F2008: 01

3.4K 117 5
                                        


Chapter 1

Conrad

April 20, 2008.

Sakay ng luma at kinakalawang na truck ni Uncle Ferdie, nakadungaw ako sa bintana at pinagmamasdan ang bawat lugar na madadaanan namin. Mula sa matataas na gusali ng syudad kanina, wala akong makita ngayon kundi mga puno at malawak na kapatagan. Malapit na kami sa aming destinasyon. Sa Norterinos. Sa bukid kung saan nakatira ang uncle kong matandang binata. Hindi ko pa rin tanggap na mananatili ako roon sa loob ng isang buong buwan.

Hindi ko gusto ang ideyang 'yon. Kaso, wala naman akong choice kundi ang sumunod kina mama at papa dahil kung hindi ko gagawin, hindi nila ako bibigyan ng allowance sa susunod na pasukan. Kaya heto, matapos ang kalbaryo ko sa school, kalbaryo naman sa bukid ang kailangan kong harapin. Alam ko namang magpapakain lang ako roon ng mga alaga niyang hayop at maglilinis ng kulungan nila. Nakakainis.

"Noong nasa edad mo ako, tuwang-tuwa ako kapag pumupunta kami sa syudad." Napatingin ako kay Uncle Ferdie na biglang nagsalita habang nagmamaneho. Puwes ako, inis na inis naman ako kapag pumupunta ako sa bukid. "Pangarap ko dati na makapag-aral ng kolehiyo roon. Hindi naman kaya nina nanay at tatay kaya pagkatapos ko sa high school, binitawan ko na 'yong pangarap na 'yon at nanatili nalang sa bukid."

Hindi ako nagsalita. Wala akong oras para makipagkwentuhan sa kanya. Lalo pa't alam naman niyang hindi bukal sa loob ko ang pagsama sa kanya sa bukid. Kahit sinabihan ako nitong dadagdagan ang allowance ko, hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman kong sama ng loob. Isang buwan lang kada taon ang bakasyon naming mga estudyante tapos masasayang lang sa pananatili ko sa puder niya.

Minabuti kong huwag na ulit siyang lingunin. Nakaharap lang ako sa bintana at nakasandal roon ang dalawa kong bisig habang pinapanuod ang madadaanang mga kambing at baka na kumakain ng damo. Pilit kong hindi pinakinggan ang mga sinasabi ni Uncle Ferdie.

"Namimiss ka na ng mga aso at pusa roon sa bahay, pati ng mga kambing..." napairap ako nang marinig siyang tumawa nang mahina. "T'saka sina Jonathan at Brielle, matutuwa 'yon kapag nakita ka." Hindi pa rin ako nagsalita kahit binanggit niya ang mga pangalang 'yon.

Sina Jonathan at Brielle ang mga ka-edad kong hindi ko masasabing kaibigan ko sa bukid pero sapat na para tawaging 'kasama' kapag bagot na bagot ako sa lugar na 'yon.

Ang mga kaibigan ko ay nasa syudad, na kasamang palad, limang oras ang layo mula lugar na pupuntahan ko. Sina Thelma, Francis, Omar, at Gwen. Sila ang mga kaibigan ko. Sila ang gusto kong makasama ngayong bakasyon, hindi ang dalawang 'yon, at mas lalong hindi si Uncle Ferdie.

Nang maramdamang hindi talaga ako iimik, tumigil na ang madaldal kong uncle sa pagsasalita. Sa wakas, nakadama rin ako ng katahimikan sa biyahe. Nanatili akong nakadungaw sa bintana. Dinadama ko ang hanging humahampas sa aking mukha. Masarap 'yon sa pakiramdam.

Fourth year high school na ako sa susunod na pasukan, isang buwan mula ngayon. Kahit hindi pa man ako graduate ng sekondarya, pinaplano ko na agad sa utak ko ang papasukan kong kolehiyo at ang kursong gusto kong kunin.

Sa edad kong 16, malinaw na sa akin ang mga plano ko sa buhay. Kukuha ako ng kursong Political Science at kukunin ko 'yon sa sikat na unibersidad sa syudad. Ang Univeristy of San Miguel. Magtatapos akong may mataas na karangalan at maghahanap ng trabahong may mataas na sweldo. Iyon ang plano ko.

Ayokong matulad kay Uncle Ferdie na nabubulok pa rin sa bukid sa edad niyang 35. Hindi nakapag-aral ng kolehiyo at walang narating sa buhay. Walang asawa at anak. Tanging mga hayop lang ang kasama niya. Hindi nakapagtataka kung bakit ang lungkot ng buhay niya. Kaya rin siguro ako pinapasama ni Mama sa kanya sa bukid paminsan-minsan para kahit papaano ay may kasama ito.

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon