Chapter 15: A Shadow's Blood (Ang Dugo ng Isang Anino)

965 39 7
                                    

"Whoever fights monsters should see to it that in the process he does not become a monster. And if you gaze long enough into an abyss, the abyss will gaze back into you."

-Friedrich Nietzsche


September 16, 2267 – De La Salle University – 8:30 AM - 10°C

Nakaupo lamang si Dylan sa isang pahabang upuan na gawa sa bakal. Suot ang isang makapal na itim na jacket na gawa sa makapal na balahibo ng isang hayop. Gamit niya din ang isang sombrero na makapal upang protektahan ang sarili mula sa lamig. Nilalaro ang paa at para bang gumuguhit ng isang larawan sa pamamagitan ng paghawi ng niyebe sa semento. Nakatayo lamang si Brigand sa kanyang harapan, posturang-postura sa kanyang tindig at suot na puting uniporme. Pinapanood din niya ang ginagawa ng bata. Maya-maya pa ay isang bungkos ng niyebe ang bumagsak sa kanyang balikat galing sa puno. Tumawa ng malakas si Dylan ngunit hindi naman gumalaw si Brigand. Ngumiti lamang ito saglit tumingin sa kanyang ama.

Sa pagkakataong iyon ay kinakausap na ni James Ford ang principal ng elementarya. Hindi maganda ang takbo ng kanilang pag-uusap, alam iyon ni Brigand. Naririnig niya kahit malayo pa ang kanilang pagitan. Muli siyang tumingin sa batang si Dylan na tawa pa rin ng tawa.

"Bakit hindi? Babayaran ko naman kayo ng malaki! Mas malaki pa sa ibinabayad ng ibang mga magulang dito!" bulyaw ni James Ford. Halata ang kanyang panggigigil dahil sa pagkakakapit niya sa kanyang tungkod. Suot niya ang isang mahaba at makapal na coat. Top hat naman ang suot niya sa kanyang ulo.

"M-Mr. Ford...maniwala po kayo, gusto naming tanggapin si Dylan para mag-aral sa eskwelahang 'to pero..."

"Pero ano? Ayaw niyo siyang tanggapin dahil inampon ko siya?!" putol ng matandang lalaki.

"Hindi po sa ganoon. Wala po kasi siyang memory gene. Baka isipin ng ibang mga teachers...mga magulang at ng mga estudyante dito eh bid siya," paliwanag ng principal. Malungkot ang guhit sa kanyang mukha. Nilalaro naman niya ang kanyang mga daliri dahil sa labis na kaba.

Tumalikod naman ang matandang lalaki at hinimas ang kanyang sintido. Maglalakad na sana si Brigand patungo sa kanya ngunit agad sumenyas ang matanda na huwag na siyang lumapit pa. Tumigil na lamang muli si Brigand at tumingin sa bata. Tila nag-alala naman si Dylan sa ipinapakita ng kanyang kinikilalang lolo. Nalukot ang kanyang mukha, yumuko na lamang at muling gumuhit sa semento gamit ang kanyang mga paa.

"Pasensya na...akala ko kasi ay hindi namimili ang eskwelahan na ito. Akala ko magandang edukasyon ang ibinibigay niyo. Mukhang nagkamali na naman ako," muling sambit ni James Ford.

Naglakad siya patungo sa kinaroroonan ni Brigand ngunit napatigil din nang magsalita ang principal.

"Mr. Ford, naiintindihan ko po na marami na kayong napuntahang eskwelahan. Nagsimula na rin po ang school year. Pasensiya na po talaga kung hindi namin siya matatanggap," sambit niya.

"Kailan pa naging sukatan ang pagkakaroon ng memory gene para magkaroon ng edukasyon?" bulong niya. Naglakad nang muli ang matanda matapos bigkasin ang mga huling salitang iyon.

"Tayo na!" matigas niyang sambit. Agad namang yumuko si Brigand at nilapitan si Dylan. Tumayo naman ng mag-isa ang bata at naglakad kasabay ang kanyang lolo.

"Hindi pa rin po ba ako makakapag-aral?" bulong ng batang si Dylan. Nagsalubong naman ang kilay ng matandang lalaki habang pinagmamasdan ang mukha ng bata.

"Makakapag-aral ka, higit pa sa pinag-aaralan ng mga bata dito. Hindi mo kailangang ipagpilitan ang sarili mo sa maduming lipunan na 'to," tugon ni James Ford. Sa kanilang paglalakad ay nadaanan nila ang grupo ng mga estudyante at mga magulang na abala sa pag-aasikaso ng kanilang mga anak sa pagpasok. Lahat sila ay may kulay berde na makakapal na jacket. Tinitigan ni Dylan ang mga batang iyon habang inaabot ang kamay ni Brigand. Hinawakan naman ng butler ang kamay ng bata at tiningnan din ang mga magulang na abala sa pag-aasikaso sa kanilang mga anak. Lahat sila ay may memory gene, lahat sila ay mga bidder. Napansin ng isang bata na walang memory gene si Dylan. Agad na nagbulungan ang iba pang mga bata. Miski ang mga magulang ng mga batang iyon ay tinitigan siya. Natatawa ang iba, ang iba ay nakasimangot. Ang iba naman ay para bang nagmamalaki.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon