Chapter 15
Conrad
"If you find him there...say 'hi' for me."
'Yon ang huling bilin sa akin ni Jonathan bago kami umalis ng Norterinos. Sakay ng kotseng nakuha namin mula sa presinto, pabalik na kami ni Apollo sa syudad para puntahan ang address na binigay sa amin nito. Ang lugar na pinagtatrabahuhan ng Conrad dito sa hinaharap. Bagama't limang taon na ang impormasyon na 'yon kay Jonathan, umaasa pa rin akong makikita namin siya roon.
Matapos ang halos tatlong oras na biyahe pabalik ng syudad, narating na rin namin ni Apollo ang eksaktong address na sinabi ni Jonathan. Sa tapat ng isang napakataas na building kung saan may malaking logo at pangalan ng kompanya.
Triple Horizons.
"This is the place." Sambit ni Apollo nang patayin ang makina ng sasakyan. Tumingin ito sa akin nang seryoso. "Are you ready?"
Marahan akong tumango sa kanya. Wala akong rason para hindi maging handa na harapin ang sarili ko sa hinaharap. Alam kong ito lang ang tanging paraan para mapigilan ang posible kong pagkamatay, dalawang araw mula ngayon. Ang harapin at kausapin ang adult Conrad.
Bumuntong-hininga ako bago buksan ang pintuan ng sasakyan. Bumaba ako roon at tiningnan ang nakakalula sa taas na building sa harap ko. Bumaba na rin si Apollo matapos iparada ang kotse sa tabi. Hinawakan niya ang balikat ko mula sa likuran. Hindi ko alam kung bakit ngayon pa ako kinabahan.
"Relax.." kalmadong sabi sa akin ng nakangiting si Apollo. Nginitian ko siya nang pilit. "Everything will be fine." Saad niya na nakapagpagaan ng loob ko.
Mula nang harapin ko ang misyon na 'to, palaging si Apollo ang nagpapakalma sa akin tuwing natatakot at kinakabahan ako. Para bang may mahika ang bawat salita niya na sa tuwing sasabihin ang mga 'yon, pakiramdam ko ay ligtas ako at walang mangyayaring masama.
"Salamat..." nakangiti ko siyang tinanguan bago humarap muli sa mataas na gusali.
Karamihan sa mga naglalabas-pasok roon ay nakasuot ng mga pormal na kasuotan. Naka-suit and tie ang mga kalalakihan habang ang mga babae naman, nakasuot ng puting long-sleeve blouse na naka-tuck in sa mga suot nilang itim na slacks. Magagara ang mga suot ng mga ito at mukhang kagalang-galang dala ang mga briefcase nila.
Sa entrance ng building, nakatayo ang isang lady guard na nag-aabang sa mga papasok at lalabas ng building. Hindi na ako nagsayang ng oras pa at naglakad na papalapit roon kasama si Apollo. Nang makita kami nito ay agad kaming hinarang bago pa man kami makapasok sa loob. Matapos tingnan ang katabi kong si Apollo, lumipat at nanatili ang mga mata nito sa akin. Para bang kinikilatis ang buong pagkatao ko, na may kasamang panghuhusga, sa paraan nito ng pagtingin. Tumaas pa ang isang kilay nito.
"Magandang umaga po." Magalang at nakangiti kong bati sa babaeng gwardiya. "Dito po ba nagtatrabaho si-"
"Anong kailangan niyo?" masungit na tanong nito matapos akong putulin sa pagsasalita. Hindi pa rin niya inaalis ang mga mata sa akin.
"Hinahanap po namin si-"
"Empleyado ba kayo rito?" hindi na naman niya ako pinatapos sa pagsasalita. Umiling ako sa kanya bilang tugon. "Hindi pala, e. Mga empleyado lang ang pwedeng pumasok sa loob. Hindi niyo ba nakikita 'to?" itinuro niya ang nakapaskil sa glass door na 'No ID, No Entry' sign. Napatingin ako kay Apollo.
"Ma'am, can you please let us in?" pakiusap niya sa lady guard ngunit hindi epektibo ang pagpapa-cute niya rito. Sumeryoso ang mukha ni Apollo at tumingin sa akin na tila nakaisip ng ideya. "His brother!" napakunot ang noo ko sa narinig. "Dito nagtatrabaho ang kapatid niya. We need to see him right now. Kailangan namin siyang makausap." Pamimilit niya pa rito na ngayo'y nakataas ang kilay sa kanya.
BINABASA MO ANG
From 2008 [Completed]
RomanceSimple lang naman sana ang misyon ng 16 years old na si Conrad sa taong 2023. Hanapin ang adult Conrad, pigilan ang pagkamatay nito, at bumalik sa taong 2008. Ngunit paano kung sa pananatili niya roon, hindi lang sarili niya ang mahanap niya, kundi...