ang pagsidhi ng kanyang takot.

Mga kaluluwa pala ang nakatayo sa dalampasigan!

Nanindig ang mga balahibo niya sa isiping napapalibutan siya ngayon ng mga kaluluwa. Napuno ng kilabot ang kanyang sistema. Sumiksik siya sa dulo ng bangka at niyakap ang mga tuhod.

Maya-maya pa ay nakita niyang may madadaanan siyang puting usok. Ngunit mas napahigpit ang yakap niya sa kanyang tuhod nang makitang isa pala itong kaluluwa na nakalutang sa tubig. At hindi niya inasahang makikilala niya ito.

"Aling Maria?" nanlaki ang mga mata niya sa nakikita. Hindi siya makapaniwala!

Nangilabot siya sa itsura ng dating kasambahay. Napakaputla ng mukha nito at walang kabuhay-buhay ang mga mata habang tinatanaw siya.

Sa pagtagpo ng kanilang mga tingin ay may nakita siyang mga imahe. Mga eksena noong nabubuhay pa ang dating kasambahay. Takang-taka siya sa mga nakikita.

Nabaling ang tingin niya sa hindi kalayuan nang makitang may madadaanan ulit siyang kaluluwa na nakalutang sa tubig. At ganoon nalang ang gulat niya nang makilala din ito.

"Mang Henry!?"

Halos hindi niya maalis ang tingin dito. Siguradong-sigurado siya na si Mang Henry iyon. Maputla din ang mukha nito at mga matang wala nang buhay. Palatandaang isa na rin itong kaluluwa.

Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay may nakita ulit siyang mga eksena. Mga eksena noong nabubuhay pa ang pinagkakatiwalaang driver.

Gulong-gulo na siya kung ano ang mga iyon! Nang matapos ang mga eksenang nakikita niya ay hindi niya napigilang makaramdam ng awa sa kinahinatnan ng dating driver. Ngayon ay nasagot na ang tanong kung bakit bigla itong naglaho na parang bula. Ngayon ay naiintindihan na niya.

Nakakaawang isipin na napag-isipan nila ito ng masama gayung biktima lang din pala ito.

Kung hindi lang sana dumating ang figurine sa buhay niya, baka buhay pa ito hanggang ngayon.

Muli ay napalingon siya sa hindi kalayuan nang mapansing may madadaanan ulit siyang mga kaluluwang nakalutang sa tubig. Hindi niya inasahan ang kasunod na makikita. Doon ay tuluyang tumulo ang kanyang mga luha.

"CK... Meljen..." naisambit niya, "Patawarin niyo ako. Wala sana kayo rito kung hindi dahil sa 'kin."

Hanggang ngayon ay mahirap pa rin sa kanyang tanggapin ang kinahinatnan ng mga kaibigan. Sa tagal na nilang magkasamang tatlo ay nagmistulang mga kapatid na niya ang mga ito. Hindi niya naramdaman ang mag-isa dahil sa dalawang kaibigan. Hindi niya naramdamang panghinaan ng loob dahil laging nakasuporta ang mga ito sa kanya.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon