Chapter 5

1.1K 60 0
                                    

Unti-unting nagising si Thessa sa ingay ng mga nauulinigan niyang boses. Nang tuluyang magising ang diwa ay nalaman niyang nasa clinic siya ng kanilang school.

Napadako ang tingin niya sa may pintuan nang mula doon ay narinig na naman niya ang mga boses na parang nag-aaway.

Nakita niya ang kaibigang si CK sa may pintuan. Para itong may kausap pero hindi niya makita kung sino dahil natatakpan ito ng pinto.

"CK?" tawag niya rito.

Agad itong natigil sa pakikipag-areglo sa kausap at napalingon sa kanya.

"Thess! Buti naman at gising ka na!" Agad itong lumapit sa kanya. "Kumusta ang pakiramdam mo? Ayos ka na ba?" nag-aalalang tanong nito agad.

Hindi pa man siya nakakasagot ay nag-aalalang lumapit ang isang lalaki sa kanila. May dala itong maliit na plastic cellophane at nahihiyang ngumiti sa kanya.

"June?" takang-tanong niya rito, ang masugid niyang manliligaw na pinsan ng crush niyang si Aaron, "Anong ginagawa mo rito?"

Napasampal si CK sa kanyang noo. "Kanina ko pa siya sinasabihan na maayos ka na at wala namang natamong galos sa 'yo. Kanina ko pa rin siya pinapauwi pero ayaw talagang umuwi." sagot nito kahit hindi naman ito ang tinatanong.

"N-Nag-aalala lang naman ako sa 'yo Thess. Tumama kasi yung bola sa noo mo kaya naisip ko na baka napuruhan ang ulo mo." katwiran ng binata.

Dahil sa sinabing iyon ng binata ay nagbalik sa alaala ni Thessa ang mga nangyari bago siya himatayin. Naalarma siya nang maalala si Meljen.

"Si Meljen? Nasan si Meljen?" tanong niya sa mga ito.

"Andun si Meljen sa labas kausap si Ms. Mira. Bakit mo siya hinahanap?" sagot ni CK. Si Ms. Mira ang clinic-in-charge ng kanilang paaralan.

Bago pa man maikwento ni Thessa ang nasaksihan ay bumukas ang pinto ng kwartong iyon at pumasok si Meljen.

"Hey, sabi ni Ms. Mira, pwede—uy! Gising ka na pala!"

Hindi na nagsalita pa si Thessa. Agad siyang tumayo at mahigpit na niyakap si Meljen.

"Melj, akala ko kung ano nang nangyari sa 'yo!" nag-aalalang sambit niya rito at hindi na nga niya napigilan pa ang pagtulo ng luha mula sa kanyang mga mata.

Nagtatakang nagkatinginan sina Meljen, CK at June sa kinikilos niya.

"Ano ka ba naman Thess? Ano namang mangyayari sa akin eh ikaw nga 'tong tinamaan ng bola at hinimatay." naguguluhang saad ng kaibigan.

Kumalas siya sa pagkakayakap dito at pinahid ang mga luhang pumatak sa pisngi. Tiningnan niya ito diretso sa mga mata.

"Eh kasi kanina may nakita akong nakaputing babae sa tabi mo. Duguan siya at may nakabaong palakol sa ulo niya. Nakatahi ang bibig niya pero nakangisi siya sa akin. Pero ang mas ikinatakot ko ay nung nakita kong may itinututok siyang kutsilyo sa leeg mo!"

Nanghilakbot ang tatlo sa isiniwalat ni Thessa. Pero ang mas naging apektado ay si Meljen. Agad itong namutla at hindi nakakilos.

"T-Thess naman, a-alam mo namang matatakutin ako tas b-binibiro mo pa ako ng ganyan." mautal-utal na saad ni Meljen. Ayaw niyang maniwala sa sinasabi ng kaibigan.

Doon lang sumagi sa isipan ni Thessa ang pagkakamaling niya. Matatakutin nga pala ang kaibigan niyang ito at ngayong isiniwalat niya rito ang kakatwang nakita ay sigurado siyang mahihirapan ito sa pagtulog at pwedeng balutin ng takot.

Agad siyang nag-isip ng paraan.

"Uhh..." pilit niyang pinasaya ang mukha at binawi ang sinabi, "J-Joke lang! Naniwala ka naman agad! Hahaha!" sinamahan pa niya ng pilit na tawa.

Regalo Para Kay ThessaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon