Chapter 3

3 1 0
                                    


Siksikan ang estudyante habang naghihintay na magbukas ang gate. Saktong 7:30 pa kasi ang bukas nun. Maliit lang ang espasyo ng kalye sa tapat ng gate kaya di talaga halos magkasya ang mga estudyante tuwing ganitong oras. Agang aga ay talagang pagpapawisan ka kung hihintayin mong magbukas yun.

Sa tapat naman nito ay may mga bahay at tindahan, may nagbebenta pa ng kung anu anong bagay na may picture ng mga Koreano. Nawiwirduhan ako nung una, kalaunan ay napabili din ako ng id lace na blackpink ang nakalagay.

Wala akong balak pumasok ngayon, kaya ito nakatambay lang ako sa tindahan kasama si Pearl. Nakauniform kaming pareho pero napag-usapan naming pupunta nalang kami sa may bilyaran mamaya pagdating nung iba pa.

Hihithit na sana ako ng yosi nang bigla kong matanaw si Sheen. Agad ko siya nakita dahil siya lang ay may matingkad na neon pink na bag.

Panay ang lingon niya sa mga estudyante, muka siyang may hinahanap at panigurado kong ako yun. Bago pa siya mapalingon sa gawi ko ay tinapon ko na agad yung yosi at inapakan.

Kumaway siya at ngumiti nung makita ako tapos lumapit sa'kin.

"Yow." Sabi ko.

"Hoy babaeng maharot." Dinuro niya pa ko.

"Yung palda mo halos iwelcome na ang lahat ng makakita. Hulaan ko kulay ng cycling mo? Puti!" Nanlalaki pa butas ng ilong niya kala mo nanay ko kung mangsermon.

"Hanep Annie ah? Di ko alam na may stage mom ka pala?" Pang-aasar ni Pearl.

Sinamaan naman siya ng tingin ni Sheen. "Di ko alam na may alalay ka na ngayon?" Tanong niya sa'kin pero kay Pearl pa rin ang tingin.

"Ikaw kaya alalayin ko?" Tumayo si Pearl at hinarap si Sheen. Bago pa man magkasakitan ang dalawang to ay pumagitna na ko.

"Tigil na."

"Hoy strawberry girl." Sabi ni Pearl habang tinataasan si Sheen ng kilay.

"Hindi ako strawberry!"

"Hindi ba? Eh bakit pink na pink ka? Member ka ba ng blackpink? Kala mo bagay sayo?"

"Aba bakit?! Blink ako! Certified! Kesa naman sayo!"

"Highschool ka na ba talaga? Pormahan mo pangelementary eh."

"Ikaw pormahan mo pang mga nagamit na. Gets mo?"

"Pasalamat ka tropa ka ni Annie. Kung hindi kinanti na kita."

"Edi magkantian tayo! GOOOO!"

"Sheen, tama na." Hinila ko siya palayo kay Pearl.

"Ano ba?! Hayaan mo ko makaganti sa isang yun!" Reklamo ni Sheen.

Di ko siya pinansin at patuloy lang sa paghila sa kaniya.

Nang makalayo kami ay tumigil ako at humarap sa kaniya. Pinagkrus ko ang mga braso ko at tinaasan siya ng kilay. "Problema mo? Agang aga?"

"Problema ko? Ang problema ko, ito!" Hinawi niya ang palda ko.

"Yan!" Dinuro niya yung balikat ko. Pati tong nguso ko eh pinagkadiskitahan. "At mga yan! Lahat-lahat ng ginagawa mo problema ko! Ano ba Annie?! What the hell?!"

"What the hell? Ikaw itong agang aga eh nagddrama sa harap ko? Tapos what the hell?"

"Stupid! Ako ang napapagod sayo! Dyan sa pagrerebelde mo! It's only been months yet palala ka nang palala! Look at you!"

"Oh? Anong mali sa'kin?"

"You're not you anymore!"

Hindi ako sumagot at tinignan lang ang kinikilos niya. Alam kong nag-aalala na siya. Alam kong napapagod na siya kakaintindi sa kin. Pero di naman yan aakto ng ganito kung walang nangyari sa bahay nila.

"Pinagalitan ka ba nila Tita?"

Huminga siya ngan malalim at alam ko na ang sagot.

"Wala nang bago dun! Pero di pa rin ako nasasanay sa rant ng mama ko!" Pinagdabugan niya ko ng paa. Nagpout pa siya na parang batang inaway.

"Sheen, kung napapagod ka na. Umalis ka nalang."

"A-ano?" Di makapaniwalang sabi niya.

"Wag kang umakto sa harap ko na parang pinilit kitang magtransfer kasama ko."

"You're kidding, right?"

"Hindi. Tulad nga ng sinabi mo, hindi na ko to. Hanggang ngayon di ko pa rin alam kung ano na ba magiging takbo ng buhay ko. Ako lang naman ang may problema, hindi ikaw."

"So, gusto mo akong umalis, ganon ba?"

"Oo." Diretsang sabi ko. "Dahil hindi ikaw ang nagrerebelde sa magulang, kundi ako. Hindi ikaw ang may nanay na tinatakbuhan, ako. Kaya hindi mo kailangang sumama sa 'kin habang sinisira ko ang buhay ko. Wag mong idamay ang sarili mo sa pagiging miserable ko."

"H-ha! Wow." Di makapaniwalang aniya. Umiling siya habang nakakunot ang noo. Napasapo siya sa dibdib niya at unti-unti ay nangilid ang luha niya.

"Tingin mo ba, kaya kitang iwan habang ganyan ang lagay mo? Alam mo ba kung ano ang gusto ko mangyari nung sinundan kita dito? Ang nasa isip ko nun babalik tayo sa AEU nang magkasama. Kasi akala ko aalis ka din dito pag nagsawa ka na sa lugar na to. Hindi naman kasi to ang nakasanayan mo. Mainit, magulo, maingay. Hindi ka dapat nandito."

Tumulo ang mga luha niya, umiwas ako ng tingin at tumingin sa paligid. Isang kanto ang layo namin sa mga estudyante at walang tao dito kaya buti nalang ay walang makakaring at makakapansin sa min.

"Hindi ka naman ganyan dati. Yung Annie na nakilala ko mabait at simple. Kahit kailan di kita narinig noon na magmura. Hindi katulad ngayon na para ka nang sanggano. Ginagaya mo kung anong nakikita mo sa barkada mo. Mga lasenggero kahit bata pa. Akala mo ba di pa kita nahuling naninigarilyo?"

"Ano ngayon? Dinadamay ba kita? Hindi. Ikaw ang nagsusumiksik sa gulo ko."

"Alam mo kung bakit ako nagkakaganito! In a span of months! Months palang ang tinagal natin sa school na to nagawa mo nang magbago ng ganon kabilis! Ano pa kaya kung umabot ang taon? Baka maging pawala ka na rin tulad ni Pearl?!"

"Ano? Pawala?"

"Gusto mo bang diretsahin ko pa kung anong klase ng barkada ang nahanap mo?"

"Why are you judging her like you know her?" Di makapaniwalang tanong ko.

Muka siyang nagulat. "Oh hi! The old Annie is back! Nag-ienglish ka pa rin pala? Akala ko nakalimutan mo na?" Ngising tanong niya.

"Muka ba kong nakikipagbiruan ngayon?" Sabi ko.

Sumeryoso siya at pinunasan ang luha niya. "Bad influence siya sayo."

"At nagpapaimpluwensya ako. Hindi niya na kasalanan yun."

Tumango siya na parang wala na siyang masabi. Tinanggal niya ang isang sukbit ng bag niya at may kinuwang papel mula dun. Inabot niya yun sa kin.

"Malapit na yung exam week. Photocopy yan ng mga reviewer ko. Kung may balak ka pang magtapos, magreview ka. Kung wala kang maintindihan, pumasok ka kahit magalit pa yung teacher. Pero kung wala ka talagang pakielam, bahala ka na sa buhay mo."

Tinalikuran niya ko at naglakad na palayo. Pinasadahan ko ng tingin yung reviewer.

'Pano ko naman maiintindihan 'to? Eh pandoktor sulat mo? Gaga talaga.'

The Scars in Our HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon