Lumbay

3 0 0
                                    

Malamig ang gabi, pero mas malamig ang nararamdaman ko ngayon. Halos hindi ako makagalaw sa kama, natutulala lang habang ang mga mata'y nakatingin sa kisame. Bawat hinga ay mabigat, bawat tunog ng relo ay nagpapabilis ng kabog sa dibdib ko. Iniisip ko na baka hindi ko na kayang itawid ang damdaming ito, ang hindi malamang takot at sakit na tila bumabalot sa akin.

Kinuha ko ang telepono. Ilang segundo akong natitigilan, humihinga nang malalim bago pindutin ang numero niya. Nagri-ring ang tawag, pero wala. Sinubukan ko ulit. Ilang beses, paulit-ulit, hanggang sa pang-apat na beses... sinagot niya.

"Ano?" malamig niyang bungad, mabigat at iritado ang boses niya.

Para akong napaso sa sagot niya. Ang sakit. Dati, sa tuwing sinasagot niya ang tawag ko, naririnig ko ang ngiti sa boses niya, ang lambing. Pero ngayon, para akong basang sisiw na kinakaladkad lang ng kanyang tinig.

"Ah... busy ka yata," ang nasabi ko na lang, nanlalambot ang boses ko.

"Anong kailangan mo?" tanong niya, parang wala siyang oras makipag-usap. Kahit sa simple niyang tanong, parang sinasampal ako ng realidad.

Napakalalim ng kaba at sakit sa puso ko. "Ah... wala naman. Sige, bye." Papakawalan ko na sana ang tawag nang bigla niyang sinabi, "Pasensya na, mahal. Sobrang dami lang ng ginagawa ko rito, kaya minsan nakakalimutan ko nang mag-check sa'yo."

Nagpigil ako ng hikbi, pilit pinapakalma ang boses ko. "Okay lang. Naiintindihan ko naman..."

Tahimik siya saglit bago nagsalita. "Sige, maaga pa ako bukas. Alas dos na rin dito. Matulog ka na."

At pagkatapos niyang magsalita, basta na lang niyang pinatay ang tawag. Iniwan niya ako sa malamig na gabi, nakanganga, at nagtataka kung bakit para bang unti-unting nawawala ang mahal ko.

Mula noong gabing iyon, hindi ko na siya nakausap. Lumipas ang mga araw, naging linggo, hanggang naging buwan. Parang isang bahagi ng pagkatao ko ang napigtas na lang bigla. Alam ko, marahil tapos na kami. Pero bakit ganito? Bakit kailangan sa ganitong paraan?

Minsan, sinubukan ko ulit tawagan siya. Hindi ko alam kung bakit, pero hindi pa rin ako sumusuko. Napakabigat ng pakiramdam, pero hindi ko pa rin kayang bitawan siya. Nakaupo ako sa kama, hinihintay na sagutin niya ang tawag ko. Huminga ako nang malalim, nagdasal na sana magbago ang tono ng boses niya, sana maramdaman ko ulit ang dating Ajake.

Pero nag-end lang ang tawag, walang sagot.

Hinagkan ko ang telepono, dama ang init ng mga luha sa pisngi ko. Nakapikit lang ako, pilit inaalo ang sarili kahit na parang sinasaksak ng libo-libong kutsilyo ang puso ko. Ito na ba talaga 'yon? Ganito na ba talaga ang pagtatapos namin? Paulit-ulit ang mga tanong sa isip ko, pero kahit anong pilit kong sagutin, wala, kahit isang sagot ay hindi ko mahagilap.

Isang araw, hindi na ako nakatiis. Tumayo ako, naglakad-lakad sa kwarto, hindi alam kung paano haharapin ang lungkot at takot na bumabalot sa akin. Hindi ko na kayang maghintay, kailangan kong malaman kung ano na kami. Kaya muli kong kinuha ang telepono, pilit kong inihanda ang sarili para sa mga maaaring mangyari. Ilang saglit pa, sinagot niya ang tawag ko.

"Hello," malamig niyang bati. Walang bakas ng lambing sa boses niya, tila napipilitan lang siya.

"Ajake... kamusta ka na?" Nanginginig ang boses ko, sinisikap kong itago ang kaba.

"Heto, okay lang. Ikaw?" Saglit siyang natahimik, at parang hinihintay lang niya na matapos agad ang usapan namin.

Hindi ko na natiis. "Ajake, ano na ba tayo? Ano bang nangyayari sa'yo?"

Tahimik siya sa kabilang linya. Pakiwari ko'y naririnig ko ang paghinga niya, pero hindi ko alam kung nag-iisip ba siya o simpleng tinatamad lang sagutin ang tanong ko. Ilang segundo ang lumipas bago siya sumagot, "Pasensya ka na, mahal... alam ko, matagal na kitang hindi nakakamusta. Pero ang dami kasing nangyayari rito."

"Sabi mo 'yan dati, pero parang paulit-ulit na lang, Ajake. Akala ko... akala ko aayos pa tayo. Pero bakit parang... bakit parang ako na lang ang nagmamahal?"

Naramdaman ko ang kabog ng puso ko sa dibdib, parang hiniwa ang kaluluwa ko habang sinasabi ko ang mga salitang iyon. Natatakot akong mawala siya, pero natatakot din akong patuloy na maghintay ng wala.

"Ano bang gusto mong marinig?" tugon niya, malamig pa rin. "Ang totoo niyan, mahal, hindi ko na alam kung ano pang meron sa atin."

Parang gumuho ang mundo ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung anong isasagot. Ang sakit. Parang isang hampas ng realidad na bigla niyang sinabing hindi na niya alam kung ano pa kami.

"Hindi ko maintindihan, Ajake. Ano bang nagawa ko? May mali ba akong ginawa?"

"Wala, walang mali sa'yo. Baka ako. Baka ako ang may problema," mahinang sagot niya. "Baka mas mabuting hayaan na lang muna natin ang isa't isa."

Nanghina ako, naramdaman kong tila naglaho ang lahat ng laman sa katawan ko. "Gano'n na lang? Paano naman ako? Paano ang lahat ng mga pangako natin? Hindi ba sinabi mong hindi mo ako iiwan, na kahit gaano pa kalayo?"

Tahimik lang siya. At sa katahimikan niya, natanto kong marahil iyon na ang sagot sa lahat. Gusto ko siyang suyuin, ipaglaban, pero parang mas lalo niya lang akong itinataboy.

Nagsalita ulit siya, "Masakit 'to, pero kailangan natin tanggapin na minsan... minsan hindi talaga para sa atin ang lahat ng gusto natin. Ayoko nang ipilit."

Parang tinadtad ng kutsilyo ang puso ko sa bawat salitang binitiwan niya. Tila lahat ng masasayang alaala, lahat ng mga pangarap at pangako, ay unti-unting nagiging abo sa harap ko. Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin iyon, pero wala na rin akong magawa.

"Iyon na ba talaga, Ajake? Wala na bang kahit kaunting pag-asa para sa ating dalawa?" tanong ko, umaasang baka may konting puwang pa sa puso niya para sa akin.

Tahimik ulit siya. Pagkatapos ng ilang sandali, narinig ko ang isang mahinang buntong-hininga sa kabilang linya.

"Pasensya ka na..." at pinatay niya ang tawag.

Hindi ko na alam ang gagawin. Ang sakit, ang bigat sa dibdib, hindi ko alam kung paano ako makaka-move on sa kanya. Alam kong kailangan kong magpatuloy, pero bawat oras na dumarating, pakiramdam ko'y lalo lang akong nadudurog. Hinihintay ko pa rin siyang tawagan ako, umaasang baka magbago ang isip niya. Pero kahit alam kong wala na, hindi ko pa rin mapigilang umasa.

Gabi-gabi akong humihiga sa kama, nag-iisa, at umiiyak. Iniisip ko kung hanggang kailan ako maghihintay, hanggang kailan ako maghahanap ng sagot na hindi ko naman makukuha.

Delulu DiariesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon