Chapter 2
Conrad
June 1, 2023
Iniluwa ako ng maliit na pulang kahon sa isang eskinita. Isang pamilyar na eskinita ngunit hindi ko matumbok kung saan mismo. Ang alam ko lang, nakapunta na ako sa lugar na 'to. Nasaan nga ba ako?
Kinuha ko ang kahon, sinara ito at ibinulsa. Iyon ang nagdala sa akin sa lugar na 'to at kung mawawala 'yon, baka hindi na ako makabalik sa pinanggalingan ko. Hindi ko maiwasang mapaisip kung totoo nga bang nasa hinaharap na ako ngayon.
Gabi na at tanging ang ilaw lang mula sa mga street light ang nagbibigay liwanag sa parteng 'to ng lugar. Walang katao-tao, tahimik ang paligid, at mga pusa lang ang makikita mong nakatambay nang ganitong oras. Anong oras na ba?
Kinuha ko mula sa bulsa ang cellphone ko para tingnan ang oras roon ngunit nagloloko ito. Para itong pinasukan ng virus dahil patuloy sa pagkurap ang screen. Hindi ko na 'yon pinilit pa at minabuting ibalik nalang 'yon sa bulsa.
Naglakad ako palabas ng eskinita at doon, nakita ko ang mataas na lamp post na katabi ng isang sign board kung saan nakasulat ang address ng lugar. Agad ko 'yong binasa.
"Guevarra Street..."
Napanganga ako dahil pangalan 'yon ng lugar kung saan kami nakatira sa syudad. Ibig sabihin, nasa syudad ako ngayon? Pero teka, ibang-iba 'to sa itsura ng eskinita namin. Maraming nagbago at nadagdag. Hindi ko ito namukhaan agad.
Sa labas ng eskinita, bukod sa mga matataas na lamp post at mukhang bagong kabit na sign board ng address ng lugar, may mga tindahan sa magkabilang gilid at hilera nito. Habang pinagmamasdan ang mga 'yon, hindi pa rin ako makapaniwala. Sigurado akong walang ganito sa lugar namin noong umalis ako kanina sa bahay.
Binasa ko ang mga nakalagay na pangalan ng iba't ibang shop sa paligid. Takoyaki Express, It Girl Fashion, My Milktea Blast, at Korean Rejuv Center. Karamihan sa mga 'yon ay hindi ako pamilyar. Nanibago ako sa mga shop na nasa labas ng eskinita kung saan ako nanggaling.
Nang humarap naman ako sa kalsada, maayos na rin ang dating baku-bakong daanan. May maayos na kalsada, pedestrian lane, at himalang may traffic lights na rito ngayon. Hindi ko alam kung sino ang namumuno sa lugar namin sa panahong 'to pero natutuwa akong makita na may budget na sila para roon.
Marami pa ring dumadaang sasakyan kahit gabi na. Sa kabilang kalsada, marami ring shops na iba't iba ang pangalan. May mga botika, kainan, at tindahan ng iba't ibang gamit na dati ay hindi mo makikita sa lugar na ito. Literal na naging sibilisado ito sa isang iglap.
Wala na nga ako sa taong 2008.
"Ate, pwede bang magtanong?" lumapit ako sa babaeng biglang dumaan sa harapan ko. Agad kong napansin ang hawak niya. Isa 'yong cellphone pero hindi katulad ng sa akin. Halatang touch screen iyon at mamahalin pero mas malaki at mahaba. "Anong eksaktong araw ngayon?" tanong ko sa babae na kung tingnan ako ngayon ay tila nawi-wirduhan. Hindi ko siya masisisi kung gano'n ang nararamdaman niya.
Nakasuot ako ng puting polo at maong na pantalon. Ang babaeng kaharap ko ngayon ay tila high-fashion sa suot nitong damit na bihira kong makita sa mga kababaihan sa taon kung saan ako galing.
Nakasuot siya ng labas-balikat at labas-pusod na blouse. High-waisted ang maong na suot at mataas ang heels ng kanyang sandals. Hindi ko rin maiwasang titigan ang mukha nito. Mukha siyang may make-up pero hindi gaanong kahalata at karami. Sakto lang. Ibang-iba sa mga pustura ng mga kababaihan sa pinanggalingan ko na halos pumutok na ang labi sa pakapalan ng lipstick at puwede nang gawing tinapay sa kapal ng foundation.

BINABASA MO ANG
From 2008 [Completed]
RomanceSimple lang naman sana ang misyon ng 16 years old na si Conrad sa taong 2023. Hanapin ang adult Conrad, pigilan ang pagkamatay nito, at bumalik sa taong 2008. Ngunit paano kung sa pananatili niya roon, hindi lang sarili niya ang mahanap niya, kundi...