***
Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon na wala na ang lola ko. Isang araw na ang nakalipas. Masakit lang isipin para sa akin na hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanya nang maayos bago siya namatay. Talagang biglaan ang pagkawala niya, ni kahit palatandaan ay wala man lang akong naramdaman no'ng araw na nawala siya. Sobra akong nagsisisi dahil halos dalawang taon na rin nang huli ko silang makita simula no'ng nagdesisyon ako na mamuhay nang mag-isa. At habang inaalala ang lahat ng mga masasayang alaala ko na kasama siya, ay wala akong ibang maramdaman kundi panghihinayang. Na hanggang doon ko na lamang masasaksihan at mararamdaman ang lahat ng 'yon.
As if half of me had also died the moment I found out the truth.
"'Yan na ba lahat ng dadalhin mo?" tanong ni Zane sa akin nang makita niyang nakaimpake na ang lahat ng damit at mga gamit na dadalhin ko.
Pagkatapos kong malaman ang balitang 'yon ay agad akong nagdesisyon na umuwi sa probinsya namin para dumalo sa lamay ng lola ko. Buong gabi akong iyak nang iyak at hindi nakatulog nang maayos dahil hindi ko pa rin matanggap ang pagkawala niya. Buti na nga lang at nand'yan sa tabi ko si Zane dahil kung hindi ay baka kung ano na ang nagawa ko kagabi.
Marahan naman akong tumango at lumihis ng tingin sa kanya. Namumugto pa rin ang mga mata ko kaya alam kong hindi ako kaaya-ayang tingnan sa mga sandaling 'yon. Pero wala na rin akong pakialam kung ano man ang itsura ko, dahil nawalan na rin ako nang gana dahil sa nangyari.
Nilapitan niya ako habang nakaupo ako sa tabi ng kama niya, saka niya hinawakan ang ulo ko't marahan itong hinila para isandal sa kanyang katawan. At ilang sandali pa ay naramdaman ko na lang na niyakap niya ito, saka niya hinahagod nang marahan.
Kaya sa pagkakataong 'yon ay muli kong pinipigilan ang sarili ko na humagulgol sa pag-iyak dahil baka hindi ko lang makayanan na tuluyang umalis ngayon at umuwi sa amin. Suminghot lang ako at pumikit saka hinayaan ang sarili ko sa ganoong posisyon.
"B-Baka hindi ko kayaning makita ang lola ko mamaya..." bulong ko sa kanya.
Agad naman niyang nilayo ang ulo ko't marahan itong inangat para makita ang kabuuan ng mukha ko. At pinahid ang luhang lumandas sa aking pisngi.
"Kahit ano man ang mangyari ay huwag mong kalilimutan na nandito lang ako sa tabi mo ha? Hindi kita iiwan. Dito lang ako kung kailangan mo ako."
Hindi ko na napigilang yakapin siya nang mahigpit pagkatapos no'n.
"Thank you, babi..."
Matapos ng sandaling 'yon ay umalis na kaming dalawa dahil matagal pa ang ibabiyahe namin bago kami makarating sa probinsya namin. Mag-a-ala singko na ng umaga kami nakaalis ni Zane sa condo niya, at dumaan muna kami't nag-drive thru sa McDo para bumili ng aming makakain. Siya na 'yong pinapili ko dahil wala talaga akong gana na kumain sa sandaling 'yon. Alam kong kahapon pa siya sobrang nag-aalala sa akin pero mas pinili na lamang niyang hayaan ako, dahil iyon daw ang mas kailangan ko.
BINABASA MO ANG
Sunset Reminds Me of You [BOYXBOY]
RomanceWhile gradually seeing his friends are now happy to find the love that they deserve, Gavin can't help but feel insecure and jealous. Wondering when he will experience love like theirs, especially since he doesn't have an idea of what true love is. U...