Chapter 12: Burn Baby! Burn!

1.1K 43 7
                                    

What difference does it make to the dead, the orphans, and the homeless, whether the mad destruction is wrought under the name of totalitarianism or the holy name of liberty or democracy?

-Mahatma Gandhi


Ang mga tao ay tumigil sa pagtakbo at tumingin sa hologram image ng lalaking nakaitim, nakamaskara ng gas mask at nakapulang salamin. Nakatigil sila ngunit nababalutan ng takot ang kanilang mga mukha. Nakatulala lamang din si Dylan at ang kanyang butler na si Brigand. Tila nagtataka at napapaisip kung sino ang may kagagawan ng delubyong iyon.

"B-Black Out..." wika naman ni Inspector Robert Vega nang makita ang imahe sa hologram screen. Agad namang lumingon si Dylan sa kinaroroonan ng inspektor. Nang magtama ang kanilang mga mata ay nagulat naman ang inspektor.

"Ibig sabihin, mali ako ng inaakala..." wika ng inspektor. Agad namang pumaling ng tingin ang binata sa mga tao sa paligid. Nagsimula silang mapaatras nang itaas ng nagpapanggap na Black Out ang isang aparato na may pulang pindutan.

"Hindi nauubos ang tao, hindi ito mauubos dahil sa memory gene. Ang mukha ng kahirapan ay wala sa mga bid kundi nasa mga bidder. Ang mga bidder ay parang mga pansala ng lipunan, sinasala nila ang yaman na naiipon lamang sa kanila. Ni isang patak ay hindi na nakakarating sa kanilang ibaba. Para lang tayong mga apakan ng kanilang mga madudungis na paa. Para tayong mga basahan upang linisin ang kanilang mga nanlilimahid na katawan," wika ng nagpapanggap na Black Out. Tila napasimangot naman si Dylan sa kanyang napapanood.

"Hindi iyan ang hangarin ko...wala akong pakialam sa mga taong nahihirapan. Hindi ako ang tagapagligtas nila," bulong ni Dylan.

"Master, kailangan na nating umalis. Delikado na po dito," putol naman ni Brigand.

"Kailangan kong malaman kung sino ang taong 'yan. Pagbabayaran niya ang ginawa niyang paggamit sa pangalan ko," wika ng binata.

"Dylan! Tara na, hindi na ligtas sa lugar na ito!" Humahangos ng takbo si Inspector Vega sa kanilang kinatatayuan. Agad niyang inalalayan ang binata sa paglalakad. Sinubukan namang maglakad ni Dylan gamit ang kanyang sariling mga paa.Agad namang nagsisunuran ang mga tao. Nagkagulo sa iilang mga pintuan upang makalabas ang mga taong naroroon. Nagtutulakan ang iba at nagbabalyahan. Wala silang pakialam sa isa't-isa. Ang gusto lamang nila sa pagkakataong iyon ay mabuhay.

"Hindi pa ba sapat ang buhay ng napakaraming bid? Hindi pa ba sapat ang pagkabuhay ninyong mga bidder sa loob ng mahabang panahon? Oras na para wakasan ang lahat. Oras na para tapusin ang kamangmangan at palayain ang mga bid," wika ng nagpapanggap na Black Out. Ang mensaheng iyon ay nagsimula namang kumalat sa buong bansa. Ang telebisyon ang nagsilbing pintuan ng mga tao sa pangyayaring iyon. Naagsimulang icover ng media ang labas ng PICC. Ipinapakita rin sa buong bansa ang mensaheng ipinaparating ng kawatan dahil sa mga security camera ng buong lugar. Nabalot ng takot ang mga bidder. Iyon na marahil ang simula ng paglaban ng mga bid sa maling sistema. Sa pagkakataong iyon ay hindi na sila mananahimik.

"Nagsimula nang kumilos si Black Out! Para sa atin! Anong gagawin natin? Mananahimik na lang ba tayo dito?!" tanong ng isang bid sa kanyang mga kasamahan. Agad namang nagtayuan ang kanyang mga kasamahan habang pinapanood ang balita gamit ang isang lumang hologram TV. Nawawala-wala man ang signal nito ay naging malinaw pa rin ang mensahe na ipinaparating ng nagpapanggap na si Black Out.

"Hindi na tayo puwedeng manahimik! Lumabas na si Black Out! Ito na ang pagkakataon natin mga kasama!" wika naman ng isa pa.Sa kaibuturan ng kanilang puso ay may sumidhing nagngangalit na apoy. Napaluha ang iba at ang iba ay tila galit ang ipinakita.

"Lalaban na tayo! Hindi na nila tayo puwedeng patahimikin!" sigaw ng isang matandang bid.

"OO!" sigaw ng lahat.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon