CHLOE's POV
Araw ng Sabado ngayon at gusto ko sanang magpahinga. Pero hindi mawala-wala sa aking isipan ang muli naming pagkikita ni Victor noong isang araw.
Si Victor na siyang aking naging unang kasintahan.
Nasa High School ako nang una kaming magkakilala ni Victor. Bagong lipat ang pamilya nila noon sa aming lugar at nag-transfer siya sa paaralan kung saan ako nag-aaral.
Unang beses pa lang na makita ko si Victor ay humanga na agad ako sa kanya rahil sa angkin niyang kagwapuhan. Mabait si Victor at kasundo niya ang halos lahat ng estudyante sa aming paaralan.
Katulad ko ay hinahangaan din si Victor ng ibang babaeng schoolmates namin at ang karamihan sa mga kalalakihan ay halos idolohin si Victor dahil sa husay niya sa basketball at galing sa pagkanta na kadalasan ay nagpapakilig sa aming mga babae.
Naaalala kong bago mag-transfer si Victor sa aming paaralan ay hindi ako nag-e-enjoy sa pagpasok sa school dahil nami-miss ko ang aking childhood best friend. Bigla na lamang kasi nawala ang aking best friend na iyon nang pumanaw ang mga magulang nito at kuhanin naman ito ng tita nitong nakatira rito sa Maynila. Nabalitaan ko ring ang bunso nitong kapatid ay dinala sa bahay-ampunan.
Ngunit nang makilala ko si Victor ay parang nagkaroon ng panibagong sigla ang aking buhay. Natatandaan ko pa na maaga akong gumigising noon para may oras akong makapag-ayos ng aking sarili rahil gusto kong makita akong maganda ng aking hinahangaang si Victor. Gusto kong humanga rin sa aking ganda si Victor nang mga panahong iyon.
Kahit magkaklase kami ni Victor ay hindi naman kami ganoon ka-close dahil may ibang grupo siyang sinasamahan samantalang ako ay madalas mag-isa rahil wala akong nakilala sa school na iyon na pwede kong maging kaibigan katulad ng aking childhood best friend.
Pero kahit palagi akong mag-isa ay wala namang nanunukso sa akin bagkus ay isa ako sa mga babaeng maraming tagahanga sa school na iyon. Maraming nagtangkang manligaw pero wala akong nagustuhan ni isa man sa kanila.
Hindi ako katalinuhan pero pagdating sa mga school contest na kino-consider ang ganda ng mga kalahok ay madalas akong isinasali ng aking mga naging class adviser.
Sa isang school contest kung saan kailangan ng bawat babaeng kalahok ng makakaparehang lalaki sa pagsasayaw para sa isang portion ng contest ay naging ka-partner ko si Victor. Masasabi kong ang contest na iyon ang naging daan para maging malapit kaming dalawa sa isa't isa.
Sa tuwing nagre-rehearse para sa kinakailangang sayawin sa contest na iyon ay sumisimple si Victor na magtanong sa akin tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa aking buhay at ganoon din naman ako sa kanya. Pasimple lamang kaming nag-uusap ni Victor dahil istrikto ang dance instructor namin at madalas nitong sitahin at pahiyain sa harap ng ibang estudyante ang mga nahuhuli nitong nag-uusap habang nag-eensayo.
Isang beses ay nahuli ng dance instructor si Victor na hindi nagko-concentrate sa dance rehearsal dahil napalakas ang kanyang pagtawa habang nag-uusap kaming dalawa. Pinagalitan siya ng dance instructor at habang ngingisi-ngising kumakamot-kamot siya sa kanyang batok ay napatingin siya sa akin na noon ay nakatingin sa lupa at tahimik na humahagikgik.
Nagulat na lamang ako nang marinig kong biglang malakas na tumawa si Victor na naging dahilan para lalong magalit ang dance instructor at disiplinahin nito si Victor sa pamamagitan ng pagtayo ni Victor sa tabi ng flag pole sa loob ng thirty minutes. Awang-awa ako kay Victor nang araw na iyon ngunit siya ay hindi ko man lamang nakitang sumimangot o nagalit habang nakatayo sa tabi ng flag pole. Bagkus ay ngumingiti pa siya sa tuwing nakikita niyang sinisilip ko siya sa kanyang direksyon.
Sa tuwing natatapos ang dance rehearsal at uwian na ay inihahatid ako ni Victor sa palengke kung saan nagtatrabaho ang aking ama bilang isang fish vendor. Doon sa palengkeng iyon ko unang nakilala ang aking childhood best friend dahil may pwesto roon ang ina nitong nagtitinda ng mga bulaklak dati.
BINABASA MO ANG
My Best Friend's Gorgeous Husband
General FictionCHLOE CLAIRE SANTIAGUEL, ang babaeng lampas-langit ang pagnanasang maangkin ang katawan ng asawa ng kanyang matalik na kaibigan. MIGUEL GEORGE SAAVEDRA, ang lalaking mapapaligiran ng iba't ibang babaeng magkakaroon ng interes sa kanya. Mga babaeng...