Chapter 21: March of the Dead (Ang Martsa ng Kamatayan)

732 34 2
                                    

"I recognize in thieves, traitors and murderers, in the ruthless and the cunning, a deep beauty - a sunken beauty."
-Jean Genet


"N-nasaan ako?" wika ni Dylan nang ibukas niya ang kanyang mga mata. Sa tabi ng batuhan sa gilid ng lawa siya nagising. Nakahiga siya sa luntiang damo at ginawa niyang unan ang malaking bato na iyon. Tiningnan niya ang paligid, napakaganda ng lugar na iyon na napapaligiran ng mga matatayog na puno. Ang hangin ay umiihip ngunit tila napakabagal ng lahat. Lumilipad ang mga ibon sa mabagal na paraan. Ang pag-ugoy din ng mga sanga ng puno ay napakabagal. Tiningnan niya ang kalangitan. Ang mga ulap ay muling bumabalik sa kanilang puwesto matapos nitong gumalaw ng kaunti.

"A-ano ito?" tanong niyang muli. Tumayo siya sa normal na paraan ngunit ang kanyang buhok ay parang inuugoy lamang sa mabagal na paraan. Para bang nasa ilalim siya ng tubig ngunit nakakahinga naman siya.

"Gising ka na pala." Isang boses ng lalaki ang kanyang narinig. Tumalikod siya at doon ay nakita niya ang isang lalaki na nakaputing sweater at asul na maong. Nakayapak siya, maikli ang kanyang buhok at nakangiti siya na parang isang pusa. Nakangiti din ang kanyang mga mata na animo'y hindi na makita. Nakapamulsa ang kanyang kaliwang kamay habang ang kanan naman ay may hawak na isang sanga. May nag-iisang dahon sa sanga na iyon. Pinanood naman ni Dylan ang pagkalagas ng ahon na iyon. Nang bumagsak ito sa damuhan ay nagsimulang kumalat ang kawalan. Naging puti ang lahat, nawala ang malaking bato sa gitna nilang dalawa. Ang lawa ay nawala at ang kagubatan ay naglaho.

"Nasaan ako?" tanong muli ng binata. Nagbago ang kanyang suot. Naging itim na t-shirt at kulay putik na pantalon naman sa kanyang pang-ibaba. Ang kanyang sapatos ay naging itim din. Ang lalaki naman na kanyang kausap ay nagbago din ng kasuotan. Naging longsleeve iyon na puti at itim na pantalon. Nakayapak pa rin siya.

"Nasa loob ka ng iyong memorya," sagot ng lalaking iyon.

"Nananaginip na naman ako," tugon naman ni Dylan. Tumalikod siya ngunit kawalan lamang ang kanyang nakita. Ang lahat ay puti, maging ang inaapakan niya ay puti din. Muli siyang humarap sa lalaki ngunit wala na siya doon.

"Marami kang tanong...marami kang gustong malaman," wika ng lalaki na sa pagkakataong iyon ay nasa lugar kung saan tumalikod si Dylan. Iwinasiwas nito ang sanga na hawak at naglabasan naman sa kanyang kaliwa at kanan ang mga kahon na tila mga hologram screen. Ang lahat ng iyon ay patungo kay Dylan.

"Ano ang mga 'to?" tanong muli ng binata.

"Mga alaala...mga alaalang binura sa iyong katauhan. Gusto mo bang malaman? O kung ayaw mo...okay lang. Hindi naman 'yon kawalan sa akin," sagot ng lalaki.

Pumapalibot na sa kasalukuyan ang tila mga hologram screen na mga video. Tinitigan ni Dylan ang ilan sa mga ito. Naglakad siya patungo sa isa kung saan ipinapakita ang isang batang naglalaro ng niyebe kasama ang isang babae na nakasuot ng magara at makapal na kulay asul na damit. Nakasuot din siya ng isang asul na malaking sombrero. Sinubukang hawakan ni Dylan ang hologram screen na iyon. Ang daliri pa lamang ang dumampi sa screen ngunit para bang hinigop na siya nito. Nag-iba ang kanyang paligid, nagkaroon ng niyebe, ng malaking puno sa kanyang harapan at isang lawa na naging yelo na ang tubig. Sa malayong banda ay nakita niya ang isang malaking bahay na kulay puti din. Bumabagsak ng kaunit ang mga niyebe ngunit hindi naman siya nilalamig. Naglakad siya ng dahan-dahan sa likod ng puno na iyon at nakita ang batang lalaki na naglalaro ng niyebe. Binibilog niya ito at tila gumagawa ng malaking snowman.

"Hindi mo naaalala, pero nararamdaman mo...tama ba?" sumulpot ang lalaking iyon sa gillid din ng puno. Nakasandal pa siya habang nakatingin sa batang lalaki na naglalaro ng niyebe. Maya-maya pa ay lumapit na ang isang magandang babae na nakasuot ng asul na panlamig at sombrero.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon