F2008: 04

878 86 19
                                    

Chapter 4

Conrad

"So, here's the plan..."

Kunot noo akong nakatingin ngayon kay Apollo matapos itong magsalita pagkaupong-pagkaupo pa lang namin sa table, sa loob ng restaurant nina Thelma at Francis.

Nakatingin ito sa akin nang seryoso ngunit ako, nagtatakang nakatingin sa kanya pabalik. Anong plan ang sinasabi niya? Hindi ba dapat ako ang may hawak ng sarili kong plano?

"Sandali, anong plan-plan ang sinasabi mo d'yan?" pagputol ko sa sasabihin niya. "May plano na ako. Iyon ang susundin natin ngayon." Tinaasan niya ako ng kilay at hinawakan ang kamay kong nakapatong sa lamesa. Tinitigan niya ako nang mariin.

"Look, if your plan involves introducing yourself to your adult friends as the Conrad that they know, huwag mo nang ituloy." Umiling-iling ito habang ako, kunot-noo pa ring nakikinig sa kanya. "Hindi sila maniniwala sa 'yo." Saad ni Apollo.

Tiningnan ko siya nang masama. "Paano mo naman nasabi?" tanong ko sa kanya at binawi ang kamay ko mula sa kamay niyang nakapatong roon. "Mga kaibigan ko sila. Maniniwala sila sa akin." Mariin kong sambit.

Ngumisi naman siya agad. "Mga kaibigan mo sila...noong 2008. Noong pare-pareho pa kayong mga teenager. Ngayong 2023, kaibigan sila ng adult Conrad. Ng 31 years old Conrad." Pinangdiinan niya ang mga salitang 'yon dahilan para mapalunok ako. Nakukuha ko naman ang punto niya. "The only person you have to convince that you're the Conrad from 2008 is the Conrad from 2023. No one else." Tiningnan ko lang si Apollo.

Hindi ako nagsalita nang may staff na nag-abot sa aming dalawa ng menu. Habang nakatingin sa roon, pinag-iisipan kong mabuti ang mga sinabi ni Apollo. Tama naman talaga siya. Kahit magpakilala ako kina Thelma at Francis ngayon, hindi sila maniniwala na ako ang kaibigan nila. Mahirap naman talaga 'yong paniwalaan lalo pa't labinlimang taon na ang nakalipas. Himala na ngang maituturing na napaniwala ko si Apollo.

Mahihirapan rin akong paniwalain ang mga kaibigan ko na ako ang Conrad na kaibigan nila sa katawan ng isang 16-year-old.

"Okay, sige." Tumingin ako sa lalakeng kaharap. "Anong plano mo?"

Nang marinig 'yon, ibinaba ni Apollo ang hawak na menu. Nakangiti itong nakatingin sa akin ngayon. "Ang plano ko, kumain muna tayo dahil gutom na ako." Napailing at napairap ako sa hangin nang sabihin niya 'yon. Seryoso ba siya?

Tumingin ako sa paligid bago tumingin muli sa kanya. "Ang usapan, imi-meet natin rito sina Thelma at Francis para kausapin sila. Hindi mananghalian." Pabulong kong sambit.

Natawa si Apollo. "I know." Agad niyang sagot. "Pero hindi naman tayo pupwedeng papasok rito sa restaurant nila at uupo nang wala man lang oorderin. Nakakahiya 'yon." Hindi ako nakapagsalita dahil tama nga naman siya roon. "At saka, wala pa sila rito." Saad pa niya.

Nang lumingon ako sa counter, tanging mga staff lang ng restaurant ang naroroon. Hindi ko nakita si Thelma o si Francis.

"Paano kung hindi sila dumating?" pag-aalala ko.

Hinawakan muli ni Apollo ang kamay kong nakapatong sa lamesa at tinapik-tapik 'yon. "Karamihan sa mga restaurant owners bumibisita sa mga establishment nila araw-araw, to check and monitor the operations." Sabi niya. "Darating sila." Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti. Ngumiti lang ako pabalik kay Apollo.

Umorder na kaming dalawa. Hindi ko alam kung ano ang pipiliin kaya pinaubaya ko nalang kay Apollo ang desisyon. Siya rin naman ang magbabayad no'n dahil wala akong pera.

Bilang isang korean restaurant pala ang pagmamay-ari nina Thelma at Francis, nag-order si Apollo ng mga putaheng sa buong buhay ko ay hindi ko pa natitikman. Ang ilan sa mga 'yon ay tinawag niyang Ddukbokki, Bulgogi, at Bibimbap. Hindi ako pamilyar sa mga 'yon pero ang sabi niya, masarap raw ang mga pinili niya. Nag-aalangan pa ako noong una pero nang matikman ko, nagustuhan ko rin ang mga 'yon. Masasarap naman pala.

