F2008: 06

1K 91 6
                                        

Chapter 6

Conrad

Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong pinagsukat at pinagpalit ng damit ni Apollo sa loob ng fitting room ng isang clothing store kung nasaan kami.

"Bagay sa 'yo," pag-apruba ni Apollo sa huling damit at pantalon na sinukat ko. Hindi ko na 'yon hinubad dahil ang sabi niya, suotin ko na raw agad. "You look like a legit teenager from 2023!" hirit niya dahilan para mapailing ako habang natatawa palabas ng fitting room.

Kinuha ko ang lahat ng mga sinukat ko kanina at tinupi kasama ng kaninang suot ko bago kami pumunta rito. "Ang dami nito. Sigurado ka bang may pambayad ka?" nahihiya kong tanong kay Apollo na tinawanan agad ako.

Iwinagayway niya sa harap ko ang isang card na galing sa wallet niya. Credit card ba 'yon? "Ako'ng bahala sa 'yo." Kinindatan ako nito. "That's on me." Ngumiti ako nang sabihin 'yon ni Apollo. Muntik ko nang makalimutan na anak-mayaman nga pala siya.

Matapos bayaran ang mga damit na pinamili namin, lumabas na kami mula sa store na 'yon. Nasa loob kami ng mall. Hindi ko namalayan ang oras at napansing madilim na sa labas. Mas dumami ang tao ngayon rito sa loob kumpara kanina noong pumasok kaming dalawa. Kahit papaano ay hindi na ako naiilang dahil makabago na ang suot kong damit ngayon. Pakiramdam ko ay taga-rito talaga ako sa taon na 'to.

"Salamat pala rito," sabi ko kay Apollo at itinaas ang dalawang paperbag na hawak ko habang patuloy kami sa paglalakad. "Hindi ko naman kailangan ng maraming damit pero binili mo pa rin." Nahihiya pa rin ako sa kanya.

Napangiti si Apollo sa sinabi ko. "I guess that's just enough. May limang araw ka pa rito sa taon na 'to kaya kakailanganin mo 'yan." Tumango-tango na lamang ako nang marinig 'yon sa kanya.

Limang araw na lang pala bago ang araw na sinabi ng matandang lalake sa akin. Ang araw na sasakay ang Conrad sa taon na 'to ng eroplano papuntang Hawaii. Ang araw kung kailan ako mamamatay. Hindi ko mapigilang mag-alala. Habang umaandar ang oras na hindi ko nakikita ang sarili ko rito sa hinaharap, papalapit rin nang papalapit ang araw na 'yon. Nauubusan na ako ng oras.

Kailangan ko na talagang mahanap ang sarili ko sa taon na 'to at makausap siya dahil alam kong hindi magiging gano'n kadali na ipaliwanag ang lahat ng 'to sa kanya.

"Don't worry too much. We will do everything to find him." Inilagay ni Apollo ang kamay niya sa balikat ko nang mapansin ang pag-aalala sa aking mukha. Ngumiti ito sa akin. "We will find him."

Ang ngiting 'yon ni Apollo ang nagbigay sa akin ng kasiguraduhan at pag-asa. Maswerte akong nariyan siya at handang tulungan ako kahit hindi naman talaga kami magkakilala. Hindi ko alam kung paano sisimulan ang paghahanap sa sarili ko sa taon na 'to kung wala siya.

Sa isang coffee shop sa loob pa rin ng mall, nagdesisyon si Apollo na doon muna kami manatili ng ilang minuto para magkape. Kumakalam na rin ang sikmura ko kaya hindi na ako umalma at minabuting sumunod na lang sa kanya. Nag-order siya ng dalawang iced coffee at patries. Nabigla ako sa mahal ng presyo ng mga 'yon. Hindi hamak na mas mahal sa taon na 'to ang mga bilibin kumpara noong 2008.

Maraming tao sa loob ng coffee shop. Hindi ako sanay sa ganitong lugar dahil hindi naman ako madalas nagagawi sa mga ganitong kamahal na kapehan sa syudad noon. Kung mag-aya man ang mga kaibigan ko, siguradong hindi sa mahal. Lalo pa't mga high school students pa lang kami.

Hindi naman ako hinayaan ni Apollo na mailang sa mga tao at sa paligid. Marami siyang ikinuwento sa akin. Mga pagbabago sa nakalipas na mga taon. Kagaya ng pagpapalit ng mga presidente ng bansa, curriculum ng edukasyon, mga artistang sumikat, at marami pang iba. Namangha ako sa dami kong nalaman.

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon