"Never forget what you are, for surely the world will not. Make it your strength. Then it can never be your weakness. Armour yourself in it, and it will never be used to hurt you."
-George R.R. Martin, A Game of Thrones
December 31, 2280 – 10:15 PM – Neo Metro Manila - -12°C
"Sigurado ka ba talaga dito sa gagawin mo?" Tanong ni Inspector Vega mula sa isang communicator. Ginagamit lamang ni Dylan ang kanyang memory data upang siya ay kausapin at panatalihing buhay. Ang communicator na iyon sa kanyang tenga ay may nakakabit na linya patungo sa kanyang kaliwang braso kung saan siya gumagamit ng hologram technology at iba pa.
Ang binata naman ay kasalukuyang nakatayo at nakatitig sa isang mataas na gusali sa Maynila. Binabasa niya ang mga letrang pinapagana lamang ng hologram technology: 'KLEiN Development Industries.'
"Ayoko nang gumapang pa sa dilim. Masyado na akong umasa sa natitirang memorya na alam kong kasinungalingan lang. Masyado na akong niloko ng mundo na ginawa ng MEMO. Kailangan ko ng sagot."
Hindi na sumagot pa si Inspector Vega. Mas pinili niyang manahimik at panoorin na lamang ang mga ginagawa ni Dylan mula sa camera na nakakabit sa maskarang nakasuot sa kanyang mukha. Mula sa mundong hinulma ng teknolohiya at mga datos, nakaupo lamang ang imahe ng inspektor. Patuloy na umiikot sa kanyang kinauupuan ang mga video o ang kanyang mga memorya at ang imahe sa kanyang harapan naman ay mula sa camera ng binata.
Napakaraming tao ang naglalakad at pauwi na mula sa kanilang mga opisina. Halos mapuno ang mga kalsada sa mga nagsisiksikang mga hover car at maging sa himpapawid ay mapapansin ang pagdami ng mga heli ship. Ang lahat ay nagmamadali, nakikisiksik at nakikibalya upang paghandaan ang selebrasyon ng bagong taon. Kahit na may delubyong nagaganap ay hindi palalampasin ng mga bidder ang ganitong okasyon upang pag-aksayahan ng pera ang mga fireworks display. Ang mga handa sa mesa ay umaapaw habang ang mga bid naman ay tanging tinapay lamang ang handa. Sa ganitong okasyon, mas pinipili na lamang nilang panoorin ang mga paputok sa itaas ng mga kabudukan at abandonadong gusali upang makita lamang ang makukulay at maliliwanag na paputok sa kalangitan sa loob ng mga nagtataasang pader. Kabi-kabila ang mga paalala at patalastas ng mga hologram billboard ukol sa bagong taon. Hindi din pinalampas ng MEMO ang pagkakataong iyon upang magbigay ng patalastas at paalala na magregalo ng memory gene sa kanilang mga mahal sa buhay, palitan ang mga luma nilang ginagamit. Nagbigay pa ng discount ang kanilang kompanya para sa pagpapalagay nito.
Nauuso ang mga costume party at mga maskarang isinusuot ng mga tao sa paligid dahil sa idinagdag na kultura. Marami ang mga nakakalat na pulis at militar sa paligid ngunit hindi iyon alintana ni Dylan. Nakihalubilo siya sa mga tao suot ang maskara na nagpakilala sa kanya bilang si Black Out. Naglakad siya sa gitna ng mga tao, ang iba ay namamangha sa kanyang kasuotan, ang iba ay napatanggal ng maskara upang siya ay siyasatin. May isang grupo pa ng mga kabataan ang kapareho ng kanyang maskara at pumalibot sa kaniya. Tila nakikipaglaro. Nakipag-high five pa ang isa ngunit itinulak na lamang niya patagilid ang binatang iyon. Nagtanggal ng maskara ang binata at tinitigan siya habang papalayo.
Sa entrance ng gusali na kanyang pakay ay dalawang gwardya na nakasuot ng panlamig ang kanyang nakita. Napatitig ang isa sa mga gwardya sa kanya at hinintay ang kanyang pagdating. Pumasok siya sa loob ng salaming pintuan at naglakad sa gitna nilang dalawa.
"Sir pasensya na, kailangan niyo pong tanggalin ang maskara," paalala ng isa.
Tinanggal ni Dylan ang kanyang maskara ng biglaan. Isinuot niya iyon sa ulo ng gwardya sa kanyang kanan at sinipa siya palayo. Bubunot na sana ng baril ang gwardya sa kanyang kaliwa ngunit niyakap niya ito at binura ang kanyang ulirat sa pamamagitan ng aparato na nakakabit sa kanyang kanang kamay. Napatitig na lamang sa kawalan ang gwardyang iyon bago humiga sa sahig. Tinanggal naman ng gwardyang nakasalampak sa kaliwa ang maskara sa kanyang mukha at akmang tatayo. Inapakan ni Dylan ang kanyang leeg at hinawakan din ang memory gene nito. Matapos noon ay kinuha niya ang ID card sa bulsa ng kanyang biktima at naglakad patungo sa elevating platform sa gitna ng malawak na receiving area.
BINABASA MO ANG
Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #Trailblazers
Science FictionTaong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawagin ay memory gene. Ang aparatong ito ay tila isang hard drive device na may kakayahang i-tala ang lahat ng mga pangyayari ng isang host mula...