Chapter 4: Unusual Story (Hindi Karaniwang Kwento)

2.2K 81 7
                                    

Heavy hearts, like heavy clouds in the sky, are best relieved by the letting of a little water.

-Christopher Morley


November 1, 2280 - 9:52 AM - Makati City Bidder District - 18°C


"Natatakot ako...natatakot ako na baka isang araw, wala na akong maramdaman. Buhay pa ako pero wala na akong maramdamang sakit, saya...at takot," wika ni Dylan. Dahan-dahan niyang kinuha ang twalya na nakasabit sa bakal na sampayan sa gilid ng shower room ng kanyang malaking banyo. Sa labas ng shower room na iyon ay nakikinig lamang si Brigand, ang kanyang butler. Hawak nito ang isang aparato na kung titingnang maigi ay isang blow dryer. Wala itong kable para isaksak sa kuryente. Muli itong nakikinig sa sentimyento at malungkot na kwento ng binata. Napatingin na lamang ito sa binata nang siya ay lumabas na sa shower room na iyon at nakatapis lamang gamit ang twalya. Inabot niya dito ang hair dryer at kinuha niya naman ang isang tray na naglalaman ng mga mamahaling pabango.


"Ang takot ay nasa isip lamang...'di po ba?" tanong naman ni Brigand.


"Oo...pero ang takot ay nagiging bangungot kapag hinayaan," sagot ng binata. Tila pumipili pa ito ng pabango na kanyang gagamitin. Pinili niya ang isang kulay itim na bote, tinanggal niya ang takip na ito at inispray sa kanyang katawan. Maya-maya pa ay napabuntong hininga siya habang dahan-dahang ibinabalik ang pabango na iyon sa tray na hawak ng kanyang butler. Matapos noon ay napahawak siya sa kanyang ulo at tila nahilo.


"Ayos lang po ba kayo master Ford?" pag-aalalang tanong ni Brigand.


"Ah...oo pasensya na. Marami lang siguro akong nainom kagabi."


"Ayos lang naman po kung hindi tayo tumuloy. Ipapa-cancel ko na lamang po ang lahat ng nasa schedule niyo at pagpapahingahin ang driver at bodyguard."


"Hindi, 'wag na Brigand. Salamat. Kailangan ko siyang dalawin dahil kung hindi...baka ako ang dalawin niya," pabirong tugon ng binata. Napangiti naman ang kanyang butler at bahagyang yumuko. Muli namang hinawakan ni Dylan ang kanyang ulo at pasaglit-saglit na nakakakita ng ilang mga imahe ng nakaraan sa kanyang isipan. Muli niyang hinawakan ang likurang parte ng kanyang ulo kung saan nakalagay ang kanyang memory gene at hinimas ito. Huminga na lamang siya ng malalim at muling tumingin kay Brigand. Kinuha niya ang blower sa mesa at ginamit iyon upang patuyuin ang hindi kahabaan na niyang buhok.


"May pamilya ka ba Brigand?" tanong ni Dylan sa matandang butler. Napangiti na lamang si Brigand habang hinahanda ang isusuot na damit ng binata.


"Wala na sila master Ford. Wala na akong kinilalang pamilya bukod sa inyong ama. Parang kapatid niya na ako kung ituring. Parang katulad ng pakikitungo niyo sa akin na parang isang ama, parang isang pamilya," kwento niya. Napangiti naman si Dylan at kinuha ang pantalon na hawak ng kanyang butler. Pumasok muna siya sa isang kwarto upang isuot ang pantalon na iyon.


"Ang ibig kong sabihin...ang 'yong ina. Ama, mga kapatid siguro? Mayroon ba?" tanong ng binata habang nakasilip mula sa pintuan ng magarbong kwarto na iyon. Napatingin naman sa kawalan si Brigand at pilit na inalala ang lahat.


"Mayroon kaming malawak na lupain sa Siquijor at sa Davao. Ang Davao sa aking ama, at ang Siquijor sa aking ina. Pagsasaka ang kinabubuhay ng aking ama sa Davao..."

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon