ROB’s POV
Napailing ako nang makitang muling inisang lagok ng stepbrother kong si Santi ang beer na nasa loob ng baso nito. Pangatlong salin na iyon sa loob lamang ng isang oras.
Kanina ay tinawagan ako nito para sabihing gusto nito ng makakasama at bilang isang nakatatandang kapatid ay pumayag akong damayan ito sa ginagawa nitong pag-inom sa loob ng isang bar.
Nagsabi ako sa aking asawang si Callie na sasamahan ko muna ang aking kapatid sa gabing iyon. Hindi ko sana gustong magpaalam pa sa kanya dahil para sa akin ay hindi na siya karapat-dapat sa aking respeto ngunit anuman ang aking dahilan ay siya pa rin ang aking asawa.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang aking cold treatment sa aking misis kahit nakikita kong sinusubukan niyang bumawi sa akin at sa aming anak na si Mavie.
Sadyang mahirap tanggapin para sa ego ng isang lalaking may asawa na pinagtaksilan ako ng aking misis.
At hindi lamang kung sinong lalaki ang kasama ni Callie sa kanyang pagtataksil sa akin kundi isang lalaki na nagkaroon ng malaking parte sa kanyang buhay.
Parang gusto kong hanapin kung sinuman ang lalaking iyon at basagin ang mukha nito sa harapan ni Callie. Ang lakas ng loob ng lalaking iyon para maliitin ang aking pagkalalaki.
Gabi-gabi kong iniisip kung bakit ako nagawang pagtaksilan ng aking asawa. Hindi ko alam kung ano ang nagawa kong mali sa kanya para humantong siya sa pagtataksil sa akin.
Ngunit kasalanan ko nga ba kung bakit nagtaksil ang aking asawa o sadyang mahina lamang si Callie pagdating sa tukso?
Nagkamali ba ako ng pagkakakilala sa ina ng aking anak?
Alam kong pareho lamang kami ni Callie na nagtaksil sa isa’t isa pero ang pagkakaiba ay ginawa ko ang aking kasalanan noong panahong hindi pa kami kasal.
Isang nakakainsultong tawa ang narinig ko sa aking isipan dahil narito ako at parang binibigyan pa ng justification ang ginawa kong pagtataksil kay Callie noon.
But what can I do?
Nasasaktan ako.
Nagagalit ako.
At wala akong ibang gustong gawin kundi ibunton ang lahat ng sisi at sakit sa aking asawa.
Gustung-gusto ko siyang gantihan. Nais kong iparamdam sa kanya kung gaano kasakit ang malaman na sinira ng isang taong iniibig niya ang tiwalang ipinagkaloob niya rito.
Pero ang isipin na sasaktan ko ang damdamin ng aking asawa ay nagdudulot na kaagad ng lungkot sa aking puso.
Mahal na mahal ko si Callie at ang pinakahuling bagay na gugustuhin kong gawin sa kanya ay ang saktan ang puso niya dahil sa aking pansariling interes.
Oo, inaamin kong nang araw na nakita ko ang mga larawan ng pagtataksil ni Callie ay pumasok sa aking isipan na gantihan siya sa pamamagitan din ng pagtataksil.
Pumasok pa nga sa isipan ko na gamitin si Roxy, ang babaeng sa tingin ko ay siyang pinaka-kinasusuklamang tao ng aking asawa sa buong mundo, para sa aking planong paghihiganti kay Callie. Pero hanggang ngayon ay hindi ko mahanap sa aking sarili ang lakas ng loob para gawin ang bagay na iyon.
Alam kong naisip ko lamang iyon dahil sa patong-patong na emosyong naramdaman ko nang araw na iyon.
Sino nga naman ang makapag-iisip ng tama kapag natuklasan ng isang lalaki na pinagtaksilan ito ng misis nito at ang kasama nito sa pagtataksil ay isang tao mula sa nakaraan?
Maliban doon ay malalaman pa ng lalaki mula sa bibig mismo ng asawa nito na wala itong balak na aminin sa mister nito ang ginawa nitong kasalanan.
Kaya walang pwedeng sumisi sa akin kung bakit pumasok sa aking isipan na pagtaksilan si Callie kasama ang babaeng kinaaayawan nito.
BINABASA MO ANG
Sexy Revenge
Tiểu Thuyết ChungSina ROB at CALLIE LAGUARTE, mag-asawang masayang namumuhay kasama ang kanilang anak na si Mavie. Isang pagsasamang sisirain ng isang kasinungalingan. Si ROXANA "ROXY" VALERIANA, ang ambisyosang teacher na gagawin ang lahat para umangat sa buhay. Sa...
