Chapter 9: Written in Blood (Isinulat sa Dugo)

1.2K 46 25
                                    

When I saw corruption, I was forced to find truth on my own. I couldn't swallow the hypocrisy.

-Barry White


Isang maling galaw lang at maaaring ipahamak ni Black Out ang sarili niyang buhay. Isang katiting na kiliti ay maaaring mahigit ng inspektor ang hawak niyang baril. Tinitigan niyang maigi ang kanyang kaaway habang hinihintay ang susunod na gagawin ng kawatan sa kanyang harapan. Unti-unting lumalabas sa kanyang bibig ang mainit na hininga at dahil naman sa malamig na temperatura ay nagiging usok ang bawat hinga na iyon.


"Gusto mo ba talaga akong patayin, inspektor?" tanong niya. Napangiti naman si Inspector Vega habang nakatitig ng matalim sa kanya.


"Dahil kung hindi ay mauunahan kita," dagdag pa niya. Sa pagkakataong iyon ay ipinutok na ng inspektor ang kanyang baril. Yumuko naman si Black Out at inilabas mula sa kanyang bulsa ang kaliwang kamay. Tuluyan ding nabasag ang salamin na bintana sa kanyang likuran. Agad kinabahan ang inspektor dahil sa pag-amba nito upang makatakbo patungo sa kanya.


"Anak ng..."


Sa pag-aakala na tatakbo ito patungo sa kanya, muli niyang ipinutok ang kanyang baril ngunit sa direksyon kung saan siya tutungo. Agad namang tumalon patalikod si Black Out at mula sa bintana ay tuluyan nang nagpasukan ang mga butil ng niyebe. Tila nilamon naman ng dilim si Black Out at tuluyan nang nawala. Nagbagsakan na lamang ang mga salamin sa sahig at naiwang nakatulala ang presidente at si Inspector Vega.


"Pambihira!" bulyaw ng inspektor. Agad siyang tumakbo patungo sa bintana ngunit wala siyang nakita kundi ang nagyeyelong kapaligiran. Maging ang bakas ng kanyang mga paa ay nawala din. Agad na kumalabog ang pintuan at nagpasukan naman ang tatlong pulis na nakasuot ng fiber glass na helmet at itim na uniporme.


"Sir?!" Agad na sumaludo ang isa at tumayo ng matuwid.


"Nasaan ba kayo tuwing nangyayari ang gulo?! Mga walang silbi talaga kayong mga pulis kayo! Darating na lang kayo kapag tapos na ang gulo!" sigaw niya. Wala siyang magawa kundi isukbit ang baril sa kanyang likuran at alalayan ang presidente sa pagtayo.


"Ayos lang po ba kayo?" tanong niya. Hindi naman nakapagsalita si Nico Rivera na sa pagkakataong iyon ay nanginginig na. Inalalayan naman siya ng ispektor sa paglalakad. Nagtutunugan naman ang mga basag na salamin sa sahig dahil sa kanilang paghakbang. Napatingin naman sa sahig si Inspector Robert Vega at napansin ang isang piraso ng nabasag na salamin. May bahid ng dugo ang salamin na kamuntikan niya nang maapakan. Napangiti na lamang siya at napailing.


Kinuha niya ang piraso ng salamin na iyon at tinitigan iyong maigi. Napatingin naman ang mga pulis sa kanya maging ang presidente ng Pilipinas na si Nico Rivera. Napangiti siya ngunit kitang-kita sa kanyang noo ang tagaktak na pawis dahil sa labis na takot.

_______________________________

Paika-ikang naglakad si Dylan sa gitna ng kalsada. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng niyebe at lumalakas pa ito sa bawat hakbang na kanyang ginagawa. Bumibigat din ang kanyang mga hakbang dahil sa makapal na yelo sa daan. Kita naman niya mula sa malayo ang mga pulis na nagsisimula nang galugarin ang buong lugar. Napatingala na lamang siya habang pinagmamasdan ang pagbagsak ng makapal na niyebe sa mga matataas na gusali na nakapaligid sa kanya. Maya-maya pa ay narinig niya ang pag-iyak ng mga sirena sa paligid. Tumingin siya sa kanyang kaliwa at doon ay nakikita niya ang paparating na hover car. Kitang-kita din ang ilaw na pula at asul sa ibabaw nito. Agad siyang nagtago sa isang gilid ng eskinita at hinintay ang pag-alpas ng hover car na iyon.

Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #TrailblazersTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon