Chapter 30: The Last Laugh (Ang Huling Halakhak)

560 22 0
                                    

"You're different. Sooner or later, different scares people. You think if you don't fight back then maybe they'll like you, stop picking on you and calling you a freak. Victim or not, make a decision."

-The Accountant


"Natatakot ka ba? 'Yon ang tanong niya sa akin. Hindi man ako makapagsalita ay tumango na lang ako para lang sumagot. Walang silbi ang takot kung hindi mo mararamdaman ang lahat," sambit ni Dylan habang isinusuot ang isang puting t-shirt.

Mula naman sa kadiliman ay sumulpot si Victor, nakangiti at napapailing.

"Natakot ka nga ba?" tanong niya.

"Ano nga ba ang silbi? Naroon ako, nakahiga, naghihintay...na maramdaman ang sakit, na mawala sa sarili, na mawalan ng pakiramdam. Na maging katulad ng kadiliman na ibinigay mo sa akin," sagot naman ni Dylan. Hinawakan naman siya sa balikat ni Victor bago siya nilampasan.

"Alam mo ba kung gaano ako katakot noong mga panahon na iyon Dylan?" tanong ni Victor. Kinuha niya ang isang bote ng scotch at isinalin sa isang maliit na baso bago iyon angatin ng kanyang kanang kamay.

"Alam ko...ipinakita mo sa akin," sagot ng binata. Sa isang iglap ay hawak na ni Dylan ang baso sa kanyang kanang kamay at nilagok ang laman nito. Hindi naman makita sa paligid si Victor na tila ba naging anino lamang sa madilim na kwartong iyon.

"Ang lahat ng tao ay takot sa kamatayan..."

Lumitaw muli ang boses at sa sofa sa gitna ng kwartong iyon nakaupo si Victor. Tila nilalaro ang tatlong piraso ng baraha sa kanyang mga daliri. Ipinapakita ang tatlong baraha ng queen, king at jack at sa isang pitik ay nagiging tatlong king.

"Kaya tingnan mo, hindi tayo mapakali sa mga gamot, mga pampabata, mga pangontra sa sakit...hanggang sa mabuo ang memory gene. Isang kahangalan ang paniwalaan na ang kumitil ng isang buhay ay ang pahabain ang isa pang buhay," pagpapatuloy ni Victor. Napakunot naman ng noo si Dylan at kinamot ng madiin ang kanyang memory gene habang nakapikit.

"Kaya ka nila ginawa?" tanong ni Dylan. Tinanggal niya ang kamay sa sinumpang aparato at muling lumagok ng scotch. Naglakad naman si Victor patungo sa mesa sa kanyang tabi at inilapag ang tatlong baraha.

"Pumili ka sa tatlong baraha." Inilapat niya ng nakataob ang mga baraha. Pinili naman ni Dylan ang baraha sa kanan. Kinuha niya iyon at nakita ang panibagong mukha nito. Isang payaso na animo'y nagsasayaw ang kanyang nakita kung saan nakalagay sa ilalim ang katagang 'Joker.'

"Ano ang iniisip mo?" tanong ni Victor. Kinuha naman ni Dylan ang dalawa pang natitirang baraha. Nakalagay doon ang dalawa pang joker. Napangiti siya saglit bago ilapag ang tatlong baraha at lumagok muli ng scotch.

"Alam mo kung ano ang iniisip ko. Dahil iyon ang kakayahan mo." Nagtungo siya sa gitna ng sala upang kunin ang isang tila salamin na hugis parihaba. Pinindot niya ang gilid nito at doon ay umilaw ang mga boton na tila hologram. Pinindot ni Dylan ang isang boton at bumukas naman ang isang hologram screen.

"Iniisip mong tapusin ang lahat ng ito?"

"Iyon naman ang gusto mong mangyari hindi ba? Ang maging ligtas sila," sagot ng binata.

"Pero iba ang gusto mo."

"Nakuha ko na kung ano ang gusto ko."

"Nakuha mo na nga...pero hindi mo matanggap ang katotohanan," tugon ni Victor. Umupo siyang muli sa sofa at pinanood ang mga balita sa hologram TV. Pinapakita naman sa balita ang malawak na pinsalang naganap dahil sa ginawa ni Dylan. May mga taong nadamay at hinuhukay ng mga rescuer, mga pulis at militar na nakakalat at mga taong patuloy na nakikiusyoso. Halos hindi na malaman kung EDSA pa nga ba ang lugar na iyon dahil sa pinsalang naganap. Napakaraming malalaking piraso ng bakal na umuusok ang nakabalandra lamang sa highway. May gusaling halos matumba na at tumukod na lamang sa katabing gusali. Nagkabitak-bitak ang daan at ang mga bakal na pundasyon ay tila mga butong umusli sa kanilang mga katawan. Napasimangot na lamang si Dylan habang naririnig naman sa kanyang likuran ang pagngisi ni Victor.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon