Chapter 16
Conrad
Gusto kong sumuka.
Pakiramdam ko ay gustong lumabas ng lahat ng kinain ko kanina dahil sa nakikita ng mga mata ko mula rito sa labas ng see-through office kung saan pumasok ang babaeng nakilala namin ni Apollo bilang si 'Ma'am Jean".
Hinihintay namin ang paglabas muli ng babae, hudyat na pwede na naming makausap ang lalakeng kahalikan niya sa loob. Ang 31-year-old Conrad. Kinikilabutan ako habang pinapanuod silang maglandian na para bang hindi namin sila nakikita mula rito sa labas. Nakakadiri.
"Sigurado ka bang ikaw 'yan?" bulong sa akin ni Apollo habang pareho kaming nakaupo sa couch at nakatingin sa loob ng opisina kung nasaan ang dalawa. "Damn. You never told me you're into girls pala."
Siniko ko si Apollo. Maging ako ay hindi makapaniwala. "Never." Nanatili akong nakatingin roon at ngayo'y pinapanuod silang nag-uusap. "Pero sigurado akong 'yan ang Conrad after 15 years." Saad ko kay Apollo.
"You mean, straight?"
Sinamaan ko siya ng tingin. "Baliw. Hindi!" Ngumisi si Apollo sa akin. "Ibig kong sabihin, 'yan ang Conrad na ipinakita sa akin ng matandang lalake sa bukid." Ibinalik ko ang mga mata sa harapan. "Ako ang lalakeng 'yan."
"Well, contrary to what the lady guard said earlier, you kind of look the same. Nagmature ka lang nang sobra after 15 years. Papasa kayong magkapatid na dalawa." Saad ni Apollo habang pinagmamasdan ang Conrad na nakikita namin sa loob.
Ang Conrad na nasa loob ay matangkad, maganda ang hubog ng katawan na halata sa suot nito, may trimmed na balbas at bigote, at higit sa lahat ay mukhang straight. Nakasuot ito ng suit and tie. Maayos ang crew cut na buhok. Mukhang kagalang-galang ang postura. Ibang-iba sa naisip kong magiging itsura ko sa hinaharap.
Hindi pa rin ako makapaniwalang ako ang lalakeng nakikita namin ngayon. Ngunit mas lalong hindi ako makapaniwala na hinalikan niya ang babaeng 'yon. Kahit kailan ay hindi sumagi sa isip ko ang humalik ng isang babae. Una pa lang, simula nang maging crush ko ang kaklase kong si Hans, alam kong sa lalake lang ako magkakagusto. Ano ba talagang nangyari sa akin sa nakalipas na labinlimang taon?
Maya-maya pa, pareho kaming napatayo ni Apollo nang naglakad palapit sa pinto ang babae at binuksan 'to. Nakangiti siyang humarap sa amin. Hindi ko alam kung kaya ko pa siyang ngitian matapos ang mga nasaksihan ko kanina. Nang silipin ang Conrad sa loob, nakatingin ito sa akin, at hindi ko gusto ang paraan niya ng pagtingin. May halong pagtataka at pangingilatis 'yon.
"Sorry for waiting," paumanhin ng babae habang tinitingnan ako. Pilit akong ngumiti sa kanya. "He's waiting for you inside. You can come in."
Lumingon ako kay Apollo. "I'll stay here and wait." Saad niya at nginitian ang babae. Tinanguan ko lang siya.
Humarap ako sa babae. "Thank you." Pinagbuksan niya ako ng pinto bago nagpaalam at tuluyan nang umalis.
Nang makapasok, sinilip ko si Apollo sa labas. Ngumiti ito at nagthumbs-up. Kahit hindi ko siya naririnig, alam kong 'you got this' ang inusal ng bibig niya. Kahit papaano'y nabawasan ang nararamdaman kong kaba. Tuluyan na akong tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa naghihintay na lalake.
Hindi ko alam kung bakit ako nakakaramdam ng kaba ngayon, e ako pa rin naman ang Conrad na 'to, 15 years apart nga lang. Pero kahit na, kailangan kong ituon ang sarili ko sa misyon ko rito sa hinaharap. 'Yon ay ang kausapin siya. Heto na 'yon at wala nang atrasan pa.
Nang tiningnan ko siya, napansin ko agad ang mga mata nitong nakatingin sa akin nang masama. Para itong dragon na hinihintay na makalapit ako para mabugahan niya ng apoy. Gano'n ang pakiramdam na ibinibigay niya.
BINABASA MO ANG
From 2008 [Completed]
RomanceSimple lang naman sana ang misyon ng 16 years old na si Conrad sa taong 2023. Hanapin ang adult Conrad, pigilan ang pagkamatay nito, at bumalik sa taong 2008. Ngunit paano kung sa pananatili niya roon, hindi lang sarili niya ang mahanap niya, kundi...