Chapter One
The Stranger Who Changed Her Life
PAGOD na si Sari sa kakaiyak. Huli na para pagsisihan ang mga naganap. Kasalanan niya rin ang nangyari. Siya lang ang dapat sisihin sa kalbaryong hinaharap niya ngayon.
"Ano'ng gagawin mo? Papasok ka pa ba sa club?" tanong ng kaibigan niyang si Gemma. Kagaya niya ay waitress din ito sa club na pinagtatrabahuan niya. Isa iyong disco club pero aminado siya na front lang iyon ng nasabing establisyimento. Hindi lingid sa kaalaman niya na ang iba nilang kasamahan ay suma-sideline bilang sex worker. Ngunit iba siya. Hindi niya ibinibenta ang kanyang sarili. Iisang lalaki pa lang ang pinagkalooban niya sa sarili, si Jonathan, ang ama ng batang nasa sinapupunan niya at magtatatlong buwan na niyang ipinagbubuntis. Si Jonathan na inakala niyang tapat at tunay siyang mahal.
"Oo, pupunta ako roon. Sayang din ang isang gabi."
"Mare, buntis ka. Baka mapano ang baby. Kahit na ganito lang ako eh hindi ko naman maaatim na payagan kang magtrabaho sa kalagayan mong iyan. Kahit demonyo ang ama niyan, blessing pa rin ang baby," paalala nito. Ngumiti siya. Si Gemma ang close friend niya roon. Bagamat alam niya na suma-sideline rin ito, iyon ay dahil sa may mga kapatid itong pinapaaral. Isinasakripisyo nito ang dangal at dignidad para sa pamilyang walang ibang inaasahan.
Siya naman ay ulila na. Nagbaka-sakali siyang makakita ng trabaho sa siyudad kaya doon siya napadpad. Hindi naman pinipilit ang iba na mag-sideline pero minsan, dahil sa kakulangan sa pera, napipilitan ang ibang mga babae roon na kumapit sa patalim para lang matulungan ang kanilang mga pamilya. Siguro ay mangyayari rin sa kanya iyon kung nagkataong may sinusustentuhan siya. Sarili niya lang ang kanyang binubuhay. Hindi siya nakapagtapos ng highschool kaya walang tatanggap sa kanya sa mga matitinong trabaho.
"Kaya ko na, Gem."
"Ikaw ang bahala. Basta sabihin mo lang kung napapagod ka na at tutulungan kita."
"Salamat."
Nang gabing iyon ay nagtrabaho nga siya. Sexy ang tabas ng uniform nila pero hindi pa naman halata ang kanyang tiyan. Walang alam ang manager nila sa kanyang kalagayan. Kapag nalaman nito ay baka paalisin siya. Balak niyang maghanap ng ibang trabaho para sa magiging anak niya. Ayaw niyang mamulat ito sa ganoong lugar. Kailangan niya ng matinong trabaho.
"Sari, halika," tawag sa kanya ng manager. Sumunod siya rito. Kinakabahan siya. Hindi naman siya nagpapahalatang may dinadala siya. Maayos naman ang trabaho niya.
"Bakit po, sir?" tanong niya sa may katandaang lalaki nang tumapat sila sa isang silid. VIP room ang tawag roon pero alam niya kung bakit iyon naging 'VIP room'.
"May importateng tao sa loob ng VIP room. Ikaw na muna ang mag-entertain. Madali lang iyon," utos nito.
"Po?" naalarma siya. Alam niya kung ano'ng klaseng 'entertain' ang ibig nitong sabihin. "Pero sir, hindi naman po ako –"
"Malaki ang ibinayad niya at isang kagaya mo ang gusto niya. Ayusin mo ang trabaho mo. Bilis na!" mariin nitong utos saka binuksan ang pinto at pinilit siyang pumasok. Hindi siya nakahuma nang makapasok na siya at ini-lock nito ang pinto.
"Sir?" pinilit ni Sari na buksan ang pinto pero 'di niya mabuksan.
"What's your name?"
Napasinghap siya sabay harap sa nagsalita. Maliit lang ang silid na iyon, tama lang sa dalawang tao. Para iyong maliit na motel room. May kama sa pinakasulok. Pero hindi ang lugar ang ikinamamangha niya kundi ang lalaking nakaupo sa sofa at may hawak na bote ng alak.
BINABASA MO ANG
Symphonian Curse 3: Underneath the Griffin's Wings
FantasiSymphonia is the name of the clan. From this powerful, mysterious, old clan came one of the most influential and famous families in the world, the Contreras. Meet the other half of the famous but mysterious Gemini. Know his secrets, his struggle...