"An invisible barrier separated him from the rest of the world. He was — he had always been — a marked man."
- J.K Rowling, Harry Potter and the Order of the Phoenix
Isang lagok ng scotch at agad na lumuwag ang paghinga ni Dylan. Nakakunot pa rin ang kanyang noo habang palakad lakad gamit ang kanyang tungkod sa loob ng malawak na kuwarto kung saan naroroon ang isang bukas na hologram TV. Pinapanood pa rin niya ang mga balita at ang delubyong dulot na ginawa ng impostor na Black Out. Marami ang sugatan ngunit walang namatay. Malaking gulo ang ginawa ng pagpapasabog ng west wing ng PICC. Bilyong piso din ang nawala at nasayang dahil na rin sa delubyong naganap. Maya-maya pa ay muli siyang lumapit kay Brigand na hawak lamang ang bote ng scotch. Agad niya iyong kinuha at muling nagsalin ng alak sa kanyang maliit na pilak na baso.
Isang kidlat naman ang gumuhit sa labas ng bintana ng malaking kuwartong iyon. Hindi man umuulan ng malakas o mabibigat na piraso ng niyebe ay tila mababa naman ang ulap. Muling napapikit si Dylan habang sinusubukang kalmahin ang sarili.
"Master...kung okay lang po..."
"Iwan mo muna ako Brigand," putol ng binata. Tila nagulat naman si Brigand sa kanyang narinig. Ngayon niya lamang narinig mula kay Dylan ang mga salitang iyon. Wala siyang nagawa kundi ang yumuko at maglakad palabas ng kuwarto. Dahan-dahan namang tumungo si Dylan sa isang maliit na lamesa upang ipatong ang bote ng scotch. Bitbit ang baso na naglalaman ng lason para sa kanyang katawan ay naglakad siya sa bintana. Sa labas ay nakikita niya ang mga ilaw na naglalaro mula sa malawak na siyudad. Ang mga nagtataasang gusali ay halos hindi na mabilang. Humaharang ang mga iyon sa iba pang mga gusali na nasa likuran ng mga ito, dahilan kung bakit hindi na matanaw ang kalangitan na nagbabadya ng isang malakas na bagyo. Sunod-sunod naman ang mga heli ship na nagliliparan, tila mga ibon na hindi mapakali dahil sa gulong nangyari sa tahimik ngunit maruming kagubatan na kanilang pinamumugaran.
"...hindi mabilang na mga miyembro ng militar ang idinedeploy ngayon sa iba't-ibang panig ng bansa dahil nga sa nangyaring gulo. Pinirmahan naman ng pangulo ang ilang mga kasunduan mula sa Europa at maging sa karatig bansang Japan at South Korea upang pabilisin ang pagproseso ng pagtanggap ng mga unit ng prototype. Tinututukan naman ng America ang nangyaring delubyo bilang isang terrorist attack, black listed na ngayon ang tinaguriang memory eraser na si Black Out ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon sa tunay niyang pagkakakilanlan."
Tila napakamot sa kanyang ulo ang binata nang marinig ang reporter na iyon sa hologram TV. Napailing siya at muling lumagok ng scotch. Paulit-ulit n ailing na para bang tinatanggal ang kanyang hilo habang nakapikit. Napa-upo na lamang siya sa sahig at ang tungkod na kanyang hawak ay kanyang nabitawan. Humampas sa sahig ang kanyang tungkod dahilan ng pag-alingawngaw ng tunog nito sa apat na sulok ng malawak na kuwartong iyon.
"Walang silbi..." bulong niya sa kanyang sarili. Tila isang patay sa gitna ng kadiliman, iyon ang kanyang nararamdaman. Muli siyang tumingin sa malawak na kadiliman ng kuwartong iyon na ang tanging ang hologram TV lamang ang nagsisilbing liwanag. Tila isang katotohanan na nagbibigay liwanag sa madilim na aninong iyon ang mga balita na walang tigil sa pagsambit ng delubyong nangyari.
Lumagok siyang muli ng huling patak ng lason sa kanyang maliit na pilak na baso. Matapos lagukin ay tinitigan niya ang babasaging basong iyon. Isang hiyaw ang kanyang narinig sa kanyang isipan habang tinititigan ang basong iyon.
"TAMA NAPO! MAAWA PO KAYO SA AKIN! TAMA NA!"
Isang malabong imahe sa kanyang isipan ang kanyang nakita. Ang kanyang pagpupumiglas. Ang mga ilaw na nakatutok sa kanyang ulunan at ang mga taong walang emosyon na nakapaligid sa kanya habang nakatakip ang kanilang mga mukha ng mga puting tela. Isang malinaw na imahe ng mga tubo sa kanyang ulo at ang babasaging tangke na naglalaman ng kung ano-anong likido. Ang mabagal na paghinga dulot ng respirator ay unti-unting bumibilis. Iminulat niya ang kanyang mga mata at sa pagsayaw ng tubig mula sa ibabaw ng tangkeng iyon ay nakita niya ang isang pamilyar na mukha. Ang kanyang kinikilalang ama. Ang kanyang lolo. Puno ng pagkamuhi, awa at galit ang kanyang nakikita sa mukha nito.
BINABASA MO ANG
Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #Trailblazers
Science FictionTaong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawagin ay memory gene. Ang aparatong ito ay tila isang hard drive device na may kakayahang i-tala ang lahat ng mga pangyayari ng isang host mula...