“Ngayon, naiintindihan ko na kung ba’t tumataas lagi ang presyon ni Doming.”
Dahil maling gunting ang nadala ni Tekla, siya na ang pinagdala ni Julio ng malaking sako at panaling gagamitin nila sa kanilang mahuhuli. Ilang sandali pa ang lumipas, nakarinig na sila ng ingay ng baboy. Pinatahimik ni Julio sina Pulgoso, kailangang hindi sila makagawa ng ingay na bubulahaw sa baboy ramo na kanilang huhulihin. Habang nililibot ang paningin at pinakikiramdaman ang paligid upang malaman kung saan nanggagaling ang ingay ng baboy ramo, nakita ito kalaunan ni Pulgoso. Naging malawak pa ang kaniyang ngiti ngunit napawi ito ng makita niyang may taong nakahiga na walang malay at— kinakain ito ng baboy ramo. Ilang sandali pa ay nagbago ito ng anyo bilang isang tao, ngunit nakakakilabot pa rin ang itsura nito.
“May aswang!” sigaw ni Pulgoso. Naalerto naman agad sina Julio at Tekla, mabilis na lumapit si Julio kay Pulgoso, at nakita nito ang isang lalaki na tumatakbo palayo, hinabol niya ito sabay utos kay Tekla na bantayan ang patay na katawan ng naging biktima nito. Dahil sa Kyuryusidad naman ay sumunod si Pulgoso, hinawakan niya ang mutya ng ahas na nakasabit sa kaniyang leeg at umusal ng mga buhay na salita habang nakasunod kay Julio. Biglang nawala ang hinahabol nila ngunit nararamdaman nilang nasa paligid pa rin ito, at hindi ito nag-iisa.
“Tay Julio, nararamdaman niyo rin po ba ang nararamdaman ko? Mukhang marami po sila,” saad ni Pulgoso. Ilang sandali pa nga ay may naririnig na silang kaluskos sa paligid ng tila nagtatakbuhan.
“Unti-unti na silang bumabalik, pero hindi ko sila hahayaang manirahan muli rito!” saad ni Julio. Kumuha ng dahon ng isang ligaw na halaman si Julio malapit sa kaniya at umusal ng orasyon. Hinipan niya ang dahon na hawak niya at inihagis niya ito ng sobrang bilis, na halos ‘di na napansin ni Pulgoso na gumalaw ang kamay ni Julio. Narinig na lang ni Pulgoso ang isang pag-angil ng isa sa mga elemento, palatandaan na may natamaan ito.
Nagulat si Pulgoso sa ginawa ni Julio. Nagawa nitong maging sandata ang ordinaryong dahon lamang. Sinubukan niya ito ngunit parang hinipan lang ng hangin ang dahon na kinuha niya, kaya’t napakamot na lang siya ng ulo. Ilang sandali pa ay nararamdaman na nilang may mga papalapit na sa kinaroroonan nila.
“Ihanda mo ang sandata mo Pulgoso, hindi maganda ang kutob ko,” saad ni Julio. At ‘di nga siya nagkamali, pinaligiran sila ng mga ‘di kilalang lalaki, nasa walo ang bilang ng mga ito at matalim ang naging tingin sa kanila. Pinadikit ni Julio si Pulgoso sa kaniya na noon ay kabado na rin. Nanginginig ang kamay nito na may hawak na patalim, pa sekreto na rin itong umuusal ng dasal.
“Kita mo nga naman, pagkain na ang lumalapit sa'tin, at hindi lang isa, dalawa pa,” saad ng isa sa mga ito na dinilaan pa ang pang-ibabang labi na tila ba natatakam sa isang putahe. Nagbago ng anyo ang mga ito at naging mga baboy ramo at sabay na sumugod kina Julio at Pulgoso, sinalubong ito ng pagtaga ni Julio gamit ang lagaraw na hawak niya, umangil ng malakas ang kaniyang natamaan habang si Pulgoso naman at kumaripas ng takbo at mabilis na umakyat sa isang puno dahil sa takot. Naiwan si Julio na nakikipagtagisan sa mga aswang, kabado pa rin si Pulgoso na para bang may nagkakarera sa kaniyang dibdib sa sobrang bilis ng tibok ng kaniyang puso.
May mga aswang na nakaabang sa kaniya sa ibaba ng puno at ang iba naman ay pinagtutulungan si Julio. Sa tagpong iyon ay biglang naalala niya ang trahedyang nangyari sa kaniyang mga magulang. Biglang nakaramdam ng galit si Pulgoso. Pinikit niya ang kaniyang mga mata at inalala ang mga palipad hangin at pangontrang tinuro sa kanila. Hinawakan niya ng maigi ang patalim na dala niya, ipinuwesto niya pababa ang tulis nito at tumalon mula sa itaas ng puno. Bumaon ang talim sa leeg ng isa sa mga nilalang na natalunan niya. Ng mga sandaling iyon ay seryosong-seyoso na ang mukha ni Pulgoso, nakikita niya sa aswang na kaharap niya ang mga aswang na pumatay sa kaniyang mga magulang.
“Wala akong ititirang buhay sa inyo!” Animo’y binalot ng apoy si Pulgoso sa alab na nararamdaman niya ng mga sandaling ‘yon. Tatapusin niya ang mga ito. Isa-isang sumugod ang mga ito sa kaniya, kinuha niya ang trabungko ng ahas na nasa kaniyang leeg at pinaikot ito sa kamay niya na may hawak na patalim sabay usal ng mga palipad hanging pangontra sa mga ito. Matiim sa tiningnan ni Pulgoso ang bawat isa sa mga ito at pasigaw na sumugod.
Naiiwasan niya ang mga pagkalmot ng mga ito sa kaniya kahit na sabay-sabay pa itong nagsilusob sa kaniya. Nang makakuha ng pagkakataon para saksakin ang mga ito ay hindi na siya nag alin-langan pa. Nasaksak niya sa may sikmura ang isa at buong lakas niya itong itinulak pa para mas bumaon pa ang patalim sa katawan nito. Sumigaw ng malakas si Pulgoso habang ginagawa ‘yon at napaangil na lamang ang nilalang sa ginawa niyang iyon. Nang hugutin na niya ang patalim ay agad na nagliyab ang katawang ng nilalang hanggang sa maging abo ito.
Binalingan niya ang iba pa at gano’n din ang naging laban. Hindi naman makapaniwala si Julio sa gilas na pinakita ni Pulgoso, para ba’ng isang matandang madirigma na nasa katawan ng isang bata ang nakikita niya. Mabilis nilang napaslang ang anim sa mga ito ngunit ang natirang dalawa ay ayaw pa rin sumuko.
“Hindi kami aalis dito ng hindi dala ang puso niyong dalawa! Masiyadong mahihina lamang ang aming mga kasama ngunit sa’min, hindi na kayo makauuwing buhay,” saad ng isa sa mga ito. Iba nga ang dalawa sa ibang napaslang nila Julio dahil sa isang kisapmata lang nasa likuran na ito ni Julio at agad na kinalmot siya nito, napasigaw si Julio ng maramdaman ang pagbaon ng matatalas na kuko ng nilalang sa kaniyang likuran.
“Tay Julio!” sigaw ni Pulgoso ng makita niyang nasugatan na si Julio. Lalapitan na sana ni Pulgoso si Julio ng biglang naputol na lang ang ulo ng aswang na kumalmot dito. Ginamit ni Julio ang kaniyang kakayahang gawing sandata ang dahon. Isa na lang ang natira at lulusobin na rin sana nito si Pulgoso na noon ay nalihis saglit ang atensiyon ngunit bigla na lang humiyaw ang nilalang at nagtatalon. Ginawang bendita na pala ni Tekla ang pangontrang ginawa ni Julio. Ibinuhos at iwinisik niya ito sa nilalang.
“Sa ngalan ni daddy Julio, pinsan kong aso, ang me Tekla na beautiful! Go...go...go...mag disappear ka na!” saad ni Tekla sa natitirang aswang hanggang magliyab ito at tuluyang maging abo.

BINABASA MO ANG
PULGOSO: ANG BATANG ANTINGERO
KorkuNasaksihan ni pulgoso kung paano paslangin ng mga aswang ang kaniyang magulang ng walang kalaban-laban. Ngunit bago pumanaw ang kaniyang ama naihabilin nito pa ang lahat ng mga kaalaman at kagamitan nito sa kaniya. Ngunit dahil sa bata pa at wala pa...