Malaki rin ang restaurant na 'to. Sa loob, kayang magpaunlak ng lagpas isang daan na tao. Mahahaba ang mga table at upuan. Air-conditioned rin ang lugar. Namangha pa nga ako nang makita ang 45-inch na TV na nakadikit sa dingding. Ibang-iba na talaga ang panahon ngayon. Sinong mag-aakala na pagmamay-ari ito ng dalawa sa mga kaibigan ko?

"Naninibago ka, 'no?"

Napatingin ako sa ngumunguyang si Apollo na nakatingin sa akin ngayon. "H-ha?"

Ngumiti siya. "Sa lahat. Sa mga tao, sa mga suot nila, sa mga kagamitang nakikita mo ngayon, at sa taon na 'to in general." Tumango ako sa kanya. Iyon naman talaga ang totoo. "Ibang-iba siguro noong 2008?" patanong nitong sabi.

Natawa ako. "Hindi mo siguro matandaan dahil dalawang taon ka lang sa taon na 'yon. Pero tama ka, ibang-iba 'to sa 2008." Sumubo ako habang natatawa pa rin.

"Why are you laughing?" kuryosong tanong ni Apollo na natigilan sa pagkain.

Natatawa ko siyang tiningnan. "Wala lang. Na-realize ko lang na ang layo pala ng agwat ng edad ko sa 'yo." Saad ko. "Hindi ko akalain na tutulungan ako ng dalawang taong gulang na bata mula 2008 para iligtas ang sarili ko sa hinaharap." Napailing-iling ako habang nakangiti at nagpatuloy sa pagkain.

"Hah! Just in case you're forgetting, wala ka na sa 2008, you're in the year 2023." Ang tila na-offend na sabi ng nakangusong si Apollo. "At sa taon na 'to, mas matanda ako sa 'yo ng isang taon. I'm 17, so basically we're the same age." Pagyayabang nito sa akin na tinawanan ko na lang.

Ilang minuto pa ang lumipas, natigilan ako sa pagkain nang makita ang pagdating ng mga taong hinihintay namin sa lugar na 'to. Sina Thelma at Francis.

Tumingin muna ako kay Apollo at nang tumango ito, tumayo ako mula sa aking upuan at nagtungo sa likuran ng restaurant kung nasaan ang mga kaibigan ko.

"Thelma..."

Natigilan siya sa ginagawang pag-aayos ng mga kagamitan nang marinig at makita ako. Saglit itong napatitig sa akin, may bakas ng gulat at pagtataka sa mukha, bago lumapit sa akin nang bahagya.

"Oh my God..." bulalas niya na hindi pa rin nawawala ang pagkakunot ng noo. "Love, come here, quick!" agad namang lumabas mula sa pintuan si Francis na natigilan rin matapos akong makita.

Nagkatinginan ang dalawa bago muling tumingin sa akin. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa mga isipan nila. Nakikilala kaya nila ako? Namukhaan ba nila ako?

"Kamukhang-kamukha siya ni Conrad," ang rinig kong sambit ni Thelma.

"Oo nga, love..." ang gulat pa ring sabi ni Francis na sinang-ayunan ang asawa. "Kamukha niya si Conrad noong kabataan niya."

Natuwa ako sa narinig. Hindi ko akalaing matapos ang labinlimang taon ay makikilala pa rin nila ang itsura ko. Napangiti ako nang malaki sa kanilang dalawa.

"Ako nga 'to si Co—"

"Corby!" Nabigla ako nang maramdaman ang agresibong pag-akbay ni Apollo sa balikat ko. "Nandito ka lang pala, Corby! Kanina pa kita hinahanap, Corby!" Pinangdiinan niya ang pangalang 'yon. Nang tumingin ako sa kanya, nakangiti ito nang pilit. Napangiti naman ako nang mapait sa kanya. Anong pakulo na naman kaya ito? Hindi naman Corby ang pangalan ko. "Oh, they're already here na pala. Your Uncle Conrad's friends. Hi!" Ang bati niya nang tumingin sa harapan. Uncle Conrad?! Napanganga na lang ako sa mga pinagsasabi ni Apollo.

"Uhm, excuse me?" pagsingit ni Thelma sa amin. "You mentioned Conrad's name." Ang sabi nito na puno ng pagtataka. "Anong kailangan ninyo sa amin?" lumapit si Francis sa kanya at nakatingin sa aming dalawa ni Apollo nang may pagtataka.

"My boyfriend here wants to ask you some questions about his Uncle Conrad." Napalunok ako at hindi nakapagsalita nang marinig 'yon mula kay Apollo na lalong hinigpitan ang pagkakaakbay sa akin. "Right, Corby-baby?" nang tingnan ko ito, humarap siya sa akin at ngumiti. Parang gusto ko na lang magpakain sa lupa dahil sa sobrang pagkailang.

Napalunok ako at tensionadong humarap kina Thelma at Francis na naguguluhan pa rin hanggang ngayon.

"Right...b-baby."

***

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon