If a country is to be corruption free and become a nation of beautiful minds, I strongly feel there are three key societal members who can make a difference. They are the father, the mother and the teacher.
-A.P.J. Abdul Kalam
"Dalawang bidders ang natagpuang patay kanina lamang sa gilid ng isang tambakan sa border ng Bidder District City at ng Mandaluyong. Kahindik-hindik ang sinapit ng mga biktima matapos matagpuang patay at wala nang mga memory gene. Hanggang ngayon ay pinaghahahanap pa rin ng otoridad ang suspect. Maswerte naman at nahagip ng CCTV camera ang suspect na kung susuriing mabuti ay isang bid. Hindi man nakuha ang eksaktong pangyayari ay kinilala naman ito ng ilang mga bid na kumakain malapit sa pinangyarihan ng krimen..."
Pinapalabas ang balitang iyon sa luma nang TV ni Mang Fred. Makikita sa video ang paglalakad ng isang babae na gula-gulanit na ang kulay pulang damit at nakabalabal ng kulay tsokolate. May dala siyang sako at galing siya sa pinangyarihan ng krimen na iyon. Napatingin naman si Dylan sa suot ng kanyang ina. Bagama't malabo ang kuha ng video na iyon sa mukha ng kanyang ina ay alam niya na siya iyon dahil sa suot at sa balabal nito na kulay tsokolate.
"M-Ma?" nanlalaki naman ang mga mata ni Dylan habang nakatingin sa kanyang ina.
"Linda sabihin mo ang totoo. Sa kanila ba galing ang mga memory gene na 'to?!" bulyaw naman ni Mang Fred. Hindi naman nagsalita ang ina ni Dylan na nakatulala lamang sa harap ng TV habang nakaupo at pinapanood ang balita.
"Linda sumagot ka!"
"Oo! Ako nga! Pero...hindi ako ang pumatay sa kanila..." Napapikit naman si Mang Fred at tila hinihilot pa ang kanyang ulo dahil sa labis na konsumisyon.
"Kahit naghihirap tayo hindi natin magagawa ang pumatay tandaan mo yan. Hindi natin yan ugali. Mga bidders lang ang gumagawa niyan sa atin. Bakit mo 'yon nagawa?"
"Mang Fred. Maniwala kayo...hindi ako ang gumawa niyan," tugon naman ni Linda.
"Pero sino? At bakit nasa'yo 'to?" Muli namang kinuha ni Mang Fred ang supot na naglalaman ng memory gene at inilabas iyon sa pamamagitan ng pagtataktak dito. Bumagsak naman ang mga aparatong iyon sa sahig na pinapatungan na lamang ng mga lumang kahoy. Tila galit namang tumitig si Mang Fred sa kanyang kausap, lumapit naman si Dylan sa kanyang ina at agad siyang niyakap.
"I-isang lalaki..." wika ni Linda. Tila hindi na nito matapos pa ang kanyang sasabihin dahil sa pagtangis.
"Ano?" tanong naman ni Mang Fred.
"Isang lalaki ang nagbigay sa akin niyan...patay na ang mga katawan ng dalawang 'yan at nakita kong wala na silang memory gene. Nakatakip lang ang mukha niya...m-may sinabi siya sa akin..." nanginginig na tugon naman ni Linda. Tila kinilabutan naman si Dylan dahil sa kanyang narinig. Muli niyang tiningnan ang memory gene na kanina lamang ay tinutunghayan niya.
"Ano?! Anong sinabi niya? B-bakit? Bakit ikaw pa?!" tila lalong nainis si Mang Fred. Nakaramdam ito ng hindi maganda sa paligid kaya't siya'y naglakad patungo sa isang maliit na siwang kung saan makikita ang labas ng maliit nat sira-sirang barung-barong na iyon. Sa pagkakataong iyon ay malakas na ang hangin sa labas at halos wala nang makita dahil sa labis na pag-ulan ng nyebe. Sa di kalayuan ay naaninag niya ang ilang mga ilaw na gumagala. Muli siyang humarap sa lumang TV at pinanood ang balita.
"...at patuloy ngang pinaghahahanap ang mga nawawalang memory gene ng di pa kilalang mga biktima sa ngayon. Napag-alaman natin kani-kanina lamang na maaaring madakip ang kawatan dahil sa mga CCTV camera na nakapalibot sa paligid ng border at sa maaaring pagtaguan nito..."
BINABASA MO ANG
Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #Trailblazers
Science FictionTaong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawagin ay memory gene. Ang aparatong ito ay tila isang hard drive device na may kakayahang i-tala ang lahat ng mga pangyayari ng isang host mula...