***
Papasok na kami sa baryo kung saan ako lumaki, at nakatira ang tumayong mga pangalawang magulang ko—sina lolo't lola. Ang lugar kung saan nagsimula akong mangarap, at ang tahanan na kailanman ay hindi nawala sa puso't isip ko. Nang makita ko ang signage board na may nakasulat na pangalan ng baryo namin ay kaagad na bumigat ang dibdib ko. Lumunok ako at napansin kong ang lalim na ng paghinga ko. Kaya nang mapansin 'yon ni Zane ay kaagad din niyang hinawakan ang kamay ko saka niya ito pinipisil. At no'ng pagtingin ko sa kanya ay nakita ko namang nakangiti siya sa akin. Ngumiti na lang din ako nang tipid, kahit na hindi ako sigurado sa nararamdaman ko sa sandaling iyon.
"Babi?" tawag ko sa kanya.
"Hmm?"
"Baka hindi ko kayanin kapag makita ko na ang lola ko mamaya..."
Muli niyang pinisil ang kamay ko saka niya ito tinapik-tapik. "Nandito lang ako ha kapag kailangan mo ako?"
Marahan lang akong tumango, at pagkatapos no'n ay tuluyan na niyang binitawan ang kamay ko para makapagmaneho siya nang maayos.
Tanaw ko na mula rito sa loob ng sasakyan ang mga taong nakatambay sa labas ng bahay ng lolo't lola ko. May sinet-up silang malaking trapal na na nagsilbing bubong at silungan ng mga taong nakikilamay. Kaya mas lalong dumoble ang paglalim ng mga hininga ko't naramdaman ang pagsikip ng aking dibdib.
At no'ng nasa harap na kami ng bahay ay napapalingon sa aming ang mga taong nando'n sa labas, bakas ang pagtataka sa kanilang mga mukha nang makita ang sasakyang dala namin. Nang ipinarada ni Zane ang sasakyan niya sa tabi at saktong huinto, ay hindi muna kami kaagad lumabas. Nanatili lang akong nakaupo roon sa tabi niya, at bahagyang tulala.
"Babi, okay ka lang ba?"
Nabalik lang ako sa aking ulirat nang tapikin niya ang balikat ko, at kaagad siyang tinugunan ng isang tipid na ngiti't pagtango.
"Tara? Baba na tayo?" untag niya, at muli akong tumango.
Binuksan na niya 'yong pinto sa kanyang tabi habang ako naman ay hindi pa rin magawang kumilos, nagdadalawang-isip sa sandaling 'yon kung makakaya ko bang pumasok sa loob ng bahay namin. Pero si Zane na 'yong nagbukas ng pinto para sa akin, tumingala lang ako at sinundan siya ng tingin. Muli niya akong nginitian at hinihintay na tuluyang lumabas ng kanyang sasakyan. Kaya bago tumayo ay huminga muna ako nang malalim saka na ako lumabas.
Kaagad na bumungad sa akin ang mukha ng mga taong kanina pa nakatingin sa aming dalawa, iyong iba ay bahagyang nakakunot ang noo at halatang hinuhuluan kung sino kami. At kung bakit din kami nandoon. Bahagya naman akong yumuko para makaiwas sa mga titig nila dahil na rin sa hiyang nararamdaman ko sa sandaling iyon. Hinawakan naman ni Zane ang balikat ko saka niya ito inakbayan, at nagsimula na kaming naglakad papunta sa loob ng bahay.
"Gavin? Ikaw ba 'yan?"
Agad kong inangat ang tingin ko nang marinig ang boses na 'yon. Bumungad sa akin ang mukha ng tita kong isa rin sa mga nag-alaga sa akin dito noong bata pa ako.
BINABASA MO ANG
Sunset Reminds Me of You [BOYXBOY]
RomanceWhile gradually seeing his friends are now happy to find the love that they deserve, Gavin can't help but feel insecure and jealous. Wondering when he will experience love like theirs, especially since he doesn't have an idea of what true love is. U...