Chapter 3
Conrad
"Is this some kind of prank?"
Nakaupo ako sa wooden couch sa may terrace ng apartment ng lalakeng nakilala ko kanina. Si Apollo. Apollo Brooks. Ang 17-year-old na Fil-Swedish na mag-isang nakatira rito sa Pilipinas.
Niyaya niya ako rito matapos niya akong makitang nakayuko sa tabi ng eskinita kanina. Hindi ako nagdalawang-isip na sumama sa kanya dahil bukod sa malapit lang ito, wala rin naman akong mapupuntahan ngayong gabi.
"Prank?" napatitig ako sa kanya matapos marinig ang salitang 'yon.
Natawa siya. "Prank. Hindi mo alam 'yon? Gagawa ng kalokohang video na gagawing content tapos ipo-post sa Youtube at Tiktok. Alam mo na, para sa clout." Nakakunot lang ang noo ko habang pinakikinggan si Apollo at ang mga pinagsasabi niya.
"Tiktok? Ano naman 'yon?" napakamot ako sa aking ulo. "May nakikita ka bang camera? E, eto nga lang ang dala ko, sira pa." Inilabas ko ang Nokia 5320 ko. "T'saka, hindi ito kalokohan. Totoo ang lahat ng sinabi ko sa 'yo. Kailangan kong mahanap ang Conrad sa taon na 'to para mapigilan ang pagkamatay niya, namin!" saad ko at tinitigan lang ako nito.
Marahil ay iniisip niyang nababaliw na ako. Hindi ko siya masisisi dahil gano'n nga ang tunog ko ngayon. Tunog nababaliw na.
Mahigit sampung minuto pa lang ako rito sa apartment niya nang ikwento ko sa kanya kung saang taon ako nanggaling at kung bakit ako naririto sa hinaharap. Hindi ko pa rin siya ma-convince na nagsasabi ako ng totoo at hindi ito isang kalokohan lang. Nagdududa pa rin siya na baka isa lang 'tong 'prank' gaya ng sinasabi niya.
"You mean, you time-travelled here from the year 2008? Para pigilan ang 31 years old mong sarili na sumakay sa eroplano at mamatay?" Inulit niya ang mga sinabi ko bago umiling-iling na hindi pa rin makapaniwala hanggang ngayon. Tinanguan ko siya. "That sounds crazy!"
"Alam kong mahirap paniwalaan pero nandito na ako at hindi ako pwedeng magsayang ng oras. May anim na araw na lang ako bago ang pagsakay ko sa eroplano. Kailangan kong makita ang sarili ko rito sa hinaharap sa lalong madaling panahon." Pag-aalala ko at tiningnan si Apollo. "Matutulungan mo ba ako?"
Bumuntong-hininga siya at lumapit sa tabi ko. "This still sounds so crazy to me..." sambit niya. "Pero since classes will start next month pa, pwede kitang tulungan sa pinaplano mo. Kahit ang weird ng lahat ng 'to." Napangiti agad ako nang marinig 'yon sa kanya.
"Salamat, Apollo."
Ngumiti siya pabalik sa akin. "For now, you can stay here at my place." Sambit nito at tinapik ang balikat ko. "Bukas na bukas rin, sisimulan nating hanapin 'yong ang adult version mo."
***
June 2, 2023
"Give me your full name."
Magkaharap kaming dalawa ni Apollo sa hapagkainan. Umaga na at kagaya ng sinabi niya, dito na ako nagpalipas ng gabi sa apartment niya. Ngayon, sinusubukan niyang hanapin ang Facebook account ko.
May Facebook naman na noong 2008 pero tandang-tanda kong hindi ako gumawa ng account dahil wala rin naman akong magagamit para gumawa at mag-access no'n. Ang mga computer naman sa laboratory ng school, bawal na bawal gamitin sa ibang bagay maliban sa pag-aaral.
Gamit niya ang magarang cellphone ni Apollo, mabusisi niyang pinipindot ang screen no'n patungo sa Facebook application.
"Conrad Luciano."
Nang ibigay ko ang buo kong pangalan, ilang saglit lang, maraming resulta ang lumabas at pinakita niya sa akin 'yon lahat.
"Hindi 'yan. Hindi ako 'yan." Umiling ako sabay balik kay Apollo ng cellphone. Hindi ko alam na marami pala akong kapangalan na gumawa ng Facebook account. Wala ni-isa roon ang sa akin. "Nakita ko ang itsura ko sa hinaharap, sigurado akong hindi ako 'yan."
Napaisip si Apollo bago tumingin muli sa akin. "What if hindi buong pangalan ang nilagay mo ng gumawa ka ng Facebook account? Uso 'yon ngayon, e. Informal." Hindi ko maintindihan ang sinabi niya.
"Anong malay ko? Hindi pa naman ako aware sa mga gan'yan." Umiling ako sa kanya. "Yung Conrad na nandito sa hinaharap, 31 na. Ako, 16 pa lang. Wala akong ideya kung nagpalit ba siya ng pangalan pagkalipas ng 15 years." Dagdag ko pa dahilan para mapabuntong-hininga si Apollo.
Napaisip itong muli. "Hmm, how about your family members? Baka sila may Facebook!" Nagulat ako sa narinig at agad na napangiti sa ideyang sinabi niya. "Give me their names."
Ibinigay ko sa kanya ang mga pangalan ng mama at papa ko pero walang lumabas na Facebook accounts. Pati ang kina Ate Doreen at Kuya Larry ay wala rin. Kung totoo nga ang sinasabi ni Apollo na baka gumamit sila ng ibang pangalan na hindi pormal, malamang ay hindi ko sila mahahanap roon. Nawawalan na ako ng pag-asa.
"Your friends from 2008? Sigurado akong may mahahanap tayong isa sa kanila." Napaisip ako sa sinabi ni Apollo at inisa-isa ang mga pangalan ng mga kaibigan ko sa syudad.
Sa apat na sina Thelma, Francis, Omar, at Gwen ay tanging si Thelma lang ang namukhaan ko sa mga lumabas na resulta sa Facebook.
"Siya! Ayan, siya nga 'yan!" tuwang-tuwa ako habang nakatingin sa litrato niya sa screen ng cellphone ni Apollo.
Thelma Delas Alas - Domagoso
Nang pindutin ni Apollo ang pangalan niya, nagtaka ako dahil ang nakadugtong sa kanyang apelyido ay ang apelyido ng kaibigan naming si Francis. Ibig sabihin...
"Kinasal siya kay Francis..." nakangiti kong sabi nang agawin ang cellphone kay Apollo at nang makita ang malaking larawan sa tabi ng kanyang maliit na litrato. "At may isa na silang anak ngayon..." hindi ko alam kung anong mararamdaman ko habang tinitingnan ang litrato ng masaya nilang pamilya kasama ang mukhang tatlong taong gulang nilang anak na lalake. Pakiramdam ko ay maluluha ako.
"Hey, bago ka pa umiyak habang nakatitig d'yan, kailangan nating makausap sila." Inagaw ni Apollo ang cellphone sa akin at may kung anong pinagpipindot roon. "Oh, may restaurant pala sila, e. Pwede natin silang puntahan doon. Hindi naman 'yon malayo mula rito." Nagulat ako nang marinig 'yon sa kanya. Nakapagpatayo silang dalawa ng sarili nilang restaurant sa hinaharap? Hindi ko mapigilang humanga sa nalaman.
Pinakita ni Apollo sa akin ang litrato at address ng restaurant nina Thelma at Francis. Lalo akong nakaramdam ng pagkasabik na makita silang dalawa. Sila lang ang tanging paraan para makita ko ang Conrad sa taon na 'to.
Tumingin ako kay Apollo at ngumiti.
"Pupuntahan natin sila ngayon din."
Sakay ng isang taxi, kinse minutos kaming bumiyahe ni Apollo hanggang makarating sa lugar kung saan nakatayo ang restaurant ng mga kaibigan ko. Bumaba kaming dalawa sa tapat no'n. Sabay kaming naglakad papasok sa loob ng restaurant.
Nararamdaman ko nang malapit na kaming magtagpo ng Conrad sa taong 'to.
***

BINABASA MO ANG
From 2008 [Completed]
RomanceSimple lang naman sana ang misyon ng 16 years old na si Conrad sa taong 2023. Hanapin ang adult Conrad, pigilan ang pagkamatay nito, at bumalik sa taong 2008. Ngunit paano kung sa pananatili niya roon, hindi lang sarili niya ang mahanap niya, kundi...