F2008: 19

972 82 4
                                        

Chapter 19

Conrad

Posible bang mahulog ka sa isang taong ilang araw mo lang nakasama? Posible kayang may nararamdaman na ako para kay Apollo? Kung 'hindi' ang sagot sa mga tanong na 'yon, bakit ganito ang nararamdaman ko ngayong gabi? Bakit ako nagmadaling umalis ng bar at lumayo, pagkatapos kong makitang may kahalikan siyang babae?

Paulit-ulit ko lang tinatanong 'yon sa sarili ko habang patuloy sa paglalakad patungo sa hindi ko alam kung saan. Nakalayo na ako roon sa bar. Ngayon naman ay hindi ko alam kung saan ako pupunta. Basta malayo roon, at malayo kay Apollo, kahit pansamantala. Hindi ko lang kayang harapin siya pagkatapos ng nakita ko kanina. Idagdag pa ang bigat ng pag-uusap namin ni Rad na hindi naging maayos ang pagtatapos. Parang sasabog ang ulo ko dahil pareho ko 'yong iniinda. Pareho 'yong nagbibigay ng bigat sa loob ko ngayon.

"Psst!"

Natigilan ako sa paglalakad sa may kadilimang parte ng tabing-kalsada nang marinig ang sitsit na 'yon. Nang lumingon ako, nakita ko ang isang sasakyang marahang umaandar sa gilid, palapit sa akin. Nakabukas ang bintana no'n at doo'y nakadungaw ang isang matandang lalake. Sa tant'ya ko ay nasa mga edad 40s na ito. Nakangiti sa akin habang nakasandal ang braso sa bintana. Kunot-noo akong nagpatuloy sa paglalakad at hindi pinansin ang matanda.

"Psst! Bingi ka ba?" rinig kong sambit nito at napansin kong tumapat na ang sasakyan sa akin ngayon. Patuloy pa rin ako sa paglalakad habang marahang umaandar ang kotse at sinusundan ako. Hindi ko ito pinapansin. "Napansin ko, kanina ka pang lakad nang lakad. Baka gusto mong sumabay sa 'kin? Ihahatid na kita sa pupuntahan mo." Alok niya at nang tingnan ko, nakangisi na 'to nang nakakaloko.

Huminto ako para harapin siya. "Hindi na ho. Salamat na lang." Pilit kong tugon at nagpatuloy sa paglalakad. Sa itsura pa lang nito ay alam kong hindi na ako makakarating sa pupuntahan ko kapag sumakay ako sa kotse niya. Hindi naman sa pagiging judgemental, nagsasabi lang ako ng totoo.

"Suplado mo naman," rinig kong sabi niya nang simulang paandarin ulit ang sasakyan para habulin ako. "Ikaw na nga 'tong pinapasabay, e. Ikaw pa 'tong maarte. Magkano ka ba?" natigilan ako at napakunot ng noo nang marinig ang huling mga salitang binitawan niya.

"Magkano? Manong, nagkakamali ho ata kayo. Hindi ho ako katulad ng iniisip niyo." Pilit kong kinalma ang sarili at huwag siyang sigawan. Wala pa man ding gaanong tao rito sa parteng 'to ng lugar at medyo madilim dahil karamihan sa mga poste ng ilaw ay hindi gumagana. "Kaya pwede ho, iba na lang?" inis ko pang dagdag bago nagmadaling umalis.

Sinadya kong bilisan ang paglalakad ko pero nararamdaman ko pa rin siya sa aking likuran. Sinusundan pa rin ako ng kotse na 'yon. Nakaramdam na ako ng kaba dahil kahit anong bilis ng lakad ko, naaabutan pa rin niya ako.

"Sige na, boy. Alam kong gusto mo rin." Hindi pa rin siya tumigil habang ako, patuloy pa rin sa paglalakakad nang mabilis. "10k? Isang gabi lang. Ano?"

Napuno na ko't hinarap siya. Nakita kong nakangisi ang mukha niya kaya lalo akong nainis. "Manong, kahit itaas mo pa 'yan sa 100k, hindi ako sasama sa 'yo!" inis kong sabi sa kanya. Nagulat ito at napawi ang mayabang na ngisi sa kanyang mukha. "Kapag hindi pa kayo tumigil, sisigaw ako nang malakas para malaman ng lahat ng tao na hinaharass niyo ako sa pampublikong lugar." Banta ko sa kanya.

Nagulat ako nang bigla itong lumabas mula sa sasakyan niya. "Ikaw naman, masyado ka namang highblood d'yan." Bumalik ang pagngisi sa kanyang mukha. Napaatras ako dahil sa paglapit niya sa akin. "Hindi naman ako masamang tao kaya huwag kang matakot." Kunot-noo ko siyang tinitingnan hahang patuloy sa pag-atras. "Halika na, sumama ka na sa akin. Magkakapera ka pa. Alam kong kailangan mo 'yon sa school." Sinubukan niyang hawakan ang kamay ko pero pumalag ako.

From 2008 [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon