F2008: 11

729 67 5
                                    

Chapter 11

Conrad

"Bumaba ka!" malakas na sigaw ng lalakeng nasa labas ng bintana sa gilid ko. Hindi ako gumalaw. Kinakabahan pa ring nakataas ang dalawang kamay ko na nanginginig-nginig pa. "Bingi ka ba? Ang sabi ko, bumaba ka!" pag-uulit niya nang hindi ko sinunod ang gusto nito sabay tutok ng balisong sa aking ulo.

Gumilid ang mga mata ko at tiningnan si Apollo. Hindi katulad ko, nakababa ang mga kamay niya. Tinututukan siya ng baril ng isa pang lalake. Hindi pa rin mababakas sa mukha nito ang kaba. Nakita kong marahan niya akong tinatanguan na para bang sinesenyasan akong sundin na lang ang utos ng lalake.

Tiningnan ko ang lalake sa gilid ko. "Ang sabi niyo, wag kaming kikilos. Ano ba talaga?" kabado at naguguluhang tanong ko sa lalakeng halatang nairita mula sa narinig.

"Aba, pilosopo ang isang 'to, ah?!" gigil niya akong tiningnan at sinapok gamit ang nakakuyom niyang kamao. Napaaray ako dahil malakas 'yon. "Ano? Mamimilosopo ka pa?"

"Hey! Don't hurt him!" sigaw ni Apollo sa lalake. "We will give everything you want. Just leave him alone!" dagdag niya habang marahang bumababa ng kotse. "Here, I'm getting out of the car." Nang sulyapan ko, tinututukan pa rin siya ng baril ng lalakeng nasa gilid.

Natuwa ang lalake na nasa labas ng bintana ko. Sinamaan ko siya ng tingin. "Simple lang 'yong pinapagawa, pinapatagal pa. Susunod rin pala!" Napansin niya ang mga mata ko. "Ano? Gusto mo pa ng isa?" banta pa niya sa akin.

Kahit kinakabahan at nanginginig, pinilit kong kumilos at marahang binuksan ang pintuan ng kotse. "Sabi ko nga, bababa na."

Nang makalabas kami ni Apollo ng sasakyan, pinagtabi nila kaming dalawa habang tinututukan pa rin ng mga armas na hawak nila. Ginala ko ang mga mata ko sa paligid. Bukod sa malawak na kapatagan at palayan, wala akong makitang malapit na bahay o mga taong pwedeng tumulong sa amin ngayon. Wala ring dumadaang sasakyan sa rutang 'to. Hinintay talaga nilang makarating kami sa lugar kung saan walang tao at dumadaang mga sasakyan. Pinagplanuhan talaga nila 'to. Hindi pa rin humuhupa ang kaba sa dibdib ko.

Habang nasa tabi kami ng kalsada, ang dalawang lalake ay nagtungo sa loob ng sasakyan. Patuloy sila sa paghahalungkat roon ng kung ano man ang makukuha nila. Hindi ko magawang kumalma.

"We're gonna be okay..." kalmadong bulong ni Apollo sa akin. "Just relax."

Sinamaan ko siya ng tingin matapos niyang sabihin 'yon. "Anong 'we're gonna be okay' at 'just relax', naririnig mo ba ang sarili mo?" bulong ko pabalik kay Apollo. "Mga kriminal 'tong mga 'to. Adik, magnanakaw, at posibleng mga mamamatay tao!"

"Hoy!" Sigaw sa amin ng lalakeng may hawak na balisong. Lumabas siya mula sa kotse. "Anong pinagbubulungan niyo d'yang dalawa? Gusto niyo bang mamamatay?!" Natahimik kaming dalawa ni Apollo.

Ang isa niyang kasama ay lumabas na rin dala ang cellphone ni Apollo mula sa loob ng kotse. "Dito pa lang sa cellphone na 'to, tiba-tiba na tayo, pare!" nakangising sabi ng lalake at winagayway ang hawak. "Mahal 'to kapag binenta."

Nang bumalik ang isang lalake sa kotse, hawak naman nito ang wallet ni Apollo. "Hindi tayo nagkamali ng hinala. Mayaman 'tong si tisoy." Nakatawang sabi nito habang binubulatlat ang laman no'n. "May sampung libo pa, ATM cards, at credit cards!" Tuwang-tuwa siya habang ako nama'y masama ang tingin sa dalawa.

"You can have that if you want. All of it. Just let us go." Sabi ni Apollo dahilan para makuha no'n ang atensyon ng lalake.

"Kapkapan ang mga 'yan!" utos sa kanya ng lalakeng may hawak na cellphone. "Hindi tayo aalis rito nang hindi nalilimas lahat." Nang sabihin niya 'yon, agad na lumapit sa amin ang lalakeng may hawak ng balisong.

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon