Mistulang tuod akong nakatayo sa aking kinatitirikan. Ayaw kong maunang maglakad papalapit sa kaniya kahit kaunti na lamang ang aming distansya. Isang minuto kaming magkatitigan, tila tinitimbang niya rin ang sitwasyon.
Ilang sandali pa'y si Joash na ang naunang lumapit. Para bang kay tagal naming hindi nagkita kung makakaripas ng takbo papalapit sa akin. Isang mahigpit na yakap agad ang kaniyang pinakawalan nang magkalapit kami.
Natameme lang ako, pati mga mata ko ay nanlaki sapagkat crush ko lang siya dati pero ngayon, abot kamay ko na. Hindi lang basta abot kamay, kayakap ko pa ngayon.
Syaks! Ang malandi kong utak! Na-te-tempt akong yakapin din siya pabalik ngunit may parte rito na nagsasabi na huwag. Para tuloy akong maiihi na hindi ko maintindihan.
"Nagtatampo ako sa 'yo..." 'yan ang katagang sinambit niya matapos kumalas ng yakap sa 'kin.
"Ha? Bakit naman?" Pagmamangan-maangan ko habang kinakamot ang aking ulo.
Para siyang bata na inagawan ng kendi. Ang mukha niya ay nakabusangot at hindi maipinta. Hindi ako sanay, ngayon ko lang siya nakita ng ganiyan. Para tuloy ang sarap pisilin ng kaniyang pisngi.
"Hindi ka sumipot sa birthday ni Mommy. Hindi ka man lang nagsabi na hindi ka pupunta, nag-expect pa naman ako sa 'yo," malungkot niyang sambit.
Feeling guilty ako natapos niyang sabihin 'yon. Tama nga naman siya, hindi man lang ako nagbigay ng abiso.
"Sorry, Joash. Hindi ko naman sinasadya, may balak naman talaga akong pumunta. Sinabihan ko pa nga sina Tim at Marion," wika ko.
"I know, nabanggit na 'yan sa 'kin ni Marion," malamig niyang tugon.
Biglang lumamig ang kaniyang timpla. Kanina, sabik na sabik siyang makausap ako pero ngayon, naging maligamgam ang pakikitungo niya sa akin.
Bahagya siyang lumayo sa akin at saka tumalikod. Hindi ko alam kung ano ang kaniyang iniisip pero bigla siyang tumingala at inilagay ang dalawa niyang kamay sa kaniyang mukha.
Medyo nabahala ako. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin, kung ano ang aking gagawin. Dapat ko ba siyang aluin?
Mayamaya, humarap siya muli sa akin at seryoso ang kaniyang mukha.
"Kayo na ba ni Kairus?" diretso niyang tanong.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa tanong niya na 'yon.
"Hindi pa, bakit mo naman naitanong?" kinakabahan kong tugon.
"Alam kong nililigawan ka niya, mahal mo na ba siya?" pag-engkwentro niya sa akin. Hindi ko siya kayang sagutin ng diretso sapagkat maski ako ay hindi pa rin sigurado sa nararamdaman ko. Ang alam ko lang, masaya ako kapag magkasama kami ni Kairus.
Tumalikod ako sa kaniya sapagkat hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin.
"Ako ba? Gusto mo ba ako?" dagdag niya pa. Napagitla talaga ako nang marinig ko 'yon. Saan siya humugot ng tapang at lakas ng loob upang itanong ito sa akin? Hindi ko siya hinarap, nakatalikod pa rin ako sa kaniya.
"Kung sasabihin ko ba sa 'yo na gusto kita, magkakaroon ba ako ng chance r'yan sa puso mo?" hirit niya pa.
Parang nayanig bigla ang mundo ko. Hindi ko kinakaya ang mga naririnig ko ngayon. Humarap ako sa kaniya upang makapag-usap kami nang matiwasay. Hindi naman kasi tama na nakatalikod ako habang kinakausap niya ako.
Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan nang magkaharap ulit kami. Seryoso siya, kung titingnan mo ang kaniyang mga mata, para bang ang puro ng kaniyang intensiyon. Na tila ba nais niya lang malaman kung ano ang isasagot ko.
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.
