Kabanata 12
Sweet Punishment----------
Pagkatapos naming maghapunan kasama ang pamilya nila Dayday. Agad naman kaming lumabas sa tapat ng bahay nila para abangan ang sagala na naririnig na naming paparating dahil sa malakas na tambol at paputok. Hindi rin nalalayo ang simbahan dito kaya naririnig din namin ang malakas na tunog ng kampana.
"Ang ganda naman ng gown." ani Dayday ng mapadaan sa amin ang babaeng nasa pinakaunahan ng sagala.
"Gown lang?" Natatawa kong tanong sa kanya.
"Oo. Nadala ng gown, MJ" pranka niya pang sabi.
Katakot-takot na panlalait ang ginawa ni Dayday sa iba pang mga kadalagahan na sumagala. Pati mga lalaking kapareha ng mga ito ay inookray niya.
"Sus maryosep! Ang lakas naman ng loob sumali nun." aniya habang nakahalukipkip at masama na ang tingin sa iba pang papadaan.
"Nako! Kung kasing papayat at kasing tatangkad ko lang ang mga yan, sasali talaga ako dyan e. Bakit kasi hindi ka sumali, MJ? E di sana may nakikita akong maganda." litanya pa ni Dayday na tinatawanan ko nalang.
"Gastos lang yan, Dayday. Alam mo namang wala kaming pera."
"Bakit ba kasi kung minsan, kung sino pa yung magaganda. Yun pa ang mahiyain. At kung sino naman yung mga pinagkaitan, yun pa yung kering-keri rumampa sa harap ng maraming tao. Ano sila, proud na proud manakot?"
"Wag ka na ngang mag-reklamo dyan, andyan na si Zenda."
Nakikita ko na ang malaking pangalan ni Zenda na nakadikit sa pagitan ng dalawang mahahabang kawayan. Gawa ang pangalan niya sa styrofoam at kumukinang iyon sa glitters, maganda rin ang pagkaka-lettering ng pangalan niya, pero ngayon ko lang napansin at nalaman na siya pala ang Reyna Elena, na ang ibig sabihin ay kapareha niya si Isaiah.
Kung kanina ay ang pangalan pa lang ni Zenda ang nakikita ko, ngayon ay kitang-kita ko na siya na naka kulay asul na gown na halos sumayad na ang laylayan sa lupa.Kasama niya si Isaiah at nakakawit ang kamay niya sa braso nito, habang hawak niya ang isang maliit na krus. Si Isaiah naman ay ngiting-ngiti na kumakaway sa mga tao.
Pinasadahan ko ng tingin ang kanyang suot. Nakabarong siya at itim na pantalon. Kagalang-galang ang itsura niya, pero hindi ko talaga makita ang pagka pinoy niya dahil mas nangingibabaw kasi sa physical features niya ang kanyang pagkabanyaga. Kulay palang ng balat niya ay hindi mo na aakalaing pinoy siya. Ganoon pa man, hindi ko maitangging bagay na bagay sa kanya ang suot niya, na sinabayan pa niya ng maganda niyang pagdadala nito, para siyang modelo kung tumindig.
"Ang gwapo-gwapo ni Isaiah!" Kinikilig na sabi ni Dayday, kasunod ng pagkuha niya rito ng picture, gamit ang kanyang digicam.
"Ang ganda rin ni Zenda." sabi ko naman. Baka kasi nakakalimutan nitong si Dayday na si Zenda ang hinihintay namin at siya ang dapat na kunan niya ng litrato.
"Oo naman! Bestfriend ko yan e." May pagmamalaking pagsang ayon naman ni Dayday.
Tinawag niya si Zenda at kinawayan kaya napahinto ang mga ito. Napatingin pa nga sa akin si Isaiah na kumaway pa sa akin, pero hindi ko pinansin.
"Isang post naman dyan!" ani Dayday sa dalawa.
Nag post naman si Zenda at Isaiah kasunod ng pag-flash ng camera ni Dayday. Sumunod naman ay nagpapicture sa akin si Dayday kasama si Zenda at Isaiah.
"Si Magnolia naman." ani Isaiah.
"Wag na. Mamaya nalang nahuhuli na tayo." At saka muling ikinawit ni Zenda ang kamay niya kay Isaiah at nginitian niya ako na para bang may kung anong pagmamalaki yun.
BINABASA MO ANG
I Will Cry For You (Ashralka Heirs #1)
General FictionMatapos silang iwan na mag-iina ng kanyang ama para sumama sa ibang babae, at maanakan naman ng isang lalaking walang paninindigan ang kanyang ate. Labis ang naging galit ni Magnolia Jamaica Ledesma sa mga lalaki. She became a man hater by choice. B...