Pigil ang pagsigaw ni Thessa nang dahan-dahan niyang kunin sa pagkakatusok sa kamay ang karayom na karugtong ng dextrose. Malalaki ang paghinga niya nang tuluyang makuha ito. Damang-dama pa niya ang sakit na dulot nito pero pilit niyang hindi ito pinansin.
Dali-dali siyang bumaba ng hospital bed at binuksan ang pinto. Halos hindi niya magalaw ang kanang kamay kaya ang kabila ang ginamit niya sa pagbubukas. Medyo maraming tao ang nakita niyang dumadaan sa corridor pagsilip niya.
Wala na siyang inaksayang oras. Hinubad niya ang suot na hospital gown at palingon-lingong lumabas ng kwarto kung saan siya naka-confine. Suot pa rin niya ang kanyang damit at pajama nang dalhin siya ng ina niya rito sa hospital.
Mabilis siyang naglakad pero hindi nagpapahalata. Hinahanap ng kanyang mga mata si June.
Maya-maya pa pagliko niya, nakita niya si June sa may vending machine sa dulo. Hawak nito sa kaliwang kamay ang cellphone samantalang sa kanan naman ang figurine. Agad siyang kinabahan sa nakita. Hindi nga siya nagkakamali sa hinala niya!
Ngayon medyo naiintindihan na niya. Kung sino man ang humawak sa figurine ay mamamatay. Nagpapakita sa kanya ang nakaputing babae para ipaalam sa kanya ang susunod nitong papatayin.
Ang hindi niya lang maintindihan ay kung bakit kailangan pa nitong ipaalam sa kanya? Ano ba talagang pakay nito? At bakit hindi pa siya pinatay nito?
Sobrang layo ng kinatatayuan ni June sa kanya kaya dali-dali niya itong tinakbo. Nag-aalala siya para rito dahil sigurado siyang ito na ang isusunod.
Sa kasamaang palad, nakayuko ito at nakatingin sa cellphone kaya hindi siya nito nakikita.
"Ms. Morteza! Bumalik ka po rito! Baka po magka-infection yang kamay niyo." Napalingon si Thessa sa sumigaw. Isang nurse ang humahabol sa kanya! Nakita pala siya nito nang lumabas siya ng kwarto!
Napatingin siya sa kanang kamay. Saka lang niya napansing nagdurugo ito. Bahagya pa itong nanginginig.
Muli siyang napatingin sa nurse na tumawag. Nakita niyang humihingi ito ng tulong sa ibang nurse at doctor na nandun sabay turo sa kanya. Agad siyang naalarma nang tumingin ang mga ito sa kanya.
Hindi siya pwedeng mahuli ng mga ito! Kailangan pa niyang iligtas si June!
Muli siyang tumingin sa kinaroroonan ni June pero hindi pa rin siya napapansin nito. Paano na 'to?!
Napailing-iling siya sabay hakbang. Bahala na!
Dali-dali siyang tumakbo sa kabilang direksyon. Agad namang naalarma ang nurse na nakakita sa kanya at muli ay hinabol siya kasama ang ilang nurse at doctor na hiningan nito ng tulong.
--^^
Napalingon si June sa mga nagtatakbuhang nurses at doctors sa hindi kalayuan. Hindi na niya nakita kung sino ang hinahabol ng mga ito dahil mabilis itong tumakbo.
Muli niyang id-in-ial ang number ng pinsan. Nakailang dial na siya rito pero hindi pa rin ito sumasagot. Baka naka-silent na naman ang cellphone nito.
Biglang nag-pop up sa phone niya ang pangalan ni Shein. Sa kanya na ito tumatawag kapag hinahanap si Aaron. Nagpalit kasi sila ng sim ng pinsan dahil kay Shein na halos minuto daw kung tumawag. Dahil dun ay pilit na hinihingi ni Shein ang number niya pero ayaw itong ipabigay ng pinsan niya. Nang tumagal ay tumigil na rin ang babae sa kakahingi ng number.
Nagdalawang-isip pa muna siya kung sasagutin ba ang tawag nito pero sa huli ay sinagot nalang din niya.
"June! Nasaan kayo ni Aaron? Ang sabi sa 'kin ni Tita Rose ay umalis daw kayong dalawa. Saan kayo pumunta?" dire-diretsong tanong agad nito.
BINABASA MO ANG
Regalo Para Kay Thessa
HorrorSa ika-labimpitong kaarawan ni Thessa ay nakatanggap siya ng isang napaka-espesyal na regalo mula sa long time crush niya. Ang hindi niya lang alam at hindi inaasahan ay may nakatagong nakagigimbal na sikreto ang regalong iyon. Sa pagdating ng bagay...