Chapter 3

1.6K 71 3
                                    

Sa paglilibot ni Thessa sa garden nila ay may narinig siyang iyak.

Iyak ng isang bata.

Dahil sa kuryusidad ay hinanap niya ito hanggang sa makarating siya sa likod ng kanilang bahay.

Nakita niya ang isang batang babae sa tabi ng mga halaman nilang Zinnia. Nakatungo ito at halatang umiiyak. Nakasuot ito ng pink na polka dress at nakalaso ang buhok.

Agad itong napatayo nang mapansin siya. Sa tuwing hinahakbang niya ang mga paa palapit dito ay umaatras ito.

"Wag kang matakot sa 'kin, bata. Hindi kita aawayin." aniya, "Bakit ka ba umiiyak? Sinong umaway sa 'yo?" dagdag tanong niya.

Umiling-iling ito at yumuko. Kitang-kita niya ang bawat pagpatak ng mga luha sa mga mata nito.

"Bata!" tawag-pansin niya rito.

"Tulungan mo kami." mahinang sambit nito.

Nakunot ang noo niya sa pagtataka. "Anong ibig mong—"

Umangat ang ulo nito at tumingin sa kanya. Kitang-kita niya ang pagdaloy ng masaganang luha sa mga mata nito."Tulungan mo kami. Hindi niya kami pakakawalan!"

Nahabag si Thessa sa nakakaawang mukha ng bata. Namumugto ang mga mata nito sa kaiiyak at nababasa niya sa mukha nito ang paghihirap. Kung saan man ito nahihirapan ay hindi niya alam.

Muli siyang humakbang palapit dito pero agad itong umatras. Kahit gustong-gusto na niya itong lapitan at yakapin ay pinigilan niya ang sarili dahil natatakot siya na baka bigla itong tumakbo.

"Teka lang... kami? Anong ibig mong sabihin?" tanong nalang niya.

Napapitlag siya nang maramdamang hindi nalang silang dalawa ng bata ang nandun.

Dahan-dahan siyang pumihit sa likuran at laking gulat niya nang tumambad sa kanya ang napakaraming mga batang babae na nakatingin sa kanya. Walang kabuhay-buhay ang mga mukha ng mga ito at iisa lang ang sinasabi habang papalapit sa kanya.

"Tulong! Tulungan mo kami!"

"Ate tulungan niyo po kami!"

"Tulong!"

Hindi maipinta ang mukha ni Thessa habang nilalapitan ng mga bata. Nangilabot siya sa itsura ng mga ito! May mga basag ang mukha at nakalabas ang utak. May iba na lumabas na ang mata at lumupaypay nalang sa mukha. May naaagnas at inu-uod pa.

Unti-unti siyang napapaatras sa bawat paglapit ng mga ito.

Sa sobrang hilakbot ay hindi niya na napiglan pa ang pagkawala ng isang napakalakas na tili mula sa kanya.

Napabalikwas ng bangon si Thessa sa sobrang sama ng panaginip niya. Pawisan ang kanyang mukha at hindi magkamayaw sa pagtaas-baba ang dibdib niya na animo mula sa isang mahabang pagtakbo.

Sandali pa at napalingon siya nang sumayaw ang kurtina ng bintana sa kwarto niya. Umaga na pala at hindi man lang niya ito naisara.

Pero wala sa bintana ang atensyon niya.

Makailang-ulit siyang huminga nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Ilang sandali pa nga ay huminahon na rin ang kumakabog niyang dibdib.

Isang malalim na paghinga pa at tuluyan nang kumalma ang sarili niya. Umalis na siya sa kama at lumabas na ng kwarto.

Dahil sa masyadong okupado ng masamang napanaginipan ang isipan ay hindi na niya napansin pa ang figurine na katabi na pala niya sa kama gayung kagabi lang ay nilagay niya ito sa kanyang study table na ilang metro rin ang layo mula sa kama niya.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon