F2008: 14

735 74 12
                                    

Chapter 14

Conrad

June 5, 2023

Ginising ako ng isang masamang panaginip. Ang panaginip kung saan nakasakay ako ng eroplano at kung kailan nangyari ang aksidente sa himpapawid na naging sanhi ng pagkamatay ko sa taon na 'to. Sinapo ko ang nagpapawis kong noo at napahilamos sa aking mukha. Hindi ko alam kung makakabalik pa ako sa pagtulog matapos ang panaginip na 'yon.

Nang tingnan ko ang orasan sa kwarto kung nasaan ako, alas tres pa lang ng madaling araw. Bumangon ako't binalingan ng tingin ang katabi kong si Apollo sa kama. Natutulog pa rin siya nang mahimbing. Iningatan kong hindi makagawa ng malalaking galaw upang hindi siya magising. Marahan kong ibinaba ang mga paa ko sa sahig. Lumabas ako mula sa kwartong 'yon at naglakad patungo sa labas ng bahay ni Jonathan.

Maliwanag ang bilog na buwan sa labas. Nadama ko agad ang lamig mula sa suot kong t-shirt nang magsimula akong maglakad papalayo sa bahay. Nakashorts lang ako kaya kumakapit rin sa mga binti ko ang malamig na temperatura rito sa labas. Niyakap ko ang sarili habang patuloy sa paglalakad.

Nang masipat ang isang wooden bench sa 'di kalayuan, agad akong naglakad papalapit roon at naupo. Sa harap nito ay makikita ang view ng malawak na kapatagan. Sa paligid naman, makikita ang iilang saradong mga bahay at mga kubo. Tama nga si Jonathan, kumpara noon, 'di hamak na mas kaunti na ang mga naninirahan rito sa Norterinos ngayon. Ibang-iba sa syudad. Tahimik at wala kang maririnig na mga sasakyan nang ganitong oras kundi ang mga huni ng mga kuliglig. Ngayon ko lang napansin kung gaano kaganda ang lugar na 'to, sa ganitong oras, at sa ganitong taon. Bakit hindi ko 'to na-appreciate noon?

Habang nakahalukipkip at hinahaplos ang mga nilalamig kong braso, hindi ko mapigilang mag-isip kung anong mangyayari kapag nagkita na kami ng Conrad sa taon na 'to. Ngayong may ideya na kami kung saan siya posibleng naroroon, hindi ko pa rin mapigilang mag-alala. Paano kung mahanap at makita nga namin siya pero hindi ko siya makumbinsing huwag sumakay ng eroplano at pumunta ng Hawaii sa nakatakdang araw na 'yon? Paano kung hindi siya maniwala sa akin?

Sa totoo lang, bago ang mga 'yon, ang una kong iniisip ay kung paano ipapaliwanag sa kanya ang lahat ng 'to. Sa paraang maiintindihan at paniniwalaan niya.

"You're up way too early..."

Nagulat na lang ako nang maramdaman ang paglapat ng telang yumakap mula sa likuran ko. Nang lingunin ko ang nagsalita at naglagay no'n, nakita ko si Apollo. Inayos niya ang pagkakalagay ng jacket sa akin. Nakaramdam ako ng kumportableng init at nawala ang lamig na nagpapanginig sa buong sistema ko kanina. Malamlam ang mga mata kong tiningnan siya at nginitian. Ngumiti ito sa akin pabalik. Presko ang kanyang mukha kahit kagigising lang. Nakasuot siya ng long-sleeve shirt.

"Mind if I sit with you?" paghingi niya ng permiso na agad ko namang inilingan nang nakangiti. Umupo siya sa tabi ko.

"Iningatan ko na ngang huwag gumawa ng ingay kanina, nagising ka pa rin." Sambit ko sabay iling kay Apollo. "Pasensya na kung nagising kita."

Umiling naman ito. "Okay lang." Nakangiti niyang sambit habang nakatingin sa akin. "Hindi rin naman ako makakatulog nang wala ka sa tabi ko." Saad niya at agad na kumunot ang noo ko.

"Dumali ka na naman sa mga kalokohan mo." Natatawa naman si Apollo. "Sinundan mo lang ata ako rito para asarin, e." Naiiling kong sabi. "Bumalik ka na nga roon," biro ko sa kanya.

"Sus! Kung 'di kita sinundan rito, baka nanginginig ka pa rin sa lamig hanggang ngayon." Pagyayabang niya sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay. "T'saka, hahayaan ba naman kitang lumabas ng ganitong oras? Baka mamaya, kung ano pang mangyari sa 'yo habang wala ako." Nakangusong saad pa nito.

Natawa ako habang nakatingin kay Apollo. "Ang overacting, ah. Ano namang mangyayari sa akin dito sa labas? Kakainin ng mga kuliglig?" pagbibiro ko sa kanya. Natawa ito sa narinig. "Para naman akong bata n'yan." Saad ko pa habang natatawa. "E, mas matanda pa nga ako sa 'yo ng 14 years. Ako dapat ang nagbabantay sa 'yo."

Halatang nainis ang nakangusong si Apollo. "I'm a year older than you, in case you forgot." Sambit niya at ngumisi.

"Sa taon na 'to, oo." Nang-aasar kong sagot sa kanya. "Pero noong 2008, dalawang taong gulang ka lang."

Sinamaan niya ako ng tingin. "It's already 2023, not 2008." Inilapit niya ang mukha sa akin nang bahagya. "And you're with a 17-year-old guy right now who can kiss you." Napalunok at napaatras ako dahil sa sinabi at ginawa niya. "No 2-year-old can do that." Ngumisi siya at natawa nang mapansin na naiilang ako.

"Parang kang ewan!"

Naramdaman kong nag-init ang magkabila kong pisngi dahil sa ginawa ni Apollo. Ngayon ay hindi ako makatingin sa kanya. Naiilang ako, bakit ba siya ganito? Palagi siyang ganito. Nakakainis. Nilalandi niya ba ako?

"I'm messing with you, okay?" nakangiting sambit niya matapos tumawa. Nang bumaling ako sa kanya, tiningnan niya ako nang seryoso. "So, the 'finding adult Conrad and saving him' plan continues, I guess?"

Marahan akong tumango sa kanya bago inilipat ang mga mata sa view ng kapatagan. "Kailangan na natin siyang makita at makausap. Dalawang araw na lang bago ang nakatakdang araw kung kailan siya sasakay ng eroplano papuntang Hawaii. Nauubusan na ako ng oras." Nag-aalala kong sabi. "Sana lang talaga at totoo na 'to."

Ang sabi sa amin ni Jonathan kahapon, posible namin siyang makita sa Triple Horizons, ang pangalan ng marketing company na pinagtatrabahuhan niya noon. 'Yon daw ang huling impormasyong nakuha niya mula nang mag-usap sila ng adult Conrad, limang taon na ang nakakaraan.

"When the sun comes up, 'yon ang una nating gagawin. Ang puntahan siya sa address na binigay sa atin ni chief." Binigyan ako ng isang tapik sa balikat ni Apollo at ngumiti. "I'm sure we'll find him there and we'll save him right on time." Napangiti nalang ako nang marinig 'yon sa kanya.

Sa loob ng isang oras, nanatili lang kaming dalawa ni Apollo sa labas habang nakaupo at nag-uusap sa wooden bench kaharap ang view ng kapatagan. Kahit puro siya biro at pang-aasar, nababawasan niya ang mga pag-aalalang nararamdaman ko. Kahit papano, nakakalimutan ko ang hirap ng misyon ko rito sa hinaharap.

Ilang araw pa lang kaming magkasama ni Apollo pero napalapit na kami sa isa't isa. Napalapit na ako sa kanya nang sobra. Masaya ako tuwing kasama ko siya at kapag nakikita ko siyang nakangiti at tumatawa. Malaki rin ang utang na loob ko sa kanya. Hindi ko alam kung magagawa ko ang lahat ng 'to kung wala ang tulong niya.

Alam kong mali at alam kong 'di dapat ako ma-attach nang sobra kay Apollo dahil una sa lahat, hindi ako nagmula sa taon na 'to. Ang 31-year-old Conrad, oo. Ngunit ako, nasa 2008 ang buhay ko. Hindi ko lang mapigilang isipin, paano kapag natapos na ang misyon ko rito? Paano na ako? Paano si Apollo?

***

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon