F2008: 09

740 72 1
                                    

Chapter 9

Conrad

June 4, 2023

Nanatili lang akong nakapikit nang magising ako. Alam kong umaga na pero mabigat pa rin ang mga mata ko kaya pinili kong hindi bumangon at manatiling lang na nakahiga. Inaantok pa ako nang sobra.

May katigasan ang unan na sinasandalan ng ulo ko pero hindi ko maipagkakailang kumportable 'yon sa pakiramdam. Nakahiga ako sa aking gilid. Malamig kaya nagsusumiksik ako paatras sa aking likuran. Tuwing gagawin ko 'yon, nakakaramdam ako ng init na dulot ng kung anong bagay na dumidikit sa aking katawan. Masarap 'yon sa pakiramdam. Maliban sa nararamdaman kong pagtusok ng tila matulis na bagay sa parteng ibaba ng likuran ko. Sa may bandang puwitan. Masyado akong nilalamon ng antok para intindihin 'yon kaya binalewala ko na lang.

Ang mga kamay ko naman ay kumportable sa aking gilid. Nang magmulat ako ng mga mata nang bahagya, nakita kong nakalingkis ito sa isang bisig. Sa may kalakihang bisig. Naantala bigla ang pagpapalamon ko sa antok. Bisig? Bakit ako nakayapos sa isang bisig?

Napamulat akong muli ngunit sa pagkakataong 'yon, mulat na mulat na ang mga mata ko. Ilang segundo rin akong nakatitig sa bisig na yakap bago ako unti-unting lumingon sa aking likuran at doon, tuluyan nang nagising ang diwa ko nang makita ang natutulog na si Apollo. Humihilik pa ito nang mahina. Nakayapos ito sa akin habang unan ko naman ang isang braso niya.

Mabilis akong kumilos at napabalikwas nang makita siya dahilan para mahulog ako sa couch kung saan kami nakahigang dalawa. Napadaing ako nang malakas.

"What are you doing?" malat ang boses ni Apollo nang magising siya dahil sa tunog ng pagbagsak ko sa sahig. Umupo ito at tumingin sa akin habang nag-iinat ng katawan. "Magkatabi tayong natulog rito?" nangingiting tanong niya matapos maghikab at itinuro ang couch.

Sinamaan ko siya ng tingin. Naalala ko ang ginawa niya kagabi. "Anong nginingiti-ngiti mo d'yan?" inis kong tanong habang sinasapo ang puwitan kong napuruhan sa pagbagsak. "Masyado kang nalasing kagabi kaya nakatulog ka d'yan, tapos..." nakaramdam ako ng pagkailang at umiwas ng tingin sa kanya. "Hinila mo 'ko at pilit itinabi sa 'yo." Saad ko. Iyon naman talaga ang nangyari.

Sa himbing ng tulog ko, nakalimutan kong hindi nga pala ako umabot sa kwarto kagabi, at rito na rin nakatulog sa couch sa tabi niya. May choice naman ako pero tumabi pa rin ako sa kanya. Marahil ay lasing na rin talaga ako kagabi kaya wala ng nagawa ang katawan ko at nanatili na lang rito sa sala kasama siya. Hindi ko tuloy maiwasang mailang sa kanya. Lalo na kapag naaalala ko ang posisyon naming dalawa at ang bagay na tumutusok sa likuran ko kanina. Nakakahiya!

"Oh, bakit parang ikaw pa ang nalugi sa ating dalawa? Hindi mo ba na-enjoy 'to?" nakatawa nitong pang-aasar habang pasimpleng iniyayabang ang mga muscles niya. Lalo ko siyang sinamaan ng tingin. "I'm pretty sure you slept well." Nakangiting saad pa ni Apollo na hindi ko naman itatanggi na totoo.

"Ewan ko sa 'yo!" inis kong tugon sa kanya at nirolyo ang mga mata. Tumawa lang ito. Naiiling akong tumingin sa orasang nakasabit sa pader. Nagulat ako sa oras na nakita roon. "Alas onse na pala!" sigaw ko dahilan para magtaka si Apollo.

"So what if it's already 11?" kinukusot niya ang mga mata niya. "Gusto ko pang matulog. Masakit pa ang ulo ko." Reklamo niya at humigang muli sa couch.

Bago pa niya ipikit muli ang mga mata niya, tumayo na ako mula sa sahig, at nilapitan siya. Hinila ko ang kamay nito. "Hoy, bumangon ka nga d'yan. Wala na tayong oras!" pagsaway ko sa kanya. Hindi ito nagpapadala sa bawat paghila ko. "Hindi mo ba naaalala? 'Yong plano natin kagabi? Pupunta tayo sa bukid ngayong araw para puntahan si Uncle Ferdie!" Matapos marinig 'yon, mukhang natauhan si Apollo.

Napabangon ito bigla. "Shit." Napamura pa ito. "I almost forgot about that." Saad niya bago tumingin sa akin. "We should be hurrying now."

Napailing ako sa kanya. "Mabuti naman at hindi mo pa nakakalimutan!" Tumingin akong muli sa orasan bago balingan ng tingin si Apollo. "Mahaba ang magiging biyahe natin papunta roon. Magmadali na tayo." Tinanguan lang ako nito.

Hindi na kami nagkaroon pa ng pagkakataong maligo o makapagkape man lang dahil agad rin kaming nagbihis at umalis ng apartment niya sakay ng isang taxi papunta sa pinakamalapit na terminal ng mga bus.

***

"Nako, sir. Nakaalis na po ang mga bus na papunta roon kaninang alas sais pa." Nadismaya ako nang marinig 'yon sa ahente ng ticket dito sa loob ng terminal ng bus kung nasaan kami ngayon ni Apollo. "Puno na rin 'yong pangmamayang alas kwatro. Kung gusto niyo, pwede naman kayong kumuha ng ticket para sa first trip kinabukasan." Itinuro niya ang malaking monitor sa itaas ko. Lalo akong nadismaya.

Tiningnan ko si Apollo na nasa tabi ko. Maging siya ay dismayado rin sa narinig. Humarap siya sa babaeng ahente. "Can't you really give us seats for later? We can double the payment for each ticket...or triple!" Nakangiting alok at pakiusap niya sa babae. "We just badly need to get there today."

Makikita sa mga mata ni Apollo ang kagustuhang maka-secure ng tickets para sa aming dalawa papunta sa Norterinos. Sa bukid kung saan kami pupunta. Patuloy siya sa pakikipagnegosasyon sa babae. Nakakaramdam tuloy ako sa kanya ng hiya. Handa talaga siyang gawin ang lahat para tulungan ako.

Sa huli, hindi rin pumayag ang babaeng ahente na kausap niya. "Pasensya na po. Hindi ko kayo mapagbibigyan." Saad nito dahilan para mapailing si Apollo sa pagkadismaya. "First come, first served po rito sa terminal. Unfair naman sa mga nauna sa inyo." Tama naman ang babae. Wala na kaming magagawa tungkol do'n.

"Salamat na lang po." Saad ni Apollo at humarap sa akin na dismayado ang itsura. "I'm sorry. I did everything I could but-"

"Ayos lang," pinutol ko ang pagsasalita niya at ngumiti. Hinawakan ko ang kamay nito. "Makakaisip pa tayo ng paraan para makapunta roon." Pilit na ngiti ang ibinigay sa akin ni Apollo pabalik.

Sa mahabang upuan sa loob ng terminal, iniwan ko muna si Apollo para kumuha ng libreng kape sa coffee machine. Napansin ko kasing kanina pa niya iniinda ang sakit ng ulo niya. Naalala kong may hangover nga pala siya dahil sa rami ng beer na nainom niya kagabi. Maging ako ay kumikirot rin ang ulo, hindi dahil sa hangover, kundi dahil sa stress na dulot ng abalang 'to sa amin.

Hindi ako palaging bumiyahe pero noong huling beses na magtungo ako rito sa terminal na 'to, maraming bus na may iba't ibang schedule ang bumibiyahe patungo sa Norterinos. Hindi 'yon nauubusan. Labinlimang taon na nga pala ang nakalipas bago ang taon na 'to, bakit pa ako magtataka sa pagbabago ng kalakaran nila? Isa pa, tuwing pupunta naman ako sa bukid, sa luma at kinakalawang na truck ni Uncle Ferdie ako madalas sumasakay. Siya kasi ang sumusundo sa akin sa bahay.

Dala ang dalawang maliit na papercup na puno ng mainit na kape, marahan akong naglakad pabalik kung saan ko iniwan si Apollo kanina. Nang malapit na ako roon, nakita ko siyang nakatayo habang nakatalikod. Tila may kausap siya mula sa cellphone niya.

Huminto ako nang makalapit sa kanya. Sakto namang ibinaba na niya ang cellphone at humarap. Nang makita ako, lumawak ang ngiti niya sa mukha. Napakunot ang noo ko dahil sa pagtataka.

"We're leaving right now."

***

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon