Paubaya

6 0 0
                                    

Pagod na pagod ako. Iba pala talaga ang pakiramdam kapag nabasa mo ang sariling liham na ikaw mismo ang gumawa—lalo na kapag sa harap ng ibang tao mo ito binasa. Ilang beses ko nang binasa iyon, inulit-ulit ko na para siguraduhin na walang mali, pero wala akong naramdaman. Wala akong naramdamang sakit o kirot sa bawat pagdaan ng mga mata ko sa bawat salita. Subalit nang basahin ko iyon sa harap ng maraming tao, duon ko napagtanto. Mabigat. Masakit.

Parang biglang nagbago ang kahulugan ng mga salitang binitawan ko. Hindi ko inaasahan na magdudulot ito ng ganitong bigat sa dibdib.

“Mare, ayos ka lang ba?” tanong ni Marge, habang nakatitig siya sa akin.

“Oo,” sagot ko. Pero alam kong hindi ako okay. Gusto ko lang matapos ang araw na 'to.

Huminga ako ng malalim, pinilit ngumiti, at nagsimula kaming maglakad. Alas-kwatro na, uwian na, at ang katawan ko ay sumisigaw na ng pahinga. Gusto kong iuntog ang sarili ko sa kama, kahit ilang oras lang. Sana pati itong pagod na nararamdaman ko sa puso ay may mahanap na ring pahingahan, isang kama kung saan pwede itong bumagsak at magpahinga nang tahimik.

Habang naglalakad kami palabas ng eskwelahan, biglang bumungad si Ajake sa harapan ko. May hawak siyang dalawang ticket.

“Dan, free ka ba tonight?” tanong niya, may halong excitement ang boses.

“Huh? Para saan?” tanong ko, clueless kung ano ang pinaplano niya.

“May gig kami mamaya. Baka gusto mong manood. VIP tickets ‘to para sa inyo ng kaibigan mo,” aniya habang iniabot ang mga tiket sa akin.

Agad na bumilis ang tibok ng puso ko nang magtama ang aming mga kamay. Pakiramdam ko, ito ang unang beses na nahawakan ko ang kamay ni Ajake nang ganito katagal. Ramdam ko ang init mula sa palad niya, pero agad din siyang bumitaw.

“Nandyan na rin ang address at phone number ko, para in case na pumunta kayo, matawagan n’yo ako. Hindi ko naman inaasahan na darating kayo, alam kong busy ka. Pero sana, sana makadaan ka,” dagdag niya, bago nagpaalam at tumakbo palayo.

Nanatili akong nakatitig sa kanya habang unti-unting naglalaho sa malayo. Hindi ko namalayan na napapangiti ako. Napakasimple lang ng ginawa niya, pero bakit gano’n? Bakit biglang bumigat ang mundo ko?

“Mare,” tawag ni Marge na mukhang nakakaloko.

“Tara punta tayo,” sabi ko bigla, na para bang nagdesisyon na agad ako.

“Libre na kita ng food,” dagdag ko, sabay tawanan.

“Okay lang naman sa akin since Sabado naman bukas. Pero ipangako mo na hindi tayo mag-iinom nang sobra. Mare, 20 years old pa lang tayo pero parang iyong mga baga at atay natin, pang-50 na!” biro ni Marge.

“Promise!” sagot ko habang patuloy ang tawa ko. Pero sa loob ko, hindi pa rin maalis ang kaba na nararamdaman ko mula kay Ajake.

Pagdating namin sa apartment, dumiretso agad ako sa kwarto para maghanap ng isusuot. Ang dami kong damit, pero parang wala akong maisip na bagay. Nagbukas ako ng cabinet at nagsimulang maghalungkat.

“Mare!” tawag ko kay Marge habang kumakatok sa pinto niya.

“Ano?” sagot niya nang binuksan ang pinto.

“Anong magandang suotin?” tanong ko habang hawak-hawak ang dalawang damit sa magkabilang kamay.

Tiningnan niya ako nang ilang segundo bago bumuntong-hininga. “Mare, kahit ano suotin mo, basta kumportable ka. Maganda ka naman kahit ano’ng isuot mo,” sabi niya.

Napangiti ako pero hindi pa rin ako satisfied. “Pero, Mare, magpo-propose si Ajake mamaya. Kailangan maganda ako!”

“Mare, gusto mo bang sampalin kita para magising ka? May gig sila. Ibig sabihin, kakanta silang magbabarkada. Anong proposal ang pinagsasabi mo? Lasing ka ba?” sagot niya, halatang inis.

“Hindi niya ako yayayain kung walang dahilan,” sabi ko, halos kumbinsihin ang sarili.

“Alam mo, audience lang talaga tayo. Kailangan nila ng manonood. Iyon ang rason!” sagot niya habang tinutulak ako papasok ng kwarto.

Wala akong magawa kundi bumalik sa kwarto. Agad akong napatingin sa ticket na iniabot ni Ajake. VIP tickets, hindi regular. Bakit special?

Ilang sandali pa, narinig kong muli si Marge mula sa labas ng pinto. Mahinhin ang katok niya. “Mare, ihanda mo ang sarili mo,” sabi niya.

“Para saan?” tanong ko, medyo kinakabahan.

“Baka may gawin si Ajake na hindi mo magugustuhan. Baka masaktan ka,” sagot niya.

Biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi naman siguro… Pero alam ko, may posibilidad. May isang parte ng utak ko ang nagsasabing mag-ingat.

Naupo ako sa kama at kinuha ang cellphone ko. Tinawagan ko ang numero ni Ajake na naka-sulat sa ticket. Hindi ko alam kung bakit bigla kong naisip gawin iyon, pero parang may nagtutulak sa akin.

Agad naman niyang sinagot ang tawag. “Hello?” tanong niya, may halong ingay sa background—mga tao na nag-uusap at nagtatawanan.

“A-ajake?” sabi ko, medyo nanginginig.

“Dan? Anong nangyari? Ayos ka lang ba?” tanong niya, parang nag-aalala.

Narinig kong biglang tumahimik ang paligid sa kabilang linya. “Bakit biglang tumahimik?” tanong ko, kinakabahan na baka naririnig ako ng lahat.

“Lumabas lang ako ng practice room para mas marinig kita. Sorry, medyo maingay kasi sa loob. Mas okay ba ngayon?” tanong niya, na tila wala namang ideya sa kaba at pag-aalala na nararamdaman ko.

Napangiti ako nang bahagya. Akala ko pinagtatawanan ako ng mga kasama niya, pero mali pala ako. “Oo, mas malinaw na,” sabi ko, parang nakahinga nang maluwag.

“Anong oras kayo pupunta mamaya?” tanong niya.

“Before 7, nandyan na kami,” sagot ko, pilit na pinapakalma ang sarili.

“Perfect! Nag-reserve na ako ng upuan para sa inyo. See you later,” sabi niya, bago muling may tumawag sa kanya mula sa background.

“Busy ka ata. Sige, kita na lang tayo mamaya,” sabi ko, pero bago ko pa maputol ang tawag, narinig ko siyang nagsabi ng “Pasensya na, at… thank you.”

Biglang sumagi sa isip ko: Thank you? Para saan? May halong kalituhan ang tanong na iyon sa sarili ko.

Pagkatapos ng tawag, pumasok ako sa banyo at mabilis na naligo. Kailangan kong kalmahin ang sarili ko. Bumalik ako sa kwarto, binuksan ang cabinet, at hinanap ang perfect na outfit para sa gabing iyon. Nagdesisyon akong magsuot ng plain black t-shirt, black na pantalon, at black na leather jacket. Simple pero may dating. Tinapos ko ang look sa isang wristwatch at boots. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, at napa-smile ako.

“Perfect. Walang tatalo sa taste ko,” sabi ko sa sarili, satisfied sa nakita ko.

Hindi ko pa natatapos mag-admire sa sarili ko nang biglang bumukas ang pinto at sumilip si Marge. “Shet, Mare! Ang gwapo mo!” sigaw niya, halos maiyak sa ganda ng itsura ko.

“Gaga, kelan ba ako pumangit?” sagot ko, sabay tawa.

Pareho kaming handa na. Pareho kaming excited, pero sa loob ko, may konting takot pa rin. Anong mangyayari mamaya?

Delulu DiariesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon