Chapter 17
Conrad
Sa labas ng isang eatery sa kabilang kalsada, nakaupo kaming pareho ni Apollo habang matiyagang sinisipat ang mga taong lumalabas ng building kung saan kami galing kanina. Isang tao lang naman ang inaabangan namin. Si Rad. Ang demonyito, walang modo, at galit sa mundong bersyon ko rito sa hinaharap. Magdidilim na pero nandito pa rin kami sa tapat ng Triple Horizons. Alam kong hindi na kami makakabalik pa sa loob ng building na 'yon.
Hindi naman sana kami magmumukhang mga stalker ngayon kung 'di niya kami pinakaladkad palabas kanina sa security. Mula kasi nang malaman kong tuloy pa rin ang mangyayaring pagpunta niya sa Hawaii, sinubukan ko ulit siyang kausapin pero sarado ang isip at mga tenga niya para makinig. Hindi siya naniniwala sa lahat ng sinabi ko kanina. Alam kong mahirap 'yon paniwalaan. Mahirap siyang kumbinsihin. Pero lalo lang humirap ang sitwasyon dahil bukod sa hindi siya handang makinig, mahirap ding kumausap ng taong gano'n kagaspang ang ugali katulad niya.
Hindi ko lubos maisip na darating ang puntong makakaramdam ako ng sobrang inis sa sarili ko. Hindi sa akin mismo kundi sa kanya. Sa Conrad na 'yon. Hindi ko akalaing magiging gano'n kasama ang ugali ko pagkalipas ng labinlimang taon. Bakit ako nagkagano'n?
"Lalabas rin 'yon," sambit ni Apollo at nakangiting tinapik ang balikat ko. "Makakausap ulit natin siya." Saad niya.
Hindi ko magawang ngitian siya pabalik. "Pasensya na," tiningnan ko siya nang seryoso. "Alam kong 'di gano'n kaganda ang ugali ko at madalas, nakakapagsalita ako ng masasamang bagay. Pero hindi ko naman alam na may ile-level up pa pala 'yon dito sa hinaharap." Napailing ako't napangisi bago ilipat ang tingin sa unahan.
"Hindi naman ikaw 'yon, e." Napatingin akong muli kay Apollo. Nakangisi siya habang nakatingin sa akin. "I mean, yeah, that's basically you after fifteen years. But you're not Rad, you're Conrad. You're just 16 and he's 31. Ang kilala kong Conrad ay ang lalakeng katabi ko ngayon. Hindi ang lalake kanina. Malayong-malayo ka sa kanya." Paliwanag nito sa akin. "You don't have to apologize to me." Hinaplos niya ang balikat ko habang nakangiti.
Napangiti ako nang pilit at muling humarap sa building. "Hindi ko alam pero natatakot ako, Apollo." Saglit akong huminto at huminga nang malalim. "Paano kung gano'n na talaga ako? Kung after fifteen years, gano'ng Conrad pa rin ang kalabasan ko?" malungkot kong sabi. "May parte sa loob ko na masaya sa mga nalaman kong narating ko sa hinaharap. 'Yon naman talaga ang gusto ko noon pa. Ang maging successful sa buhay. Ang maging mayaman at kagalang-galang. Pero ngayong nakikala ko na ang sarili ko rito, hindi ko alam kung gugustuhin ko pang maging si Rad." Naiiling kong sabi.
Seryosong nakatitig sa akin si Apollo. "I have no idea what happened to him, or to you, in the past 15 years para magresulta sa kung ano o sino ang Conrad ngayon. And I know, you're confused, too." Hinawakan niya ang kamay ko nang mahigpit. Seryoso akong tumitig sa mga mata niya. "But what I do know is, I will never judge you." Marahan siyang ngumiti. Bumilis ang tibok ng puso ko matapos marinig sa kanya ang mga salitang 'yon.
Sa hindi ko na mabilang na pagkakataon, iniligtas na naman niya ako mula sa labis na pag-iisip. Pinagaan na naman ni Apollo ang pakiramdam ko. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng lakas para ituloy ang misyon ko rito sa hinaharap kung wala siya. Kung wala ang mga salita niyang nakakapagpa-motivate sa akin.
"Salamat dahil palagi kang nand'yan." Nakangiti ko siyang tiningnan habang hinahaplos ang kamay niyang nakahawak sa akin.
Naputol ang sandaling 'yon nang pareho kaming mapatingin ni Apollo sa unahan, sa building na kanina pa naming binabantayan. Sabay naming nakita ang paglabas ni Rad mula roon na ngayo'y naglalakad patungo sa mga nakaparadang sasakyan sa tabi ng building. Nagkatinginan kami ni Apollo at napatayo bago muling pinanuod ang mga sunod na hakbang nito. Nagmadali itong pumasok sa loob ng pulang kotse na agad namang umandar matapos ang ilang segundo.
BINABASA MO ANG
From 2008 [Completed]
RomanceSimple lang naman sana ang misyon ng 16 years old na si Conrad sa taong 2023. Hanapin ang adult Conrad, pigilan ang pagkamatay nito, at bumalik sa taong 2008. Ngunit paano kung sa pananatili niya roon, hindi lang sarili niya ang mahanap niya, kundi...