F2008: 22

720 75 3
                                    

Chapter 22

Conrad

Sakay ng taxi, nagtungo kami agad ni Apollo sa Triple Horizons. Wala pang alas otso ng umaga nang pumunta kami roon. Alam kong hindi kami basta-basta makakapasok sa loob kaya minabuti kong gamitin ang calling card na ibinigay sa akin ni Jean kagabi.

Ang sabi niya, kapag kailangan ko ng tulong, o backer ay tawagan ko lang raw siya. Kaya gamit ang cellphone ni Apollo, 'yon ang ginawa ko. Sa tulong niya, nakapasok kami sa loob. Tinulungan na naman niya kami sa pangalawang pagkakataon. Ni-hindi ito nagtanong kung anong pakay naming muli kay Rad o kung bakit gusto na naman namin siyang makausap. Bagkus ay dinala niya kaming muli sa opisina nito.

"Look, I don't know what this is all about, but I wish you good luck." Nakangiting sabi sa akin ni Jean nang sapitin namin ang opisina ni Rad. "You can wait for him inside. He'll be there in a minute." Hinaplos niya ang balikat ko.

"Salamat, Jean."

Matapos 'yon, umalis na siya. Ako naman, hinarap muna si Apollo bago tuluyang pumasok sa loob. Kinakabahan pa rin sa magiging kahihitnan ng pakikipag-usap ko kay Rad.

"You'll be fine." Pinisil niya ang pisngi ko bago ngumiti at tinapik ang balikat ko. "I'll be just right here in case you need a back up." Biro niya kaya't napailing ako habang natatawa.

"Wait for me here." Nakangiti kong sabi na tinanguan naman ni Apollo.

Binuksan ko na ang pinto ng opisina ni Rad at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa harap ng table niya. Naupo ako sa upuang nasa harap at doon naghintay habang iniikot ang mga mata sa loob ng opisina.

Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na after fifteen years, magkakaroon ako ng ganito kagandang workplace. Kahit na hindi pa ako nakakarating sa ganitong yugto ng buhay ko at si Rad naman talaga ang may dahilan para makuha ang lahat ng 'to, masaya pa rin ako. Masaya akong pagkatapos ng labinlimang taon, may narating ako sa buhay, katulad ng palagi kong hinihiling magmula noon.

Hindi ko alam kung pagkatapos ng lahat ng 'to, parehong buhay pa rin katulad ng kay Rad ang magkakaroon ako sa loob ng labinlimang taon. Napapaisip ako kung sa lahat ba ng mga nalaman at natuklasan ko sa aking pagkatao sa hinaharap, 'yon at 'yon pa rin ang mga desisyong susundan ko. Kung ang mga pinagdaanan ni Rad para mapunta sa ganitong sitwasyon sa buhay ang pagdadaanan ko rin. May magbabago ba ngayong nagkaroon na ako ng ideya sa kinabukasan ko? Pipiliin ko pa rin kaya ang buhay na mayroon si Rad?

Marahil ay hindi. Hindi sa parteng nagtiwala ako sa mga taong akala ko ay totoo sa akin. Sa mga taong akala ko ay totoo kong kaibigan. Nang dahil sa tiwalang ibinigay ko at nasira, ito ang naging resulta. Galit ako sa mundo. Siguro kapag bumalik ako sa kasalukuyan, kailangang pahalagahan ko na 'yong mga taong totoong nagpapahalaga sa akin at sa relasyon ko sa kanila. Mga bagay na tunay na importante sa akin. Sa mga kaibigang hindi ko tinuring na kaibigan. Sa mga taong nararapat na bigyan ng halaga. Nang sa gano'n, baka sakaling hindi ako maging katulad ni Rad. Baka sakaling mas maging mabuti akong tao sa hinaharap.

"Bakit nandito ka na naman?" napatingin ako sa pagbukas ng pinto ng opisina kung saan pumasok si Rad at marahang naglalakad papalapit sa akin. "Are you still going to convince me not to go to Hawaii?" tanong niya at ngumisi.

Ito ang unang pagkakataong hindi niya ako sinigawan. Naka-suit and tie pa rin ito at tila hindi pa nagpapalit ng damit mula kagabi. Halata kasi 'yon sa gusot niyang pang-ilalim na naka-unbotton ang ilang butones dahilan para sumilip ang kanyang dibdib. Mukhang kagigising lang nito. Napatingin ako sa hawak niyang scotch glass na kalahati ang laman. Halata sa itsura niyang kanina pa niya 'yon iniinom.

"Itutuloy mo pa rin ba ang pagsakay ng eroplano bukas?" diretsahang tanong ko sa kanya habang tinitingnan itong uminom. Inilapag nito ang scotch glass sa lamesa bago umupo sa upuang kaharap ko at seryosong tumingin sa akin. "Kasi kung oo, nandito ako para pigilan ka."

Ngumisi ito at umiling. "I already told you. You cannot stop me from going to Hawaii and it's final." Sambit niya at kinuha ang bote ng whiskey na nakapatong sa lamesa. Sinalinan niya ang baso at pinadulas papunta sa akin. "Why don't you just drink with your future self, instead? Tutal, aalis ka na rin naman at babalik ka na sa 2008." Tiningnan ko lang ang basong nasa gilid ko bago siya seryosong tinitigan. Halatang lasing na siya. "Let's call this our last bonding together."

Habang tinitingnan ko siya, naalala ko ang lahat ng sinabi sa akin ni Jean. Kahit naiinis ako at gusto kong magalit sa kanya, sa pinaggagagawa niya, hindi ko magawa ngayon. Pakiramdam ko, bukod sa kailangan kong kumbinsihin siyang huwag tumuloy sa Hawaii bukas, isa rin sa mga kailangan kong gawin ay ang humingi ng pasensya sa kanya. Sa sarili ko, sa mga posible kong nagawa sa nakalipas na labinlimang taon, dahil ang Rad na ito ang naging resulta no'n.

"You don't want it? Fine by me." Kinuha niyang muli ang baso at nilagok ang laman no'n.

"Nalaman ko 'yong tungkol sa ginawa nila sa 'yo, ng mga taong tinuring mong totoong kaibigan." Hindi ako nito pinansin at patuloy lang sa pag-inom. "Pati 'yong sa inyo ni Hans..." natigilan siya at napatingin sa akin. "Sinabi sa akin ni Jean 'yong mga pinagdaanan mo, kung bakit ka naging ganito. Kaya naiintindihan kita. Naiintindihan na kita ngayon."

"You don't have any idea what I've been through for you to say that you understand me." Inis nitong sambit. "I lived those fifteen years. You weren't there yet, clearly. Kaya huwag na huwag mong sasabihin na naiintindihan mo ako at kung bakit ako nagkaganito ngayon, because you don't understand. You will never understand until you become me." Mariin nitong dagdag.

Tumango-tango ako kay Rad. "Tama ka naman." Ngumiti ako. "Hindi ko alam kung gaano kahirap para sa 'yo ang mga pinagdaanan mo sa loob ng fifteen years. Wala pa ako roon." Pagsasabi ko ng totoo. Nakatitig lang ito sa akin. "Pero ako pa rin ikaw at konektado tayong dalawa. Kung gaano kasakit 'yan sa 'yo, gano'n rin 'yon sa akin. At pasensya ka na kung kinailangan mong pagdaanan lahat 'yon."

Umiling si Rad bago uminom. "Nangyari na. Tapos na. Wala ka nang magagawa pa." Sambit niya sa akin nang ibaba ang scotch glass sa lamesa. "Hindi ko kailangan ng paumanhin o pakikisimpatiya mula sa 16-year-old na Conrad. I'm 31 and I can do anything with my life. Why don't you just be happy? Na after fifteen years, you'll be able to have this life, to experience this. This is what you want. I wanted this. You wanted this." Seryoso ko lang siyang tinitigan matapos niyang sabihin 'yon. "Bakit kailangan mo pang pumunta rito sa hinaharap at hanapin ako? Kung mamamatay ako sa edad na 31, edi mamatay. Wala na tayong magagawa roon." Uminom siyang muli. Napanganga na lang ako sa sinabi niya.

Hindi ko alam na maririnig ko 'yon mula sa sarili ko. Ibang-iba na ba talaga ang pananaw ko pagdating sa kamatayan sa ganitong edad? Kung gaano ako katakot mamamatay sa edad na 16, gano'n naman kadali sa kanya na sabihin 'yon na parang wala lang. Ganito ba ang epekto ng labinlimang taon na 'yon sa akin? Na gugustuhin ko na lang mamatay? Nang gano'n-gano'n na lang?

Napailing ako habang nakaawang ang bibig. "Alam mo ba ang totoong dahilan kung bakit pumunta ako rito sa hinaharap? Siyempre, hindi. Ang alam mo lang kasi, ayokong mamatay sa ganyang edad, 'di ba?" Ngumisi ako sa kanya. Hindi ako nito tinitingnan habang patuloy siya sa pag-inom ng alak. "Ito ang gusto kong malaman mo." Huminga ako nang malalim bago magpatuloy. Pinipigilan ang sarili na maging emosyunal. "Ayokong matapos ang buhay ko nang gan'yan. Nang gan'yan ka-miserable. Marami pa akong plano sa buhay ko na higit pa sa mga nagawa at naabot mo. Gusto ko pang maranasan 'yong mga bagay na higit pa sa mga bagay na ginagawa mo rito sa hinaharap. Mga bagay na malayong-malayo sa mga pinaggagagawa mo sa buhay mo. Gusto kong tumanda na masaya, nang naitama lahat ng pagkakamali, at nang walang pinagsisisihan. 'Yon ang gusto ko, Conrad." Napailing akong muli habang tinitingnan siya. Wala pa rin itong kibo. "Pero mukhang lahat 'yon, hindi ko na magagawa."

Hindi siya nakapagsalita. Saglit na katahimikan ang namamayani sa pagitan naming dalawa matapos akong huminto. Napalunok ako habang pinipigilan ang pagtulo ng mga namuong luha sa aking mata. Hindi niya pa rin ako magawang tingnan.

"Gusto mo nang mamatay, 'di ba? Okay na sa 'yo ang tatlumpu't isang taon ng buhay mo? Kontento ka na roon." Ngumisi ako kasabay ng pagpatak ng luhang kanina ko pang pinipigilan. "Salamat, ha. Salamat sa pagbibigay ng ideya kung anong klaseng tao ako sa hinaharap." Kinuha ko ang scotch glass at pinuno 'yon ng whiskey. Diretsahan ko 'yong ininom, pagkatapos ay inilapag ang baso sa lamesa bago tuluyang tumayo. "Congrats, mamamatay ka na bukas!"

***

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon