Chapter 19

619 30 4
                                    

Inihinto ni Aaron ang sariling sasakyan sa tapat ng isang aleng may dalang bilao ng mga gulay. Kumunot pa ang noo nito nang pagbabaan niya ng bintana ng sasakyan.

"Magandang araw po! Magtatanong lang po sana ako kung may kilala kayong Alvin Salcedo Lapeciros?"

Umiling ang ale. "Pasensya na. Wala akong kilalang ganyan eh."

"Ganun po ba? Pasensya na po sa abala. Sige po." Muli niyang itinaas ang front window at nilingon ang katabing si Hazel. "Mukhang hanggang dito, wala pa ring nakakakilala kay Alvin Lapeciros."

Nabahala si Hazel. Mahigpit na niyakap ang backpack. "Dumiretso pa tayo. Baka may nakakakilala na sa kanya sa dulo."

Walang nagawa si Aaron kundi muling patakbuhin ang sasakyan at naghanap ng ibang matatanungan.

Nakarating sila sa dulo kung saan isang malawak na sakahan ang tanging makikita sa gilid ng daan. May ilan pang mga magsasakang nagtatanim. Hindi ganun kalaki ang kalsada at medyo mabato pa kaya nahirapan si Aaron sa pagpapatakbo ng kotse.

Isang matandang magsasaka ang nakita nilang naglalakad kasama ang kalabaw nito.

"Sana naman may kilala nang Alvin Salcedo Lapeciros ang isang 'to." sambit ni Hazel.

Itinapat ni Aaron ang kotse sa paglalakad ng magsasaka. Medyo nahirapan pa siya dahil sa sikip ng daan. Halos kumikiskis na ang balat ng malaking kalabaw nito sa kotse niya.

"Magandang araw po Manong!" bati ni Aaron sa magsasaka. "Magtatanong lang po sana ako kung may kilala po kayong Alvin Salcedo Lapeciros, isa pong karpentero at manlililok?"

Kumunot ang noo ng matanda. "Sino sila?" tanong nito.

Napatingin muna si Aaron kay Hazel na parang humihingi ng tulong kung ano ang isasagot sa magsasaka.

"Mga kliyente niya po kami. May ipapagawa po kasi sana kami." Si Hazel ang sumagot. "May nagsabi po kasi sa amin na magaling daw na manlililok si Alvin. May kakilala po ba kayo?"

"Oo pero matagal nang pumanaw 'yon." sagot nito. Nagkatinginan ang dalawa, parehong nakakunot-noo. "Pero meron siyang apo. Magaling na manlililok din 'yon."

"Ano? Pupuntahan ba natin?" tanong ni Aaron sa kasamang dalaga.

Tumango si Hazel.

"Paano kung wala siyang alam?"

"Paano kung meron? Kailangan nating magbaka-sakali Aaron."

Walang nagawa ang binata kundi lingunin ulit ang magsasaka. "Saan po ba nakatira ang sinasabi niyong apo niya? Malapit lang po ba rito?" tanong niya rito.

"Oo, diretso lang kayo. Doon sa bandang dulo, may bahay na may tanim na mga bougainvillea, iyon ang bahay niya."

Agad nagpasalamat ang dalawa rito at muling pinatakbo ang kotse patungo sa direksyong sinasabi nito.

Hindi nga sila nabigo. Pagkarating nila sa dulo ay unang bumungad sa kanila ang isang hindi kalakihang bahay. Gaya ng sinabi ng magsasaka ay merong nakatanim na mga halamang bougainvillea na nagsilbing gate nito.

Isang lalaking nagsisibak ng kahoy sa may bakuran ang napalingon sa kanila nang huminto sila doon. Mukhang magkakaedad lang sila nito. Kumukupas na ang kulay ng suot nitong asul na damit. Medyo marumi na rin ito at basa pa sa pawis.

Agad silang lumabas ng kotse.

"Sinong hinahanap nila?" tanong nito nang lapitan sila.

"Dito ba ang bahay ni Alvin Salcedo Lapeciros?" tanong ni Hazel dito.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon