F2008: 13

945 80 2
                                        

Chapter 13

Conrad

"Brain aneurysm..."

Iyon lang, sa napakaraming bagay na sinabi ni Jonathan, ang narinig ko. Ang mga sumunod na salitang lumabas sa bibig niya ay tila hindi na umabot pa sa aking tenga. Pakiramdam ko ay nabingi ako dulot ng mabigat na emosyong nangingibabaw sa akin ngayon. Hindi ko alam ang mararamdaman ko.

Napaupo ako sa tabi ng puntod ni Uncle Ferdie, dito mismo sa labas ng bahay niya sa bukid ng Norterinos. Hindi ko namalayan ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ko. Pakiramdam ko ay sasabog ang puso ko sa sobrang bilis ng tibok nito. Hindi ako makapaniwalang hindi ko na siya naabutan dito nang buhay sa hinaharap.

"Ang huling bilin n'ya sa akin, kapag namatay siya, gusto niyang dito ilibing. Ni-minsan, hindi niya ginustong umalis sa lugar na 'to. Mahal na mahal niya ang Norterinos." Pinunasan ko ang mga luhang dumaloy sa magkabilang pisngi ko at mula sa puntod, tumingin ako kay Jonathan na nakatayo katabi ni Apollo.

Hindi ko akalain na sa ganitong paraan ko pa malalaman na ang lalakeng pulis na nagdala sa amin ni Apollo sa presinto kanina ay si Jonathan. Isa sa dalawang taong tinuring akong kaibigan dito sa bukid kasama ni Brielle. Hindi ko siya nakilala dahil ibang-iba na ang itsura at tindig niya ngayon. Mukhang pareho sila ni Brielle na napakalaki ng pinagbago, hindi lang sa itsura kundi pati sa estado ng buhay.

"Nasa America na ang mga kapatid at ilan sa mga pamangkin ni Mang Ferdie mula 2015 pa lang. Wala rin namang bumibisita sa kanya rito kahit noong nabubuhay pa siya." Nagulat at nalungkot ako sa mga nalaman mula kay Jonathan. "Kaya nga noong sinabi mong pupuntahan niyo siya para bisitahin, nagulat ako. 'Yong mga apo niya kasing babae sa mga pamangkin niya, nasa America. I never knew he had a grandson." Ngumiti ito sa akin. "Hindi rin naman ako nagduda dahil kamukhang-kamukha mo 'yong pamangkin niya. Si Conrad."

Nagulat ako nang banggitin niya ang pangalan ko. 'Yon ang naging hudyat para samantalahin ko ang pagkakataon at magtanong. "Si Conrad..." sinenyasan ako ni Apollo gamit ang mga mata niya dahil sa narinig. "Si Uncle Conrad, nasaan na po siya ngayon?" tanong ko.

Napansin kong nag-iba ang timpla ng mood ni Jonathan nang tanungin ko 'yon dahil mula sa pagngiti, sumeryoso ito. "Wala na akong balita sa kanya..." nang marinig ko ulit ang mga katagang 'yon, pagkatapos marinig sa iba't ibang tao nitong mga nakaraang araw, pinanghinaan ako ng loob. "Ang alam ko lang, hindi siya tumuloy sa America kasama ng pamilya niya. Last time I checked, nakatira siya sa isang condo sa syudad." Nabuhayan ako ng loob dahil sa narinig.

"Where exactly is that condo?" tanong ni Apollo.

Napatingin sa kanya si Jonathan nang kunot-noo. "I don't know. He never told me." Tugon nito at tumingin sa akin. "Ang huling pag-uusap naming dalawa ay noong libing ni Mang Ferdie. That was 5 years ago." Saad nito. "Pagkatapos no'n, hindi na siya muling pumunta rito o nagpakita pa." Malungkot na dagdag niya.

Sa isang banda, may parte sa puso kong natuwa nang malaman na pumunta ako sa libing ni Uncle Ferdie at nakausap si Jonathan sa kabila ng masasamang salita na sinabi ko sa kanilang dalawa ni Brielle.

"So you don't know where he is now?" muling tanong ni Apollo kay Jonathan.

Umiling ito sa kanya. "He's not the type of person who shares everything to everyone. Not even to me. After all, matagal na niya akong nilayuan. Pinili niyang lumayo." Nang sabihin 'yon ni Jonathan, nakumpirma ko ang mga sinabi ni Brielle sa akin noong makita ko siya rito sa hinaharap. Hindi pa rin ako makapaniwalang naging gano'n ako kasama sa kanila.

"Sorry..." bigla kong nasabi rito dahilan para mapatingin si Jonathan sa akin nang may pagtataka. "Sorry dahil wala ako rito noong mamatay si Lolo Ferdie. Hindi ko alam. Wala po akong alam sa mga nangyari." Saad ko at malungkot na tiningnan siya.

Ngumiti ito at lumapit sa akin. Ginulo nito ang buhok ko nang bahagya. "You were just a kid back then. For sure, your parents had their reasons for keeping it from you." Tumingin ito sa puntod ni Uncle Ferdie. "Ang mahalaga naman, ngayon, alam mo na. Sigurado akong matutuwa si Mang Ferdie sa langit na makitang binisita siya ng apo niya." Ngiti lang ang isinagot ko kay Jonathan matapos niyang sabihin 'yon. Kung alam lang niya na ako pa rin 'to, ang Conrad na nakilala niya.

Ilang minuto rin kaming nanatili roon sa bahay ni Uncle Ferdie. Wala namang pinagbago 'yon, nandoon pa rin ang kamalig, lumang truck, at ang garden niya ng mga gulay. Ang kaibahan lang ngayon, wala na siya. May mga nakita rin akong mga aso at pusa sa paligid. Ang sabi sa akin ni Jonathan, pinapanatili pa rin nilang buhay ang lugar, alang-alang sa alaala ni Uncle Ferdie.

Hindi ko maiwasang makonsensya. Alam kong hindi ko tinatrato nang tama si Uncle Ferdie noon. Madalas, kinaiinisan ko siya at ang kinakalawang niyang truck. Kinaaayawan ko ang pagpunta rito noon sa bukid dahil mabilis akong mabagot at masyado kong mahal ang buhay sa syudad. Pakiramdam ko tuloy ngayon, ang sama-sama kong tao. Hindi na ako naging mabuting pamangkin, hindi pa ako naging isang mabuting kaibigan. Kung sino pa 'yong hindi namin kamag-anak at kung sino pa 'yong taong itinaboy ko palayo, siya pa 'yong may malaking malasakit sa lugar na 'to at kay Uncle Ferdie.

"You can stay at my place for the night." Alok ni Jonathan habang naglalakad kami pabalik sa sasakyan. "Wala rin naman kayong ibang choice dahil hindi ko rin kayo hahayaang umalis ngayong gabi." Lumingon ito sa kanyang likuran kung nasaan kami. "Tomorrow, you can get your car back." Napangiti kaming dalawa ni Apollo mula sa narinig.

"Thank you, Sir Chief!" Si Apollo.

Nginitian ko si Jonathan. "Salamat, sir."

"Walang anuman." Ngumiti siya nang sabihin 'yon bago huminto at muling tumingin sa amin. "About your Uncle Conrad's whereabouts..." natigilan kami sa paglalakad nang marinig 'yon mula sa kanya. "Hindi ko alam kung saan siya nakatira, but I can give you the address of the marketing company where he was working before. Maybe you can still find him there."

Nang marinig na sabihin 'yon ni Jonathan, nabuhayan ako ng loob. Nagkatinginan kaming dalawa ni Apollo at parehong napangiti.

***

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon