4. FELIX

101 12 0
                                    


    MAY kumikiliti sa aking talampakan. Para itong binabasa, marahan at paulit-ulit. Tila dinidilaan. Bumukas ang aking mata at tumambad sa akin ang puting kisame ng aking kuwarto. Malabo parin ang aking paningin kaya kinuskos ko aking mga mata. Bumangon ako at doon napamura ng malutong nang maramdaman ang pagbiyak ng aking ulo. Napapikit ako sa sakit. Ano ba ang nangyari kagabi?

    Natigilan ako nang makita ang nasa talampakan ko. "Cholo?!" Dinidilaan nito ang aking kaliwang paa. Natigilan ako. Agad kong hinila papalayo ang dalawa kong paa mula sa aking aso. Kumunot ang aking noo. Nakatingin lang siya sa akin. "Paano ka nakapasok dito?" Tumahol siya sa akin. Isang beses. Dalawang beses. Ah, ganun, ako pa ang hinahamon mo ha. Sinamaan ko siya ng tingin at sinampal ko ang malambot kong kama. Hindi naman siya nasindak. Napailing ako. "Lumabas ka nga rito."

    Ilang saglit pa akong tinitigan ni Cholo bago tumalikod. Mula sa kaniya ay naglakbay ang tingin ko sa pintuang nakabukas. Bumuntong hininga ako. Kaya pala nakapasok. Naglakad na papalayo si Cholo habang gumigiwang-giwang ang kanyang puting buntot. Napailing ako. Ito talagang asong 'to!

    Nilibot ko ang tingin sa aking kuwarto. Medyo madilim pa ito. Patay din ang ilaw na nasa gitna ng aking kisame. Nakasarado ang mga bintana. Napatingin ako sa sahig at doon nakita ang mga nagkalat na damit. Puting polo at itim na shorts na sinuot ko kagabi. Natigilan ako. Kagabi ba 'yon o sa isang araw? Napailing ako nang bigla na namang sumakit ang aking ulo. Hayst kagabi nga! Hangover na naman!

    Nakaupo parin ako sa kama. Para akong nawalan ng ulirat. Maya-maya pa ay inalis ko na ang kumot na nakabalot sa aking katawan. Tanging boxers lang ang suot kong saplot. Bumuntong hininga ako at tumayo. Inunat ko ang sariling katawan. Tinaas-taas ko ang aking mga braso. Napahikab ako ng wala sa oras.

    Ilang saglit pa ay may pumasok sa aking mga tainga. Natigilan ako. May mga yapak na papalapit sa aking kuwarto. Agad kong hinila ang kumot mula sa aking kama at pinulupot sa aking katawan. Ayokong makita ni Mama Melda ang ayos ko ngayon. Ilang sandali pa ay narinig ko ang tinig ng aking yaya. Yup, si Mama Melda nga.

    "Felix." Hindi pa man nakakarating sa pintuan ay tinawag na ako ni Mama Melda. Nakatayo na siya sa pintuan ko. "Si Clifford nasa baba, hinihintay ka." Pagkasabi niya ay pumasok siya sa kuwarto ko. Nilibot niya ang tingin sa loob. Kumunot ang kaniyang noo. Nakatingin siya sa mga damit ko na nasa sahig. "Ikaw talagang bata ka, napakaburara mo talaga." Hindi ako umimik. Nakatingin lang ako sa kaniya. Natigilan ako, parang nangyari na 'to dati. Pinulot niya ang mga damit ko at tinupi. Nakatayo parin ako, hindi makagalaw. "Ang laki mo na pero ang kalat mo parin. Ito ano 'to? Pati ba naman mga racket mo?!" Hindi niya makapaniwalang sabi. Hindi ako umiimik. Isa-isa niyang kinuha ang mga racket ko at mga puting shuttlecock. Inayos niya ang mga ito sa lalagyan. Nasagi ko siguro ito kagabi.

    Napangiti ako. Okay, kaya pala familiar. Ganito na siya tuwing papasok ng kuwarto ko. Magsusungit at lilinisin ang mga gamit ko.

    "Oh ba't ngingiti-ngiti ka diyan?" Namalayan ko na lang na nasa bintana na siya, hawak niya ang mga kurtina ko. Hinawi niya ito at binuksan ang bintana. Tumama sa akin ang init at liwanag ng araw. Tanghali na pala. Nakaharap na ulit si Mama Melda sa akin. "Oh balot na balot ka parin."

    Tiningnan ko ang sarili. "Mama Melda naman. Wala akong saplot." Tumawa siya ng mahina at nakapameywang. "Sus sa akin kapa nahiya eh parang apo na kita. Nakalimutan mo yatang ako ang kasama mo noong nagpatuli ka."

    Tumawa ako at ginaya ang kaniyang ayos. Nakapameywang na rin ako. "Baka nakalimutan mo rin, Mama Melda. Hindi na ako bata. I'm 20."

    "I'm 20," panggagaya niya sa akin. "Hindi na nga bata pero ang kalat parin." Nilibot niya ulit ang tingin sa akong kuwarto. "Oh sya maligo ka na, kanina pa naghihintay si Clifford. Mahiya ka naman sa boyfriend mo" Dumaan na siya sa gilid ko at naglakad papuntang pintuan. Lumingon ulit siya sa akin. "'At pakiusap naman, Felix, sa susunod na papasok ako rito sana naman ay hindi na ako maglilinis ng kalat mo." Tinanguan ko siya bago siya umalis. Susubukan ko.
  
Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi. Napapangiti na naman ako tuwing sesermunan ako ni Mama Melda. Ibig sabihin noon ay mahal niya ako. Nandiyan palagi si Mama Melda sa akin, sa amin ng ate ko, since day one. Siya ang nagtayo biglang ina ko nang mawala si mama.

The Clockwork Romance (BL STORY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon