Binisita ni Hazel ang kaibigang si Thessa sa hospital. Nabalitaan nalang kasi niya kaninang umaga nang tumawag siya sa bahay nito na nasa ospital nga raw ito kaya agad siyang dumiretso dito.
Parang kahapon lang ay galing din siya sa ospital na ito upang bisitahin si CK pero ngayon, si Thessa na naman ang binibisita niya.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya agad sa kaibigang nakahiga sa hospital bed matapos makapagmano sa ina nito na nandun at nagbabantay.
Hindi pa man nakakasagot si Thessa ay nagsalita ulit siya.
"Ah, bumili nga pala ako ng prutas." Iniabot niya kay Mrs. Morteza ang dalang prutas.
"Maraming salamat, Iha. Hindi ka na sana nag-abala." nahihiyang sambit naman ng ginang.
"Wag po kayong mag-alala Mrs. Morteza, okay lang po talaga." Nilapitan niya ang kaibigan. "Ayos ka na ba? Ano ba kasing nangyari sa 'yo?"
Parang nagdadalawang-isip pa itong sabihin ang nangyari sa kanya.
"Sige na. Sabihin mo sa 'kin."
Tumingin ito sa ina nito. "Ma, pwede po bang mag-usap muna kami ng sarilinan saglit?"
"Oh sige. Maghihintay lang ako sa labas." agad na tango naman ng ina nito at lumabas.
Napabuntong-hininga si Thessa pagkalabas ng ina.
"Ano ba 'yon?" tanong ni Hazel.
"Minulto ako kagabi." diretsahang sagot ni Thessa.
"Yung babaeng nakaputi ba?"
Umiling ang dalaga. "Hindi. Hindi ko alam. Basta nagpatay-sindi yung ilaw sa kwarto ko kagabi."
Hindi umimik si Hazel. Nag-iisip ito.
"Bago ako nagising kagabi ay nanaginip ako ng masama." dagdag nito.
"Ano yun?"
"Napanaginipan ko si Mang Henry, yung nawawala naming driver. Tumatakbo raw ito sa kakahuyan sa likod-bahay namin at may humahabol daw sa kanya. Nadapa siya sa isang ugat at doon, sinaksak siya ng humahabol sa kanya."
Napaisip si Hazel. "Pwedeng may ibig sabihin ang panaginip mo."
"Hindi lang 'yon, may isa pa."
"Ha? Ano pa?"
"Pagkagising ko kagabi, may nakita akong lalaki sa bakuran namin. Para siyang si Mang Henry pero hindi ko maaninag ang mukha dahil sa dilim. Pero ang mas ikinatakot ko ay nung tumagos lang ito sa gate namin."
"Hindi yun tao." agad na naibulalas niya.
"Kanina ko pa naisip yan." ani Thessa, "Hindi kaya siya ang nagmumulto sa 'kin kagabi?"
"Pwede." sagot ni Hazel. Maya-maya pa ay may naalala siya. "May gusto rin pala akong sabihin sa 'yo."
"Ano?"
"About kay CK kahapon. Nung tuluyan siyang bawian ng buhay, nakita kong lumabas ang spirito niya mula sa katawan niya at hinigop ng figurine. Humihingi siya ng tulong sa 'kin." kwento niya. "Nung nandun din tayo sa rooftop ng school, may iniwang palaisipan sa akin ang babaeng nakaputi. Tinanong ko siya nun kung anong kasalanan mo sa kanya. Sinabi niya, 'Hell! Hell!' tapos tinuro ang parking lot. Tapos ay parang hinigop din ito ng figurine. Hanggang ngayon hindi ko pa rin makuha kung bakit ganun. Bakit parang hinihila sila papasok sa figurine? Anong gustong iparating nung babaeng nakaputi dun sa sinabi niya?"
Napaisip si Thessa pero maski siya ay hindi rin maintindihan ang maaaring ibig sabihin nito kaya tinanong nalang niya kung nasaan ang figurine.
Kinuha ni Hazel ang isang shoebox mula sa dala nitong backpack at ipinakita kay Thessa. Napuno ng masking tape ang kahon. "Nasa loob nito. Para hindi na makawala."
BINABASA MO ANG
Regalo Para Kay Thessa
HorrorSa ika-labimpitong kaarawan ni Thessa ay nakatanggap siya ng isang napaka-espesyal na regalo mula sa long time crush niya. Ang hindi niya lang alam at hindi inaasahan ay may nakatagong nakagigimbal na sikreto ang regalong iyon. Sa pagdating ng bagay...