***
Maaga kaming nagising ni Zane kinabukasan dahil tutulong kaming mag-asikaso sa mga gawain mamaya, lalo na't ngayon na rin ang libing ng lola ko. Ala singko pa lang ng umaga ay abala na iyong mga tita, at ibang kapit-bahay naming kusang-loob na tumulong sa amin dito na magluto para sa kakainin namin mamaya pagkatapos ng libing. Naging tradisyon na namin dito na kumatay ng buong baboy at gawing iba't ibang mga putahe sa tuwing may libing, bilang pakain na rin sa mga bisita't nakilamay. Hindi ko inasahang tutulong si Zane na maghiwa ng mga karne para sa iba't ibang ulam na lulutuin nila, kahit na ilang beses na ring tumanggi sina tita na okay lang daw at hindi na niya kailangang tumulong. Pero dahil makulit din at may katigasan ng ulo itong boyfriend ko ay napapayag din niya sila sa huli. Kaya ang ginawa ko na lang ay tumulong na lang din ako sa pagbalat at paghiwa ng mga rekados saka ng mga gulay.
Nang matapos kami sa aming mga ginagawa ay si Zane na rin 'yong nagprisenta na magluto ng simpleng ulam para sa aming almusal. At dahil may karne na roon ay sinabihan ko na siya magluto na lang siya ng bas-oy—ginisang karne na may kaunting sabaw, na may kasamang mga hiniwang gabi o taro, at pechay. Nang maluto 'yon ay nagprito na lang din siya ng mga hiniwang talong, pati saging na saba. Saka binlach 'yong mga talbos ng kamote't okra, at gumawa ng sawsawan doon gawa sa bagoong, suka, kalamansi, at sili.
Tuwang-tuwa naman 'yong mga kasama namin doon at sinabing puwede na raw siyang mag-asawa dahil maalam siya sa kusina. Natawa lang siya sa mga sinabi nila at agad na tumingin sa akin, saka ako nginitian ng mokong sabay kindat. Kaya agad akong umiwas ng tingin sa pangamba na baka mapansin pa nila 'yong ginawa niya, at kung ano rin ang iisipin nila tungkol sa aming dalawa kapag makita nila 'yon.
"Kain na po tayo," tawag niya sa amin pagkatapos niyang ihain lahat ng mga pagkaing niluto niya.
"Sige, sige. Tatapusin lang namin 'to hijo."
Tumango lang siya bilang tugon, at pagkatapos no'n ay iginawi naman niya ang kanyang tingin sa akin saka rin niya ako tinanguan gamit ang mga kilay niya.
"Tara, kain na tayo babi."
Sabay na kaming pumasok sa loob at pagpunta namin sa kainan ay nando'n na si lolo't kakahain niya lang ng bagong lutong kanin. Tinawag niya rin kami kaya lumapit kaming dalawa't kumuha na ng sari-sarili naming mga plato. Mayamaya pa ay pumasok na rin sina tita at 'yong iba pa niyang mga kasama kanina kaya agad na napuno ang hapag-kainan. Kumuha na lang kami ni Zane ng aming kakainin saka kami nagpaalam na sa labas na lang kami kakain, lalo na't wala na ring bakanteng upuan na natitira roon. At bilang pagpapaunlak na lang din na ibigay 'yon sa mga nakakatanda.
Hindi rin naman kami natagalan sa pagkain dahil marami pa silang gagawin at aasikasuhin. Kaya kami na lang 'yong nagprisenta ni Zane na maghugas no'ng aming mga pinagkainan. At nang matapos ay bumalik din kami agad sa pagtulong sa kanila para agad ding matapos ang kanilang mga niluluto.
BINABASA MO ANG
Sunset Reminds Me of You [BOYXBOY]
RomanceWhile gradually seeing his friends are now happy to find the love that they deserve, Gavin can't help but feel insecure and jealous. Wondering when he will experience love like theirs, especially since he doesn't have an idea of what true love is. U...