ITINUTOK ni James Zhuo ang hawak na baril sa Kapitan. Matalim ang titig niya rito. Sobrang galit ang kanyang nararamdaman dahil sa sinapit ni Mayani.
"Bakit n'yo ba ito ginagawa? Inaalisan n'yo ng karapatang mabuhay ang mga inosenteng tao! Kung gusto n'yo pumatay, bakit di na lang sarili n'yo ang patayin n'yo!" punong-puno ng pait na sigaw niya sa mga ito.
"Sumusunod lang kami sa inaatas sa amin. Kung hindi namin iyon gagawin, pamilya namin ang malalagay sa alangin," sagot ng Kapitan.
Napatawa siya sa mga sinabi nito. "Kalokohan! Sa tingin n'yo ba hindi sila matutulad sa mga pinatay n'yong mga pamilya? At iyon din ang mangyayari sa inyo!" muli niyang sigaw sa mga ito.
Ang hindi niya alam paraan lamang iyon ng Kapitan upang hindi niya makita ang dalawang sundalong inutusan nito upang patulugin siya. Sa totoo lang walang pakialam ang mga sundalong ito kung patayin man ang kanilang mga pamilya. Ginawang manhid sila ng humahawak sa kanila upang hindi makaramdam ng emosyon. Hindi sila makakaramdam ng kalungkutan, pangungulila o pagkaawa man lang. Ngunit, kasiyahan makakaramdam sila lalo na kung makapatay sila ng tao. Kaya upang ang kasiyahang iyon ay matamasa pa nila lalo patuloy silang kikitil hanggang sa ang lahat ay mawala na. Hindi sa kanila pinapagalaw ang mga taong ang pangalan ay nakatala sa kanilang talaan na iyon lamang ang ititirang populasyon sa mundo. Sila iyong mga taong ipinagbuntis sa pamamagitan ng isang teknolohiya na hindi ipinaalam sa publiko. At ng ganap ng maging sanggol dinala nila ang mga ito sa pamilyang may maliit lamang na miyembro upang maalagaan at mapalaki ng maayos. Ang mga sanggol na ito ay bukod tangi sa lahat dahil napakatalino ng mga ito. Ngunit hindi lahat ay katulad ng kanilang iniisip na magiging agressibo ang mga ito pagsapit ng araw kung kailan isasagawa ang pagbabawas ng populasyon ng mundo.
Nahihirapan ang gobyerno na ipunin sila dahil ang ilan sa kanila ay lumalaban sa kanila. Katulad nga ng nangyayari ngayon kay James Zhuo.
Unti-unting kinalabit ng isang sundalo ang baril na may bala ng pampatulog ng senyasan ito ng Kapitan na pakawalan na. Ngunit bago pa man ito tumama kay James Zhuo may bumaril sa balang pampatulog. Nagulat pa ang lahat sa pangyayaring iyon.
Isang sundalong nakasakay sa motorsiklo ang siyang bumaril rito. Habang papalapit ito sa kanilang kinaroroonan walang tigil ito sa pag-asinta sa mga sundalo. Hindi naman handa sa mga magaganap ang mga sundalo kaya ang ilan sa kanila ay agad na nasawi. Ang iba naman ay nakipagpalitan ng putok. Naiilagan naman ng sundalong nakasakay sa motorsiklo ang bawat balang pinapakawalan nila.
Napakubli naman si James Zhuo sa likuran ng isang sasakyan na nasa tabi niya. Tinulungan niya ang sundalo sa pagpapatumba ng kapwa nito sundalo. Hindi pa niya alam kung sino ito. Hindi niya ito makilala dahil sa suot nitong helmet. Ngunit malakas ang kanyang loob na tiyak niyang kilala nila ang isa't isa.
Ganap na nilang napatumba ang mga sundalo. Ang Kapitan na lamang ang natitira na nakakubli sa likuran ng isang inabandonang kotseng kulay asul. Wala itong hawak na sandata dahil nabitawan nito sa katarantahan ng magkabarilan na. Naghahanap ito ng maaaring maging sandata ngunit malayo mula sa kinaroroonan niya ang nakita niyang baril.
Akmang aabutin niya ito mabilis na pinaputukan siya ni James Zhuo dahilan upang mapatago siyang muli.
"Lumabas ka na riyan Captain Morgan," wika ng sundalo sa nang-iinis na boses. "Para kang isang asong nabahag ang buntot ng sakmalin ka ng mas matapang sa iyo."
Agad na nakilala naman ni James Zhuo kung sino ang sundalong tumulong sa kanya.
Sumenyas ito na lapitan ang Kapitan at tapusin na ang buhay nito. Ngunit ayaw niya. Hindi niya kayang gawin ang bagay na ito. Wala itong laban sa kanila.
"Bakit hindi mo kayang gawin James Zhuo? Alalahanin mong siya ang nakabaril sa iyong ina habang tinatawid nila ang checkpoint na siya mismo ang nakatalaga roon na magbantay."
Bigla ay natigilan siya ng marinig ang mga sinabi nito. Puno ng pagkalito ang kanyang isipan. Anong ibig sabihin nito? Wala na ang kanyang ina?
Bigla ay ang paglabas ng Kapitan mula sa pinagkukublian nito. Nakataas ang dalawang kamay nito tanda ng pagsuko nito sa kanila. Nawawala na ang epekto ng bakunang itinurok rito kaya nakaramdam na ito ng pagsisi.
"Patawarin ny-" Hindi pa man natatapos nito ang gustong sabihin na bigla na lamang itong matumba.
Nakatutok pa rin ang shotgun na hawak ni James Zhuo sa Kapitan habang nangingisay ito. Hindi niya alam kung ano ang nangyayari rito. Tumitirik ang mga mata nito kasabay ang paglabas ng pulang likido sa bibig, tainga, ilong at maging sa mga mata nito.
"Ganyan ang nagaganap sa mga sundalong hindi agad nakapagpaturok muli ng pampamanhid sa kanilang nararamdaman," wika ng sundalo sabay kalabit ng baril upang tapusin na ang mga paghihirap na nararanasan ng Kapitan.
Maraming katanungan ang gumugulo sa isipan ni James Zhuo. Una, kung totoo nga ba talagang wala na ang kanyang ina. Pangalawa, ang kakaibang nangyari sa Kapitan. At ang panghuli, bakit siya kailangang hulihin ng mga sundalo?
"Bakit ikaw lang? Nasaan na iyong ibang mga nakapagtago sa lumang silid?"
Hindi niya nasagot ang tanong nito ng lapitan sila ni Zindel na paika-ika kung maglakad. Malalim ang naging sugat nito sa binti.
Labis ang gulat at pagtataka nito ng mapatingin sa kanyang balikat ng hindi na nito makita ang kanyang sugat. Maging man sa kanyang hita.
"Bakit nawala na ang sugat mo?" Hindi pa rin maalis ang pagtataka nito.
Doon niya lamang rin napansin na kusang naghilom ang kanyang mga sugat. Maging siya man ay labis na nagtaka. Kaya pala hindi na niya maramdaman ang pagkirot at paghapdi ng mga sugat.
"Isa iyan sa dahilan kung bakit kailangan ka nilang makuha. Ikaw lang ang nag-iisang may kakayahan na pahilumin ang mga sugat. Ikaw ang nag-iisang pinakaperpekto nilang ginawa," saad ni Klinx.
Dumagdag pa itong mga sinabi ni Klinx na lalong nagpagulo sa kanyang isip. Maging si Zindel man ay nagugulahan. Hindi nila pareho maunawaan ang mga sinabi nito.
"Hindi tayo nagmula sa sinapupunan ng mga taong nagpalaki sa atin. Gawa tayo pareho ng isang teknolohiya. Alam ko na nagugulahan ka ngunit hindi ito ang oras upang ipaliwanag ko sa iyo ang lahat. Kailangan nating balikan ang iba n'yong mga kasama dahil nasa panganib ang kanilang mga buhay!"
BINABASA MO ANG
Killing Us Softly
Ficção CientíficaIsang sekretong samahan na ang kanilang layunin ay bawasan ang populasyon ng mundo. Isang sakit na pinakalat sa buong mundo upang maisakatuparan nila ang hangaring sapilitang pagbabakuna sa mga tao. Isang pagsiklab ng kaguluhan na ang kahahantungan...