Chapter 43

169 4 8
                                        

Pagbalik ni Kairus ay may dala na siyang inumin. Agad ko siyang nginitian, baka isipin niya pa na hindi ako masaya na kasama ko siya ngayon.

"Salamat," saad ko. Pagkakuha ko sa binili niyang inumin sa 'kin ay agad ko 'tong inilagay sa tabi ng aking pinggan.

Pagkaupo ni Kairus ay lumapang na siya at agad na tinikman ang binili niyang pagkain. Medyo napapikit pa siya habang ninanamnam ang sisig na ulam. Wari mo'y dinala siya nito sa alapaap.

"Oy, magdasal ka muna kaya bago ka kumain. Gutom na gutom lang?" sambit ko habang nakataas ang aking kanang kilay.

Nginitian niya lamang ako bilang tugon na tila ba nang-uuyam. "Sorry na, hindi mo na ba ako mapapatawad?"

Sa ginawa niyang iyon, para akong may kaharap na anghel na mistulang nagpapa-cute sa 'kin. Inisog niya pa ang kaniyang mga mata na wari mo'y bata na gustong magpalambing.

"Pinaandaran mo na naman ako, Kairus. Oo na, pinapatawad na kita. Mag-pray na muna tayo," wika ko. Kinikilig ang aking kaibuturan na 'di ko mawari. Agad akong pumikit at nanalangin upang makakain na rin.

"Patikim nga ako ng sabaw ng sinigang nila kung sumarap na," aniya. Sumandok siya sa aking ulam gamit ang kaniyang kutsara. Tumango lang ako bilang tugon habang pinagmamasdan siyang humihigop ng sabaw sa kaniyang kutsara.

Hindi ko alam kung mapapabunghalit ba ako ng tawa dahil hindi ko mawari ang itsura niyang tila ba asim na asim sa sabaw ng sinigang.

"Syete talaga, hindi na nagbago ang lasa ng sinigang dito sa canteen. Napakaasim pa rin!" Pagmamaktol niya sabay inom sa binili niyang softdrink.

"Ayan, pinangunahan mo kasi akong humigop. 'Yan tuloy napapala mo," turan ko habang nakangisi. Sumandok din ako sa sabaw gamit ang aking kutsara para ito'y tikman. Sakto lang naman ang lasa niya, hindi naman gano'n kaasim. Hindi lang siguro mahilig si Kairus sa maasim kaya sobra siyang naasiman.

"Hindi ko na talaga susubukan ulit ang sinigang dito sa canteen. No'ng huli kong tinikman 'yan kay Joash, napangiwi talaga 'ko," anas niya.

Hala, mukhang mahilig din sa sinigang si Joash. Paborito niya kaya ito? Agad akong napabalik sa aking wisyo nang bumalik na si Kairus sa pagkain. Napansin kong hindi siya mahilig sa mayonaise. Wala kasing gano'n ang sisig niya. Normally kasi mas mahilig ang mga tao sa may mayo at itlog sa ibabaw pagdating sa sisig.

"Ayaw mo ba sa mayonaise? O wala lang mayo ang canteen dahil nagtitipid?" tanong ko dulot ng kuryosidad.

"Hindi naman sa ayaw, nasanay na lang din ako na walang mayo ang sisig. Madalas kasi, kapag 'yung kaibigan ni Ate na taga-Pampanga ay nagtitinda sa kanila ng sisig, bumibili si Ate at nag-uuwi sa bahay. No'ng matikman ko 'yon, napakalasa na kahit walang mayo. Kaya nasanay na lang din ako," paliwanag niya. Napatango na lamang ako bilang tugon.

"Speaking of Pampanga, nakapunta ka na ba ro'n? Ang alam ko lang kasi, maraming masarap na pagkain doon," pag-iiba ko ng topic.

"Oo naman, minsan kapag may business related na ganap doon ang parents ko, sinasama nila kami no'ng bata pa kami ni Ate Kailee. Buti naitanong mo 'yan, para tuloy gusto kong mamasyal doon minsan," aniya.

"Nice, punta tayo roon soon..." Pagkabanggit ko no'n ay nagpatuloy na ako ulit sa pagkain.

"Sure," wika niya.

Pagkatapos naming kumain ay agad naming dinala ang aming pinagkainan sa may canteen. At dahil nasa public school kami, kailangan naming mag-CLAYGO (Clean as you go).

"Mamayang uwian, sabay na tayong umuwi. Ihahatid kita sa inyo," sambit niya habang naglalakad kami patungo sa aming silid.

Hindi ko na lang pinansin ang mga matang patuloy na umuusig sa akin dahil magkasama kami ni Kairus. Kala mo'y gusto akong tirisin nang buhay ng mga fan girls niya.

"Ikaw ang bahala," ani ko.

Pagkarating sa aming silid ay agad akong tumakbo papalapit kay Marion na tila ba abala sa paglalagay ng pulbos sa kaniyang mukha.

"Girl!" mahina kong sigaw sa kaniya pagkaupo ko sa kaniyang tabi.

"Alam ko na ang sasabihin mo, girl. Hindi mo kinaya ang mga ganap, correct?" tugon ni Marion. Pagkasilid niya ng pulbos sa kaniyang pouch ay agad naman niyang inilabas ang paborito niyang lip tint at naglagay sa kaniyang nguso.

"Ikaw na, ikaw na talaga ang beshy ng taon," sambit ko habang nakabusangot nang kaunti. Magkukuwento pa lang sana ako ng masayang ganap kaso mukhang alam niya na sa sasabihin ko.

Pagkatapos niyang laru-laruin ang nguso upang maikalat ang lip tint ay agad siyang bumaling sa akin patungo sa aking tainga at bumulong nang mahina.

"Pero ang sasabihin ko sa 'yo, heto ang hindi mo talaga kakayanin," seryoso niyang sambit. Kapag seryoso ang tono ng boses niya, paniguradong hindi kalokohan ang sasabihin niya sa 'kin.

"Ano na naman 'yan, girl? Kinakabahan ako kapag seryoso ang boses mo. Kapag loka-loka mode ka kasi ay kampante ako," wika ko.

"Gusto kang makausap ni Joash. Magkita raw kayo sa may garden sa likod ng building natin," aniya.

Napakunot ako bigla ng aking noo nang marinig ko 'yon. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Tila ba napagitla ako dito sa aking kinauupuan. Kanina lang, parang galit siya sa akin no'ng nakita ko siya sa canteen. Ngayon naman, gusto niya akong kausapin? Bakit? Para saan?

"Bakit daw? Nasabi niya ba sa 'yo?" seryoso kong tanong na medyo nagugulumihanan.

"Hindi, e. Basta no'ng nagkasalubong lang kami sa daan, sinabi niya 'yan sa 'kin. Sabihin ko raw sa 'yo," tugon niya. "Tutuloy ka ba?" dagdag pa niya.

Siguro, gusto lang akong makausap ni Joash patungkol sa hindi ko pagsipot sa birthday ng Mom niya. Siguro, heto na rin ang pagkakataon upang magkausap kami at makahingi ako ng tawad sa kaniya, at para maipaliwanag ko rin ang nangyari no'ng araw na 'yon.

Maya-maya pa'y dumating na ang aming guro.

---

Pagkatapos ng aming klase ay agad akong nagpasama kay Marion sa may likod ng aming building upang makipagkita kay Joash. Pagkarating namin doon, nakita namin siyang nakaupo sa may bato sa may damuhan. Nakatingin lang siya sa may langit na tila ba malalim ang iniisip.

Nakaramdam ako bigla ng kaba. Hindi ko alam kung bakit bumilis bigla ang tibok ng aking dibdib. Hindi ko alam kung ako ba'y natatakot o sadyang kinakabahan lang talaga. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa kaniya pagkalapit ko roon.

"Girl, chill ka lang. Huwag kang masyadong ma-tense. Puntahan mo na si Joash do'n, aantabay lang ako rito," saad ni Marion. Hinawakan niya ang aking kanang kamay at binigyan ito ng isang diin na tila ba senyales na tatagan ko lang ang loob ko.

"Kaya mo 'yan," dagdag pa niya sabay haplos sa aking likuran. Tumango siya sa aking bilang hudyat na tumungo na ako.

Sa unang hakbang ko pa lang ng aking paa, tila ba nakikisama ang hangin sa akin. Sa pag-ihip nito, lamig ang higit na bumalot sa aking katawan. Para bang manginginig ako kapag nagkalapit na kami. Unti-unti, hindi ko namalayan na sampung hakbang na lang pala ang layo ko sa kaniya.

Dumako ang kaniyang tingin sa akin. Isang banayad at masiglang ngiti ang kaniyang ibinungad sa akin.

"Morixette..." nabasa ko ang buka ng kaniyang bibig na sinambit niya ang pangalan ko. Hindi ko alam kung patuloy ba akong hahakbang papalapit sa kaniya o hihintayin kong siya ang lumapit sa akin.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon