"TOL, may problema ba tayo?" tanong ni Zindel kay James Zhuo ng mapansin niyang malalim ang iniisip ng kaibigan.
Tanging ngiti lamang ang itinugon nito sa kanya. Naupo ito sa kanyang tabi. Kanina pa niya ito hinahanap upang ipaalam rito ang pagkatuklas nina Ma'am Ana na aalis na sila sa unibersidad. Sa room 48 lamang pala niya ito makikita. Hinanap siya si Tyronne kung nasaan ito ang sagot nito ay bumalik na ito sa ibang kasama nila.
"Sa tingin mo, anong buhay kaya ang naghihintay sa atin sa labas?"
"Hindi ko alam," tugon niya. "Ngunit kung hindi na maganda ang sitwasyon kinakailangan nating lumaban sa kanila. Iyon ang tanging magagawa natin upang manatili tayong buhay."
"Paano kong..."
"Walang masamang mangyayari sa atin, okay." Putol niya sa gustong sabihin nito.
"Natatakot lang ako na baka isa man sa mga mahal ko sa buhay ang mawala. Hindi ko siguro kakayanin."
"Wag ka ngang mag-isip ng ganyan James Zhuo. Walang masamang mangyayari kina Tito at Tita pati na sa mga kapatid mo."
"Ngunit iba ang sinasabi ng nararamdaman ko..."
"Hayan ka na naman kasi. Maging positibo lang tayo kahit nasa gitna tayo ng kalbaryong ito."
"Hindi ko maiwasan ang mag-isip ng masama lalo na ngayong wala ng mapupuntahang ligtas ang mga tao dahil lahat ay dahan-dahan nilang pinapatay. At iyon din ang kahahantungan natin."
"Hindi lahat. Narinig ko si Ma'am Ana habang kausap niya sa telepono ang kanyang kapatid na may listahang inilabas ang gobyerno kung sino lamang ang ititira nilang buhay sa bansa natin. Hindi ko lamang matiyak kung ilang bilang. Ngunit narinig ko sa kanila na pinapabantayan ka ni Kimuri kay Ma'am Ana. Hindi ko lamang alam kung ano ang dahilan. Possible kayang isa ang pangalan mo sa nakatala roon?"
"Hindi ko alam," sagot niya. "Kung sakaling naroon man nga ang pangalan ko hindi ako papayag sa gusto nilang mangyari. Kung kinakailangan kong pumatay gagawin ko kaysa ang hindi ko kayo makasama. Matutulungan mo ba ako?"
"Para saan?" takang tanong nito.
Dapat ba niyang sabihin rito kung bakit hindi siya nalagyan ng bakuna? Kung bakit hindi siya nakita ng mga sundalo? Na tinulungan siya ng isa sa mga ito upang hindi makita ng mga kasamahan?
Lahat ay sinabi niya kay Zindel ang mga nangyari habang sapilitang tinuturukan ng bakuna ang mga tao. Hindi ito makapaniwala sa mga narinig. Ngunit ang huli niyang sinabi ang nagpalapad ng mga ngiti nito sa halip na magalit ito. Sino ba naman kasi ang papayag na maikasal sa kapwa niya kasarian? Liban na lang kung nagkakagustuhan nga ang dalawa.
"Mabuti nga iyon para masaya," natatawang wika nito.
Sinamaan niya ito ng tingin. "Kung ikaw na lang kaya!" Naiinis niyang sabi rito.
"Heto naman hindi na mabiro," sabay ngisi nito. "So, makikipagkita ka sa kanya?"
"Oo. At ito ang dahilan kung bakit niyaya ko kayong umalis na rito. Pinag-isipan ko ito ng ilang ulit. Kung hindi tayo kikilos habang tumatagal lala pa ang sitwasyon. Hindi ako natatakot para sa sarili ko, natatakot ako para sa inyo."
"Hindi kami mamatay, okay. Sinong tanga ang basta na lamang na isusuko ang buhay para sa kanila? Nabubuhay ang karamihan sa atin sa takot kaya mas ginusto nilang sumunod sa nakakataas sa atin. Hindi tayo mga laruang puppet na minamaniobra nila. Kung ano man ang plano n'yo ni Klinx tutulungan ko kayo."
"Paano kung maga..."
"Kaibigan siya ng kuya ko, okay," putol nito sa nais niyang sabihin. "Siya rin ang dahilan kung bakit hindi kami nalagyan ng bakuna. Nakausap ko siya sa tawag ng hindi pa pinuputol ang signal. Sinabi ko sa kanya kung nasaan kami nagtatago kaya hindi kami nakita. Hindi ito alam nila Ma'am Ana, kami lang nina Zen at Tyronne ang nakakaalam. Mabuti na nga lang at nahila ni Zen si Mayani, kung hindi baka naturukan na rin siya."
"Bakit mo ngayon lang sinabi? Di sana kanina pa tayo nakaalis."
"Di ka naman nagtanong, eh," sabay ngisi nito. "Pero tol, gusto kita para kay Klinx."
"Sira ulo!"
Napabungingis si Zindel. Gustong-gusto talaga niya ang inaasar lagi ang kaibigan.
"Tama na nga ng pang-aasar puntahan na natin sina Tyronne. Gusto ko ng matapos ang lahat ng ito."
Agad na nilang pinuntahan sina Tyronne ngunit pagdating nila roon wala sina Mayani at Zen. Hinanap pa nila ito. Natagpuan nila ito sa loob ng ICT Lab. Kapuwa nagulat pa ang dalawa sa bigla nilang pagpasok.
"Kanina pa namin kayo hinahanap dito lang pala kayo pumunta," sabi ni Tyronne.
"Anong tinitingnan n'yo riyan sa computer?" usisa naman ni Zindel.
Hindi na sila naghintay pa na sumagot ang dalawa lumapit na sila sa harap ng computer. Dito ay kapuwa sila natigilan sa mga nakita sa screen. Ito ang ginawang listahan ng gobyerno na ititira lamang sa bansa. Hindi ito aabot sa isang milyon. Ibig lamang nitong sabihin na mahigit sa isandaang milyon ang kailangan nilang patayin.
"Wala na ba silang puso? Pagkakaitan nilang mabuhay ang mga tao! Hindi naman sila Diyos para kumuha ng buhay," nanggigigil sa galit na sabi ni James Zhuo ng makitang wala roon isa man sa pangalan ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Tanging siya at si Klinx lamang ang nakita nila roon.
"Tingnan n'yo rin ito," turo ni Zen sa isang article sa ibaba ng mga talaan ng pangalan. Binasa ito ng kanilang mga mata. Mas lalong uminit ang kanilang ulo ng mapag-alaman nilang nasa mahigit isang milyon ng tao ang napupuksa nila.
"Kailangan na talaga nating gumawa ng hakbang upang mapigilan sila!" Mariin niyang ikinuyom ang mga kamao.
Napatingin sina Mayani, Tyronne at Zen sa kanya.
"Wala tayong magagawa para pigilan sila. Marami na ang nalagyan nila ng bakuna na siyang dahilan kung bakit sa loob lamang ng isang araw isang milyon kaagad ang mga namatay," pahayag ni Zen.
"May magagawa tayo para mapigilan sila. Hindi pa tayo nahuhuli. May oras pa tayo," wika niya.
"Anong laban natin sa kanila? Isang ordinaryong tao lang tayo," pangamba ni Mayani.
"Trust him," sabi ni Zindel. "Kailangan nating tulungan silang dalawa ni Klinx. Sila lang ang maaaring makapasok sa loob."
Nagugulahan ang tatlo sa mga sinasabi nila. At nagtatanong rin ang isipan kung sino si Klinx.
"Saka na namin ipapaliwanag. Ang kailangan nating unahin ngayon ay ang makaalis na tayo rito. Nasaan nga pala si Aling Azunta?" baling ni Zindel kay Zen.
Napatingin sila sa bukas na bintana ng makita nila si Aling Azunta na patungo ng gate. Palinga-linga ito na tila ba may hinahanap kaya agad na nila itong pinuntahan. Maingat silang lumabas ng silid. Sinisigurado na walang nakamasid sa kanila.
"Sinong nag-locked?" Nakakunot-noong tanong ni Mayani habang nakahawak sa grills ng gate. Sinusubukan rin nitong buksan ito.
"Walang magagawa ang pagpupumilit n'yong buksan iyan," wika ni Aling Azunta na ikinalingon nila rito. May kinukuha ito sa bulsa ng suot nitong maong na asul na pantalon. "Ito 'yong susi," sabay hagis nito ng susi kay Tyronne na maagap naman nitong sinalo.
At ng makalabas na sila marahan na silang tumakbo palayo sa unibersidad upang hindi sila makita nina Ma'am Ana na lumabas.
Agad din silang napahinto ng makita sa kalsada ang napakaraming mga nakahundasay na mga tao. Wala ng buhay ang mga ito. Ang iba ay may tama ng punglo ang katawan. Ang iba ay nasagasaan ng sasakyan kaya makikita ang maraming mga sasakyan na naka-stock sa gitna ng kalsada. May mga tao rin silang nakita na nakabitin sa mga sanga ng kahoy. Napakatahimik na ng dating maingay na kalye. Nakakabingi ang katahimikan nito.
"Huli na tayo," hindi mapigilan ni James Zhuo ang maiyak dahil sa awang nararamdaman para sa mga taong pinagkaitan na mabuhay.
Mabilis naman siyang hinila ni Zindel mula sa pagkakatulala ng makita ang mga sasakyan ng sundalo na paparating. Nagkubli sila sa malawak na halamanan.
Kung kailan nasa tapat na nila ang mga ito saka naman nabahin ng malakas si Tyronne na ikinatigil ng sasakyan ng mga sundalo.
"Takbo!" sigaw ni Zindel sa kanila.
BINABASA MO ANG
Killing Us Softly
Science FictionIsang sekretong samahan na ang kanilang layunin ay bawasan ang populasyon ng mundo. Isang sakit na pinakalat sa buong mundo upang maisakatuparan nila ang hangaring sapilitang pagbabakuna sa mga tao. Isang pagsiklab ng kaguluhan na ang kahahantungan...