Dan
Naka-upo ako sa silya, nakasandal sa pader ng aking kwarto habang iniinom ang kape na tinimpla ni Marge. Tinitigan ko ang baso, ang aroma ng kape ay tila nagsasalita sa akin, ngunit ang mga salita ay nagiging bulong na hindi ko maunawaan. Sabado ngayon at walang pasok, dapat sana ay nakatuon ako sa mga proyekto, ngunit kahit anong isipin ko, tila ba may hadlang sa aking paglikha. Walang ideya, walang inspirasyon. Puno ng tanong at kahungkagan.
"Magandang umaga," narinig kong bumasag sa aking mga saloobin. Napatingin ako at doon ko nakita si Ajake, nakatayo sa harapan ko, tila nahihiya ngunit puno ng ngiti.
"Kamusta ang pakiramdam mo?" tanong ko, may halong pag-aalala.
"Maayos na. Salamat sa pag-aalaga sa akin," sagot niya, at sa tono ng kanyang boses, naramdaman ko ang isang uri ng kasiyahan—kaginhawahan na nagmumula sa pagkakaibigan namin.
Dapat lang na magpasalamat siya. Sa katunayan, hindi ako nakatulog ng maayos kakabantay sa kanya nang siya’y lasing at nilagnat. Pero ayoko sanang isipin iyon.
"Wala naman akong choice," sagot ko, subalit nag-joke ako, "Deserve mo yan."
"Grabe naman!" Saad niya, sabay tawa.
"Joke lang."
"May gagawin ka ba mamaya?" Tanong niya habang umuupo sa tabi ko.
"Wala. Tatapusin ko na iyong proyekto na ginagawa ko. Naiinis na nga ako dahil walang kahit anong ideyang pumapasok sa utak ko." Ipinatong ko ang tasa ng kape sa lamesa, nag-aalala na baka masyadong mabigat ang sagot ko.
"Gusto mo gumala tayo? Mas magandang makahanap ka ng inspirasyon sa daan."
"Huh?"
"Diba ang mga writers kadalasang nagkaka-mental block? Author's block ang tawag kapag nahihirapang ituloy ang isinusulat nila. Para maibsan iyon, naghahanap sila ng bagay na makakapag-refresh ng isipan nila."
"Magandang idea. Kaso, saan naman ako pupunta?"
"Sumama ka na lang sa akin."
"Ayoko. Mamaya, kung saan mo pa ako dalhin. Mamaya idala mo pa ako sa simbahan at alukin ng kasal. Well, for your information, hindi ako easy to get. Pero kapag nagpumilit ka naman, sino ba ako para tumanggi?"
"Wow. Napaka-lawak ng imahinasyon mo."
"Hindi imahinasyon yan. That's the reality. Dun din naman ang punta natin."
"Paano mo nasabi?"
"Nararamdaman ko lang. Pakipot ka kasi eh."
"Sa paanong paraan mo nasabing pakipot ako?"
"Ajake, hindi tinatanong yan. Nararamdaman ko yan. Alam mo kapag may gusto ka sa isang tao, mararamdaman mo na may gusto rin siya sayo pabalik."
"So sinasabi mo na may gusto ako sayo?"
"Well." Maikli kong sagot, ngunit may pagkakaba.
"Well ano?"
"Wishing well."
"Huh?"
"Wala, slow. Basta. Saan tayo pupunta?" Pag-iba ko ng topic, ayokong masyadong lumalim ang usapan namin at baka mahulog ako sa aking nararamdaman.
"Basta mamaya. Mag-ayos ka na."
"Sasama ako," sigaw ni Marge mula sa kusina.
"Bawal, date namin ito," pabalang kong sagot.
"Okay," sagot ni Marge at inirapan ako, pero naramdaman ko ang pang-aasar sa kanyang tono.
Nakatayo ako, kinakabahan. Natatakot at na-eexcite sabay. Bakit ganito ang pakiramdam ko? Parang may tumitibok na mas mabilis sa aking dibdib. Makakahanap ba talaga ako ng inspirasyon upang matapos ang sinusulat ko, o makakahanap ako ng rason upang iwasan at iwan na siya?
Pagkatapos naming kumain, dumeretso ako sa kwarto upang maghanap ng damit na susuotin ko. Si Ajake naman, pinaligo ko at hinanapan ng damit.
"‘Ito na suotin mo. Ito lang extrang damit ko na hindi pa nagagamit. Mamahalin yan. Mas mahal ko pa yan kesa—"
"Kesa sa akin?" Sumbat niya.
"Mas mahal pa rin kita. Kahit hindi ka na kamahal-mahal."
Lumabas siya ng banyo, naglakad papuntang kwarto ko. Ako naman ay nakatayo sa pinto, papasok na sa banyo upang maligo.
"Bakit naman hindi na ako kamahal-mahal?" tanong niya.
Agad akong tumingin sa kanya, na nakatalikod at sinusuot ang t-shirt. Ang likod niya, napaka-kinis, tila may kung anong kaakit-akit sa kanya na nagtutulak sa akin na magtaka kung bakit ako narito—na nakatayo, nagmamasid.
"Ikaw ang humanap ng sagot d’yan sa tanong mo," sabi ko at tuluyan nang pumasok sa banyo. Binuksan ko ang gripo at hinayaang dumaloy ang malamig na tubig sa timba. Tinitigan ko ang tubig, napansin ang pag-apaw nito.
Ang buhay ko ay parang timba na ito. Umaapaw kapag napupuno na. Napuno na ako ng sama ng loob at tila malapit na ring umapaw at umagos. Pero kahit ganon, gagawa ako ng paraan upang isara ang gripo ng emosyon ko upang hindi tuluyang umapaw at maubos ang lakas ko.
"Dan, kung bibigyan ka ng pagkakataong mag-mahal at kung papipiliin ka, bakit ako?" sigaw ni Ajake.
"Hoy. Ang kapal ng mukha mo!"
"Diba ganito ka naman bumanat?" sigaw niya pabalik.
Pinatay ko na ang gripo at kinuha ang tuwalya upang patuyuin ang katawan ko.
"Kahit anong mangyari, Ajake, ikaw ang pipiliin ko kasi para sa akin, kapili-pili ka."
Huminga ako ng malalim at binuksan ang pinto.
"Kahit sinaktan at niloko kita?" tanong niya. Naka-upo siya sa study table ko habang nakatingin sa labas ng bintana.
"Oo."
Kinuha ko ang damit na susuotin ko.
"Ako, kung papipiliin kang mag-mahal, bakit hindi ako ang kaya mong piliin?"
Huminga siya ng malalim bago sumagot. "Hindi ako handang makipag-relasyon sa kapwa ko lalaki. Hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay sa iyo."
Naramdaman kong biglang kumirot ang puso ko.
"Paano kapag mas higit pa sa pagkakaibigan ang gusto ko?"
"Pwede naman kitang maging kapatid."
"Kapatid, amputa!" Tumawa ako ng bahagya, ayokong maramdaman niyang nasaktan ako sa sinabi niya.
"Kikilalanin ko muna ang sarili ko, Dan. Natatakot kasi ako."
"Saan?" Umupo ako sa dulo ng kama.
"Natatakot akong ako na naman ang magiging rason upang masaktan kang muli. Malaki ang kasalanan ko sa iyo. Ang salitang patawad at pasensya ay kulang pa upang magamot at mahilom ko iyang sugat na nagawa ko. Kaya hangga't maaari, hayaan mo muna akong kilalanin ang sarili ko. Hayaan mo munang maging bukas ako sa sarili ko at sa posibilidad na mahalin ka. Hindi ka naman mahirap mahalin. Pero, Dan, hindi muna ngayon."
"Kung hindi ngayon, kelan? Kapag nakahanap na ako ng iba?"
"It's your choice. Kasi kung mahal mo ako, maaantay mo ako. Kapag nakahanap ka ng iba, marahil nangangahulugan lang ito na hindi genuine ang pagmamahal mo sa akin. Marahil ako lang ang kasiyahan mo, kaya akala mo'y ako na ang tamang tao na para sa iyo."
"Tara na at baka abutan tayo ng ulan sa daan." Tumayo siya at naglakad palabas ng kwarto.
Mali siya. Mali ka, Ajake. Ipinangako ko sa sarili ko na ikaw lang ang tamang tao na para sa akin. Hindi pwedeng ibang tao ang mamahalin ko. Ikaw lang.
Ngunit sa mga oras na iyon, nag-iisip ako. Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang mga nararamdaman ko. Ang pag-asa, ang takot—magkaakibat na tila mga alon na humahampas sa aking isipan. Kung sakaling hindi siya handang tanggapin ako, paano ako makakapagpatuloy?
BINABASA MO ANG
Delulu Diaries
Fanfiction"Delulu." ang cute na shortcut para sa "delusional." Parang biro lang, 'di ba? Pero ayon kay Merriam-Webster, ang delusyon ay isang paniniwalang mali o ilusyon na pinaniniwalaan at pinapalaganap. Ang ganda ng pagkakasabi, pero sa totoo lang, ito ang...