Faithful are the wounds from a friend, But deceitful are the kisses of an enemy.
-Proverbs 27:6
"Ito na ang panglabing-walong biktima ni Black Out...ngayong gabi nga ay natutunghayan natin sa aking likuran ang mga pulis na nag-iimbestiga dito sa Grand Solaire Casino, ang pagkamatay at pagbura ng memorya ni Christine Buena, ang asawa ni Philipe Buena na tumatayong head ng Bureau of Customs. Malabo umano ang anggulong away sa pulitika o trabaho ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang asawa. Ito marahil ay direktang pag-atake na sa MEMO, sa mga bidder at sa gobyerno ayon na rin mismo sa palasyo," iyon ang mga sinabi ng isa sa mga reporter sa harapan ng enggrandeng gusali habang nakatutok sa kanya ang isang camera. Ang ilan pang mga reporter ay nasa kanya-kanya ding pwesto upang ipahayag sa publiko ang kanilang balita. Sa isang sulok naman ng malaking parking lot na iyon ay nagpupuyos sa galit at hinagpis si Philipe, and asawa ng biktima.
Tila pinaglalaruan naman ni Dylan ang kulay berdeng poker chip sa kanyang kanang kamay habang pinapanood mula sa malayo ang nagwawalang lalaki. Matalas ang pagkakatitig niya, tila wala namang kaalam-alam si Mr. Philipe na malapit sa kanya ang taong gumawa ng krimen na iyon sa kanyang asawa.
"Bakit hindi niyo mahanap ha?! Bakit?! Wala bang ebidensya?! Magsalita kayo! Binabayaran kayo ng gobyerno para gawin ang mga trabaho niyo! Bakit Hindi niyo gawin!!" bulyaw ni Mr. Philipe. Tumatalsik pa ang kanyang laway at halos bumuhos pa ang kanyang luha habang binubulyawan ang mga imbestigador na nakatayo sa kanyang harapan. Nakayuko na lamang ang mga imbestigador na iyon, wala silang magawa kundi tumahimik na lamang at makinig sa sinasabi ng lalaki. Wala silang maisagot, walang naiwang ebidensya kung saan huling nakita ang wala nang malay na katawan ni Christine. Maya-maya pa ay napaluhod na lamang sa nagyeyelong simento si Mr. Philipe. Napahagulgol na lamang siya habang dahan-dahang ibinababa ng ilang mga pulis ang katawan ni Christine gamit ang stretcher. Sa pagkakataong iyon ay tumayo na si Dylan mula sa pagkakaupo sa hood ng kanyang limousine upang puntahan ang naghihinagpis na kaibigan. Agad niyang inakay sa kanyang bisig si Mr. Philipe, tila pilit niyang itinatayo ang lalaki. Nakapwesto lamang siya sa kanyang likuran habang siya'y binubuhat.
"Mr. Philipe...tama na," wika ni Dylan. Blangko lamang ang kanyang ekspresyon habang pilit na binubuhat ang lalaki. Tila naglulupasay naman ang lalaki na kanyang inaakay sa semento. Kumalat pa ang mga piraso ng niyebe sa paligid dahil sa paglulupasay niya. Tila naalala naman ni Dylan ang ilang detalye ng pagkamatay ng kanyang ina dahil sa mga piraso ng niyebe na lumipad sa hangin. Pumikit na lamang siya at pilit na inalis sa kanyang isipan ang malinaw na imahe ng kanyang ina.
"Tama na Philipe! Nakakahiya sa mga reporters! Ayusin mo ang sarili mo!" saway ni Dylan. Sa pagkakataong iyon ay nahimasmasan naman si Mr. Philipe. Lalo pa nang makita niya ang mga camera na nakatutok sa kanya. Agad niyang pinunasan ang kanyangluha at tumayo. Tila padabog naman niyang tinanggal ang braso ni Dylan mula sa pagkakakapit at naglakad palayo. Matutumba pa siya ngunit agad niyang ikinalang ang kanyang kamay sa malapit na poste.
'Ngayon alam mo na siguro kung ano ang pakiramdam ng mawalan ng minamahal Philipe, pero kulang pa 'yan,' iyon ang mga salitang binibigkas ng isipan ng binata habang nakatingin sa papalayong lalaki.
"Master Ford?" wika ni Brigand na kadarating lamang habang bitbit ang kanyang itim na brief case. Agad din niyang binuksan ang bitbit na itim na payong upang gamiting panangga sa bumubuhos na niyebe. Patuloy lamang na tumitig si Dylan sa papalayong si Mr. Philipe, ngumiti sya ng bahagya ngunit agad niya iyong pinawi nang makita ang wala nang malay na katawan ni Christine na ipinapasok na sa isang malaking glass tank sa loob ng isang hover truck.
BINABASA MO ANG
Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #Trailblazers
Science FictionTaong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawagin ay memory gene. Ang aparatong ito ay tila isang hard drive device na may kakayahang i-tala ang lahat ng mga pangyayari ng isang host mula...