"A man who stands for nothing, will fall for anything."
-Malcolm X
"Binarikadahan na ng pwersa ng mga pulis at militar ang buong gusali ng Fort Mansions sa pagtatangkang hanapin ang katawan ni Black Out..."
"At ngayon nakikita niyo nga sa aking likuran ang pagdagsa ng napakaraming mga tao. Lahat ay gustong malaman kung patay na nga ba ang tinaguriang memory eraser na si Black Out,"
Maraming taga-media ang pumunta sa lugar na iyon sa loob ng The Fort Bidder District. May mga linya ng hologram chord kung saan nakalagay ang mga katagang 'Police Line: do not cross.'
Napapalibutan ng mga militar at pulis ang cordon na iyon at walang sinuman ang puwedeng pumasok kundi ang mga may katungkulan sa gobyerno at mga kapulisan. Napakaraming mga heli ship na lumilipad sa paligid. Mga pulis, mga media at mga lider ng departamento ng gobyerno. Sa ikatatlong palapag ay sinilip ni Inspector Robert Vega ang lugar. Tumingala siya at nakita ang isang itim na tela. Senyales na doon nahulog si Black Out. Tumingin siya sa ibaba at doon nagkalat ang mga pulis. Walang bahid ng kahit ano sa semento. Walang dugo, wala ding basag na salamin sa bawat palapag.
"Imposible siyang mabuhay sa ganoon katas na palapag..." wika niya. Muli siyang pumasok sa kwarto at humarap sa mga pulis.
"Inspeksyonin niyo pa ang lugar na ito hanggang sa 2nd floor."
"OPO!" sagot ng mga pulis. Agad namang lumabas ng kwartong iyon si Inspector Vega at bumaba gamit ang fire exit. Ihinakbang niya ang kanyang mga paa pababa, bawat hakbang ay nakikita niya ang eksena sa pag-abot ng kanyang kamay sa kawatan na si Black Out. Napakunot na lamang siya ng noo at napakapit sa bakal na hawakan. Tumigil siya at muling sinulyapan ang maskara nito sa kanyang isipan. Nahuhulog siya, nahuhulog siya sa walang hanggang kadiliman at ni anino niya sa ibaba ng gusaling iyon ay wala. Sa kanyang jacket ay kinuha niya ang isang supot. Isang bala ng sniper ang nakalagay doon. May dugo pa ni Dano ang balang iyon. Kumuha ulit siya ng isa pang supot at doon naman ay nakalagay ang isang specimen ng dugo ni Black Out. Muli siyang bumaba at ipinasok ang dalawang supot sa loob ng kanyang puti at dumihing trench coat.
Putok na ang araw nang siya ay lumabas sa gusaling iyon. Nasisilayan ng araw ang isang luma at tila guguho nang gusali na halos kapantay lamang ng Fort Mansions. Kitang-kita pa ang tali mula sa rope gun na ginamit ni Black Out. Alam niya na sa sandaling iyon ay doon din pumwesto ang sniper na bumaril kay Dano.
"Sir..."
Isang pulis ang agad na lumapit at sumaludo sa kanya. Gamit naman ang kanang kamay ng inspektor ay sumaludo din siya. Kita pa ang kanyang bakal na kamay.
"Sir hindi pa rin kami makapasok sa perimeter ng Hotel Dela Rouge. Maraming bid na nagbabantay, ayaw papasukin ang mga imbestigador," wika ng pulis. Tumango na lamang ang inspektor at muling tumingala at tinunghayan ang lumang gusali sa labas ng mataas na harang ng bidder district. Napakaganda ng araw na sumisilip na sa gilid nito. Tila isang painting na iginuguhit ngunit ang katotohanan ay nasa harapan. Ang pangit na imahe ng syudad ay ang totoong estado ng kung anong klaseng gobyerno mayroon ang bansang iyon.
"Nasubukan niyo na ba silang kausapin?"
"Hindi daw sila makikipag-usap sir, magkakamatayan daw muna bago tayo makapasok doon. May mga hawak silang mga armas. Mga itak, kutsilyo at mga bote na nilagyan na ng gas. Ang sabi ng iba ay nagtatago na din ng mga baril ang ilan sa kanila," wika ng pulis na nakauniporme ng asul.
Napakamot na lamang sa kanyang batok si Inspector Vega. Tumingin sa paligid at sa mga media na nagcocover sa lugar na iyon. Iniisip na baka may makita na kahina-hinalang tao sa lugar na iyon ngunit wala. Ang lahat ay nakikiusyoso. Ang lahat ay seryoso at abala. Maging ang mga militar ay abala din sa pagbabantay. Ang iba ay napapatingala at muling titingnan ang kanilang kinatatayuan. Mamarkahan ng kanilang mga paa ang lugar na maaaring pinagbagsakan ni Black Out ngunit wala kahit na anong bahid sa sementong iyon.
BINABASA MO ANG
Project: Black Out (Philippines: Year 2300 Prequel) #Wattys2016 #Trailblazers
Science FictionTaong 2202 nang maimbento ng isang siyentipiko na nagngangalang Welder Freuch ang isang aparato na kung tawagin ay memory gene. Ang aparatong ito ay tila isang hard drive device na may kakayahang i-tala ang lahat ng mga pangyayari ng isang host mula...